Sabado, Setyembre 12, 2020

Ang awitin ni D.J. Alvaro

nagkapag-asa ako noon sa awiting ito
na yaong liriko'y kinanta ni D.J. Alvaro
"kahit hindi guwapo, kahit hindi matalino"
"basta may puso, siya pa rin ang gugustuhin ko!"

kayrami ko kasing niligawan, palaging basted
di kasi ako guwapo, matagal ko nang batid
at di rin matalino, alam ko, di iyon lingid
ngunit may puso sa masa, pagbabago ang hatid

ako'y makatang liriko niya'y kayang ayusin
kung liligawan ko siya, ako kaya'y sagutin
baka naman si D.J. Alvaro'y pihikan man din
at di ang tulad kong tibak ang kanyang gugustuhin

aktibista akong hangad ay paglaya ng bayan
hanggang nakilala'y Liberty ang kanyang pangalan
tibak akong nasa'y malayang bayan, Kalayaan
kaya si Liberty ang minutya't nakatuluyan

- gregoriovbituinjr.

Hugot na naman

aba'y di ko na kailangang gumamit ng google
upang makita lamang ang hinahanap kong lover
litrato ng minumutya'y ginamitan ng pinsel
hanggang makilala kita, sinta, the search is over

bum!

bilang aktibista, hangad ko'y paglaya ng bayan
mula sa pagsasamantala ng mga kawatan
at nang malaman kong Liberty ang iyong pangalan
aba'y ikaw ang hanap ko, tunay na Kalayaan

bum!

kung sa kulay ng ibang babae'y di ka simputi
ayos lamang iyon lalo't ikaw ay kayumanggi
isang dalagang Pinay na kadugo'y kalahi
na aking magiging karamay sa aking paghikbi

bum!

"gusto mo ba ng kape?" tanong niyang kainaman
"aba'y oo, basta timpla mo!" ang sagot ko naman
"anong kape, black, puro, may cream?" sagot ko'y simple lang
"kapeng matapang, iyong kaya akong ipaglaban!"

bum!

- gregoriovbituinjr.

Suportahan ang ating mga pambato sa Math Olympiad 2020

"Kaya n'yo iyan!" Ito ang sigaw naming narito
sa ating mga magagaling na matematiko
na muli pong lalaban sa Math Olympiad sa mundo
nariritong sumusuporta sa ating pambato

dapat daw gagawin ito ngayong taon sa Rusya
subalit di na iyon tuloy dahil sa pandemya
kundi gagawin na ang paligsahan sa online na 
sadyang patalasan ng ulo sa matematika

labanan ng estudyante sa hayskul ang Olympiad
sa matematika't sana sila'y maging mapalad
anim na estudyanteng kaybabata pa ng edad
kinatawan ng Pilipinas, medalya ang hangad

nakaraang taon, anim na medalya'y sinungkit
sa United Kingdom ng mga Pinoy na nagsulit
at ngayong taon, "Kaya n'yo iyan!" ang aming sambit 
sana'y anim na medalyang ginto'y inyong makamit

- gregoriovbituinjr

* Pinaghalawan:
LOOK: Young Pinoys Mathemagicians To Join First-Ever Online Int’l Math Olympiad In 2020
PHL to compete in first online International Math Olympiad

Biyernes, Setyembre 11, 2020

Paglalagay ng floor tiles sa kubeta

labingdalawang floor tiles ang nilagay sa kubeta
inayos ayon sa disenyo nitong anong ganda
tatlong sakong buhangin at medya semento'y minasa
bago ko ilagay ang tiles sa sahig isa-isa

ang pagsesemento'y inaral din kahit paano
kaya nakapaglagay rin ng tiles doon sa banyo
ayos lang trabahuhin kahit na may inidoro
kaya nilinisan ko iyon bago magtrabaho

