Linggo, Abril 2, 2023

Sa araw ni Balagtas

SA ARAW NI BALAGTAS

tumutula nang wagas
ang makatang makatas
sa mukha'y mababakas
anong nais malutas

sa bawat gabi'y handa
sa pagkatha't pagtugma
nakatungtong sa lupa
ang paa't talinghaga

ang lipunang pangarap
at sistemang hinagap
na kapwa mahihirap
ay talagang malingap

sa Araw ni Balagtas
kahit maong na kupas
ang suot, madadanas
ang bawat pagbalikwas

tula'y magpapatuloy
tula'y di maluluoy
ang tanim na sisiloy
magiging punongkahoy

- gregoriovbituinjr.
04.02.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagtahak

PAGTAHAK lakad ng lakad hakbang ng hakbang tahak ng tahak baybay ng baybay kahit malayo kahit mahapo saanmang dako ako dadapo ang nilalandas...