Linggo, Marso 29, 2020

Tutulungan ba sila o tutulugan lang sila?- Batay sa twit ni Chiara Zambrano


Mula sa twit ni Chiara Zambrano

Huminto sa stoplight sa gitna ng coverage. May dalagitang 
kinilig na makakita ng kotse, lumapit para manlimos.
“Ate,” sinabi ko nang malakas para tagos sa n95 - 
“Umuwi ka. Delikado sa labas, magkakasakit ka. Uwi na, Ate.”
Ngumiti siya, at humakbang paatras.
“Wala akong bahay.”

TUTULUNGAN BA SILA O TUTULUGAN LANG SILA?

maraming walang bahay, sa kalsada nakatira
sa panahong ito'y sinong kumupkop sa kanila
mahirap na nga sila, tapos, may COVID-19 pa
tutulungan ba sila o tutulugan lang sila?

kasalanan ba nilang isinilang na mahirap
kasalanan bang hanggang ngayon sila'y naghihirap
kung tamaan pa sila ng sakit, sinong lilingap
kung wala silang pera't buhay ay aandap-andap

sa panahong ito sana'y may lumingap sa dukha
ang pamahalaan sana'y mayroon pang magawa
at may mga tao pa sanang mapagkawanggawa
na may puso sa pagtulong sa kapwa't kumalinga

maawa din sana pati Anghel ng Kamatayan
huwag silang puntiryahin pagkat walang tahanan
matulungan sana ng kanilang pamahalaan
mahirap lang sila, ngunit kapwa tao rin naman

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD umabot na kami ng apatnapung araw at apatnapung gabi dito sa ospital kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw paa...