sinimulan iyon ng hapon, natapos ng gabi
mabuti't trinabaho ko iyon at nagkasilbi
nagamit ko rin ang napag-aralan sa dyometri
sa paglalapat ng floor tiles nang walang atubili

buong magdamag din iyong patutuyuin muna
lilinisin ang floor tiles sa umaga pag naiga
saka lagyan ng grawt sa pagitan ng awang nila
pag natuyo'y iis-isin ko ang tiles bawat isa

patuloy akong nagninilay habang gumagawa
inaanalisa ang gawang parang kumakatha
matapos balangkasin ang planong nasasadiwa
salamat, natapos din ang bagong obrang nalikha

- gregoriovbituinjr.



Huwebes, Setyembre 10, 2020

Ang gunting na iyon

kaytagal ko ring nakasama ang gunting na iyon
higit limang buwan ding kasa-kasama maghapon
sa paggupit-gupit ng mga plastik kong tinipon
na ipapasok ko sa boteng plastik na naipon

halos ganyan na araw-gabi itong ginagawa
habang may pandemya kaysa naman nakatunganga
ang gunting na iyong nagsilbi't kasangga kong pawa
habang nageekobrik ng kusa sa aking lungga

ang gunting na iyong talagang kaylaki ng silbi
sa panahon ng pandemyang di ako mapakali
para sa kalikasan, dito ako nawiwili
kaya patuloy sa pageekobrik araw-gabi

salamat sa gunting na iyong aking nakasamai
sa mag-aanim na buwan na ngayong kwarantina
sa higit dalawampung ekobrik, nagsilbi siya
salamat sa gunting na hanggang ngayon ay buhay pa

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Setyembre 9, 2020

Kung makakatulong ang tula sa pakikibaka

katulad din ng pag-ibig sa bayang tinubuan
at buong pagyakap sa Kartilya ng Katipunan
iwing prinsipyo'y tatanganan at paninindigan
upang kinakatha'y mabasa rin ng kabataan

kung makakatulong ang tula sa pakikibaka
dahil marami o may ilan ditong nagbabasa
itutula ko ang pagsasamantala sa masa
habang nananawagan ng panlipunang hustisya

kung bawat titik at parirala'y magiging tinig
kung bawat taludtod at saknong ay maiparinig
isusulat ang katotohanang nakatutulig
upang manggagawa't maralita'y magkapitbisig

huwag nating hayaang lagi tayong nakalugmok
halina't palitan na natin ang sistemang bulok
pagkat pagsasamantala nga'y nakasusulasok
para sa katarungan ay lumaban nang mapusok

aking itutula ang kalagayan ng dalita
at mga pakikibaka ng uring manggagawa
narito akong alay ang kakayahang tumula
na hanggang sa huling hininga'y kakatha't kakatha

- gregoriovbituinjr.

Martes, Setyembre 8, 2020

Ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan

ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan
sa anumang nangyayaring karahasan sa bayan
kung bawat tula ko'y dapat iambag sa labanan
ay gagawin ko para sa hustisyang panlipunan

iyan ang panata ko sa karapatang pantao
dapat laging iginagalang ang due process of law
isusulat ko ang katiwalian sa gobyerno
at itutula ko ang karahasan ng estado

"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sinabi
ni Gat Emilio Jacinto na dakilang bayani
ang akda niyang Liwanag at Dilim ay sakbibi
ng makatarungang aral na sa kapwa'y may silbi

para sa karapatang pantao'y nakikibaka
kaya nga tinanggap kong maging isang aktibista
kaya kumikilos laban sa pagsasamantala
at pang-aapi ninuman sa karaniwang masa

di pipi ang aking pluma't tinta, magsisiwalat
ito ng kabulukang minsan ay di madalumat
ako'y aktibista't makatang gagawin ang lahat
upang maglantad, magsulat, maglathala, magmulat

- gregoriovbituinjr.

Pagsusulat sa madaling araw

madaling araw ang karaniwan kong pagsusulat
kung saan marami'y himbing pa't di pa dumidilat
panahong sa diwa'y dadalaw ang di madalumat
mutya ng haraya'y naroon sa aking pagmulat

maagang tutulog upang gumising ng alas-tres
o alas-kwatro ng madaling araw, tulog-nipis
di matingkala'y sinisiwalat ng bawat amis
bakasakaling gumaling na ang natamong gurlis

masisisi ko ba ang aking bawat kapalpakan
sa maraming bagay na dapat pang mapag-aralan
minumuni ang tanikala ng kaalipinan
mula sa karukhaang di batid kung makayanan

sige, aakdain ko anumang dapat sulatin
habang gurlis na natamo'y aking pinapagaling
habang pinagninilayan ang maraming usapin
habang niyakap kong adhika ang laging kapiling

tiyak kong ang mga tandang na'y magsisitilaok
tao'y gigising din kasabay ng gising ng manok
umaga na pala't bagong araw na'y pumapasok
habang ako nama'y sinasagilahan ng antok

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Setyembre 7, 2020

Paglilinis ng pinulot na basurang plastik

noong una nga'y sadyang nakakadiri talaga
ang basta mamulot na lang ng plastik na basura
baka may uod, pagkaing panis, o tira-tira
na baka nga magpabaligtad sa iyong sikmura

subalit lahat ng iyon ay nilunok ko na lang
alang-alang sa kalikasan, nawala ang yabang
may dignidad pa rin naman pagkat di salanggapang
mas nakakasuka ang trapo't pusong halang

sa aking daraanan ay naglipana ang plastik
isa-isa kong pinupulot na animo'y sabik
nawala na ang pandidiri't di mawaring hibik
kung bunga ang plastik sa lansangan, sa bunga'y hitik

pagdating sa bahay, sinabunan ko't nilinisan
ginupit isa-isa't nilinis ang kabuuan
binanlawan, patutuyuing buong gabi naman
upang ihanda sa pag-ekobrik kinabukasan

at bukas, ieekobrik ang plastik na malinis
na ipapasok sa boteng iba't iba ang hugis
masayang maggugupit, kamay man ay nagtitiis
sa lintog subalit hinahayaan na ang amis

- gregoriovbituinjr.


Pamumulot ng basurang plastik

"Bakit mo ba pinupulot ang basura ng iba?"
sabay tingin sa akin, ang nagawa ko'y mali ba?
di man niya iyon sinabi'y aking nakikita
ang puna sa gilid ng kanyang mapungay na mata

aba'y tama naman siya't tunay na may katwiran
"tapat ko, linis ko," sabi doon sa kalunsuran
"basura mo, itapon mo," huwag lang sa lansangan
bakit nga ba kalat ng iba'y kukunin ko naman?

subalit ako'y isang makakalikasang tibak
environmental activism ang sa puso't utak
na kalikasan ay huwag tuluyang mapahamak
sagipin ang kalikasan laban sa mga tunggak

para sa ekolohiya, sa puso'y natititik
alagaan ang kalikasan, tipunin ang plastik
na nagkalat, gupit-gupitin at ating isiksik
sa boteng plastik at patigasing bilang ekobrik

kita ko sa daang kayraming plastik na nagkalat
ayokong nakatanghod lang, pupulutin ang bawat
naglipanang plastik bago pa mapunta sa dagat
bago kainin ng isdang sa basura nabundat

- gregoriovbituinjr.

Ang dalawang Euclid sa kasaysayan

may dalawang Euclid ang nabasa ko sa historya
tagasunod ni Socrates si Euclid ng Megara
at ang kilala kong si Euclid ng Alexandria
dahil sa kanyang gawa't ambag sa geometriya

akda ng taga-Megara'y anim na diyalogo
ang Lamprias, ang Aeschines, ang Phoenix, ang Crito, 
ang Alcibiades, at pang-anim, ang Amatoryo, 
datapwat, ah, wala nang natira sa mga ito

may Elements namang inakda ang isa pang Euclid
ang number theory't perfect numbers nga'y kanyang hatid
ang Euclidean geometry't algorithm ay nabatid
pati ang kanyang Fragments ay di sa atin nalingid

si Euclid ng Alexandria'y una kong natunghayan
ang geometriya niya'y paksang pinag-aralan
kaya matematika'y kinuha sa pamantasan
at kanyang mga akda'y sadya kong kinagiliwan

oo, aaralin ko ang kanilang mga akda
upang sunod na henerasyon sila'y maunawa
bakasakaling mga akda nila'y maitula
at aklat hinggil sa kanila'y balak kong magawa

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Setyembre 6, 2020

Ang unang pagbagsak ni Keith Thurman

masyado yata siyang kampanteng di mo mawari
iniismol ang sa walong dibisyon naghahari
sa pasyang split decision, yabang niya'y napawi
sa tatlumpung laban, iyon ang unang pagkagapi

baka may iiling, nakatsamba lang ba si Pacman?
nanalo sa walong dibisyon, siya ba'y Superman?
sadya bang matalino't mabilis tulad ni Batman?
kaya binusalan ang kahambugan ni Keith Thurman?

tulad din ba ng pag-ibig iyang patsamba-tsamba?
hindi marahil, pagkat walang tsamba sa pagsinta
kung talagang mahal ka'y sasagutin ng dalaga
at sa iyo'y pakakasal kung talagang mahal ka

kahit playboy nga'y di laging panalo sa pag-ibig
may simpleng karibal ding sa kanya'y makadadaig
pagkat tanging puso ang sa kapwa puso'y didinig
sintunado sa iba'y umiindayog ang himig

sa dalawampu't siyam na panalo'y yumayabang
ngunit nasisilat din ng kamao ng matapang
harapin natin ang pagkatalo ng isports lamang
at ang nakatunggali'y bigyan ng buong paggalang

- gregoriovbituinjr.
* naisulat matapos mapanood muli sa youtube ang first round ng labang Pacquiao versus Thurman

Sa ika-74 kaarawan ng aking ina

nais naming batiin ni misis ang aking ina
ng maligayang kaarawang puno ng pag-asa
"Happy Birthday po!" itong pagbati naming masaya
nawa'y lalagi po kayong malusog sa tuwina

nawa'y laging nasa mabuting kalagayan kayo
ni Ama, at di nako-COVID, kahit papaano
lalaging malakas, humaba pa ang buhay ninyo
at makapagbigay gabay pa sa lahat ng apo

kami naman pong naririto, nasa malayo man
ay namumuhay na sa puso'y may kaligayahan
binubuo naming husay ang pamilya't tahanan
at muli po, Ina, maligaya pong kaarawan!

- gregoriovbituinjr.
09.06.2020

Sabado, Setyembre 5, 2020

Iligtas ang isda't karagatan mula sa plastik

panahon ng lockdown, stay-at-home, walang labasan
walang trabaho't kita, sa loob lang ng tahanan
sadyang ibang-iba ang kalagayang nakagisnan
animo'y naghihintay lang ng abang kamatayan

mabuti't aking natutunan ang pageekobrik
na may layon para sa kalikasang humihibik
nilululon ng isda sa laot ay pulos plastik
kaya paggawa ng ekobrik ay nakasasabik

kayhirap na pulos plastik na lang ang mabibingwit
dahil tao'y pabaya, kaya ganyan ang sinapit
ng mundong tahanang ginawang basurahang pilit
kaya pagmasdan mo ang kalikasang nagigipit

para ka bang tagapagligtas ng isda sa laot
gayong isang tao kang di dapat nakalilimot
na kalikasang ito'y di dapat maging bangungot
na kalikasang ito'y buhay ang idinudulot

- gregoriovbituinjr.

Muling mageekobrik

muli na namang kumatas sa diwa ang adhika
upang kalikasan ay muli nating maalaga
matapos mailibing ang ekobrik na nagawa
ngayon naman ay muling mag-uumpisa sa wala

nilibing sa hagdang bato ang ekobrik kong likha
upang magsilbing sagisag nang tao'y maunawa
na ang kalikasan ay tahanan din nating pawa
kaya bakit tayong tao ang dito'y kakawawa

panibagong ekobrik na naman ang gagawin ko
matapos naming ibaon doon sa hagdang bato
ang dalawampu't isang ekobrik nitong Agosto
katapusan ng buwan, gagawa muling seryoso

narito't nag-ipon muli ng mga boteng plastik
at mga plastik na balutang gagawing ekobrik
lilinisin at guguputin, saka isisiksik
ang nagupit sa bote't patitigasing parang brick

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Setyembre 4, 2020

Ang puri, ayon kay Plaridel

"Huwag hayaan ang matampok sa panalo lamang... Huwag lalayo sa katwiran at sa ikagagaling ng bayan... Manalo't matalo, itayo ang puri!" ~ Marcelo H. Del Pilar, liham sa maybahay na si Marciana, Madrid, 26 Nobyembre 1889

aking pinagnilayan ang sinabi ni Plaridel
na payo sa bayang sa paglaya'y di mapipigil
mas mahalaga ang puri, buhay man ay makitil
kaysa tampok na panalo laban sa mapaniil

"Huwag hangarin ang matampok sa panalo lamang,"
at kanyang dinagdag: "Huwag lalayo sa katwiran,"
kaygandang payo, "at sa ikagagaling ng bayan."
manalo't matalo, puri'y itayo't panindigan

sa pagkatao'y mahalaga ang dangal, ang puri
kaya nilalabanan ang sinumang naghahari
magapi ang mapagsamantala't mapang-aglahi
lalo na't pribilehiyo'y pribadong pag-aari

huwag nating hayaang lamunin tayo ng ngitngit
baka malugso ang puri't sa patalim kumapit
pag-aralang mabuti ang kalagayang sinapit
upang masagip ang bayan sa tumitinding gipit

para sa dangal ng bayan, bayani'y nangamatay
para ipagtanggol ang laya, buhay ang inalay
kaya payo ni Plaridel ay gawin nating gabay
sa pakikibaka't pagtiyak ng paglayang tunay

- gregoriovbituinjr.

* Pinaghalawan ng quotation at litrato mula sa fb page ng Project Saysay

Huwebes, Setyembre 3, 2020

Sagipin ang Ilog Balili

Sagipin ang Ilog Balili

sulat sa karatula'y "Hinagpis ng Ilog Balili"
"Ibalik ninyo ang kalinisan at kagandahan ko!"
dahil pag ito na'y namatay ay walang hahalili
kaya ngayon pa lamang ay sagipin ito ng tao

nagsalita na ang Ilog Balili, naghihinagpis
pagkat sa kagagawan ng tao, dama'y mamamatay
nagsusumamo na siya pagkat di na makatiis
tao ang sumira, tao rin ang sa kanya'y bubuhay

huwag nating pagtapunan o gagawing basurahan
ang ilog na itong nagbibigay-buhay at pag-asa
daluyan ng malinis na tubig, isda'y naglanguyan
kaysarap pakinggan ng agos nitong tila musika

sagipin ang Ilog Balili, ito'y ating buhayin
istriktong patakaran dito'y dapat maisagawa
alagaan na natin ang ilog, tuluyang sagipin
pag nagawa ito'y isa nang magandang halimbawa

- gregoriovbituinjr.
08.03.2020

* Ang nasabing karatula'y nalitratuhan ng makata sa Km. 3, La Trinidad, Benguet, malapit sa boundary ng Lungsod ng Baguio at bayan ng La Trinidad.

Miyerkules, Setyembre 2, 2020

Kalatas sa takip

"You help send us through college each time you buy our products." - Cordillera youth

aba'y nakita ko lang iyon sa isang tindahan
isang marangal na kalatas na dapat malaman
upang maraming makapag-enrol sa pamantasan
upang makapagtapos ang maraming kabataan

sa takip ng Ube Jam, nakita kong nakasulat
na pag bumili niyon ay nakatulong kang ganap
upang may pangmatrikula ang mga nangangarap
na makarating sa kolehiyo't sadyang mamulat

dahil sa kalatas na ito'y mapapabili ka
may palaman na sa tinapay, nakatulong ka pa
produkto ng Good Sheperd ang Ube Jam na malasa
na pag binili mo'y nakapagbigay ng pag-asa

kaya nilitratuhan ko ang kalatas na iyon
bakasakaling ang iba'y makatulong din doon
kamtin ng kabataan ang asam na edukasyon
tunay na marangal nilang adhikain at misyon

- gregoriovbituinjr.

Pagbasa't pagkatha ng kwentong katatakutan

pawang kathang isip lang ang kwentong katatakutan

o kababalaghan, na binili ko pa rin naman

upang masuri ko ang kanilang pamamaraan

ng pagsasalaysay, nang sa gayon aking malaman

bakit kaya kwentong ganito'y kinagigiliwan


nais kong mabasa ang kwento sa dako pa roon

sa libreto'y anim ang kwento, ito'y ang Tradisyon,

Sayaw ng Kamatayan, Sumpa ng Bruha, Ang Balon,

Mga Dagang Perya, at isa pa sa mga iyon,

Mga Alulong sa Hatinggabi'y pamagat niyon


marahil, walang diyalektika sa mga kwento

ngunit sa sikolohiya, parang totoo ito

huwag ka lang maniniwala sa nababasa mo

binibili man ng masa'y mga kwentong ganito

upang may ibang mabasa, di balitang totoo


kathang isip, walang batay sa totoong naganap

kung ako'y gagawa, paksa'y tokhang sa mahihirap

upang may isyu pa rin, upang hustisya'y mahanap

susubukan kong lumikha ng kwentong malalasap,

ang hiyaw ng pamilya, na hustisya'y mahagilap


- gregoriovbituinjr.

09.02.2020


* Ang libretong pinamagatang "Mga Kwento ng Multo at Kababalaghan" ay sinulat ni Ofelia E. Concepcion, guhit ni Steve Torres, at inilathala ng Mic-Con Publishing (2006), 32 pahina. Nabili sa halagang P15.00.

Martes, Setyembre 1, 2020

Paglilibing ng ekobrik sa hagdang bato

higit limang buwan ding ginawa ko ang ekobrik
sa panahon ng kwarantina'y naggupit ng plastik
limang buwang higit na sa boteng plastik nagsiksik
at pinuno ang bote't pinatigas na parang brick

ekobrik na'y inilagay sa aming sinemento
na nasa dalawampung ekobrik na ginawa ko
tila graba sila sa tigas pag tinapakan mo
at ipinalaman sa paggawa ng hagdang bato

ang puwitan ng ekobrik ay sadyang inilitaw
upang disenyo sa hagdang bato'y iyong matanaw
kaygandang pagmasdan sa tag-ulan man o tag-araw
pag nakita ng iba'y may aral na mahahalaw

pageekobrik ay nakatulong sa kalikasan
pagkat plastik ay di na napunta sa basurahan
di na rin lumutang sa ilog, sapa't karagatan
kundi nalibing na sa ekobrik doon sa hagdan

- gregoriovbituinjr.





Ang maiaalay sa mundo

ANG MAIAALAY SA MUNDO iyon lang ang maiaalay ko sa mundo ang ibigay yaring buhay para sa kapwa at maitayo ang lipunang makatao at patas sa p...