3 NAKADAUPANG PALAD NA KONGRESISTA LABAN SA KORAPSYON
Maikling anekdota at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Noong kinakampanya ko ang Disyembre 9, World Anti-Corruption Day, upang kumilos ang tao o magrali laban sa korapsyon, tatlong kongresista ng party list ang aking nakasalamuha. Ito'y sina Kamanggagawà Partylist Rep. Elijah San Fernando, FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe, at Kabataan Partylist Rep. Renee Co. Pawang nasa kabataan pa at unang beses umupo sa Kongreso, nanalo nitong Halalan 2025.
Nagkita kami ni Rep. Eli Fernando noong Nobyembre 8, 2025 sa Pasig nang maging tagapagsalita siya sa ginanap na Musika, Tulâ at Sayaw Laban sa Korapsyon, at ako naman ay isa sa mga naimbitahang tumulâ. Agad niyang bungad sa akin nang magkita kami ay "Condolence". Ibig sabihin, kahit matagal na kaming di nagkikita ay nalaman pala niyang namatay ang aking asawa. Mahigit sampung taon din marahil kaming di nagkita at nagkausap. Nasa kilusang estudyante pa siya noon nang makasama siya sa ilang pagtitipon.
Una kong nakadaupang palad si Rep. Brian Poe noong Disyembre 8, 2025 sa ginanap na Urban Poor Solidarity Week sa Commission on Human Rights (CHR). Ang nasabing pagtitipon ay pinangunahan ng Alyansa ng Maralita para sa Katiyakan sa Paninirahan (AMKP). Bukod sa tampok na isyu ng malupit na Republic Act 12216 na idedemolis ang mga maralita sa loob ng sampung araw at may police power na ang NHA, sa open forum ay sinabi ko kay Kongresman Poe na kung maaaring magpasa siya ng resolusyon na kinikilala ang Disyembre 9 bilang International Anti-Corruption Day sa Pilipinas. Kinabukasan ay nai-file kaagad niya sa Kongreso ang House Resolution 561. Makikita ang balita sa kawing na: https://businessmirror.com.ph/2025/12/09/solon-files-reso-marking-international-anti-corruption-day-calls-for-stronger-institutional-accountability/. Maraming salamat po, Kongresman Poe!
Si Rep. Renee Co ay nabigyan ko naman ng aking 40-pahinang libretong may pamagat na "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" sa forum hinggil sa International Anti-Corruption Day noong Disyembre 9, 2026 sa Eastwood Richmonde Hotel, sa QC, kung saan ang Commission of Human Rights ang nanguna rito. Naging tagapagsalita si Rep. Co sa nasabing talakayang ang tema ay "Upholding Integrity: A National Forum on Corruption and Human Rights." Maghapon ang nasabing forum subalit hanggang tanghali lang ako roon dahil nagtungo naman ako sa CHR para sa nakatakdang launching ng nasabing booklet.
Kina Rep. Eli San Fernando, Brian Poe at Renee Co, na mga kinatawan ng bayan sa Kongreso, sana'y talagang mapanagot ang mga kurakot! At magpatuloy sana kayo sa pagtatanggol sa kapakanan ng mga malilit at pinagsasamantalahang sektor sa lipunan. Mabuhay kayo!
ang tatlong bata at baguhang kongresista
ay aking nakadaupang-palad talaga
nang Anti-Corruption Day ay kinakampanya
upang Disyembre 9 ay magrali ang masa
nakasalamuha sa isyu ng korapsyon
tila ba ito'y isa kong malaking misyon
talagang dapat may managot at makulong
dahil mismong pondo ng bayan ang dinambong
magpatuloy kayo sa inyong katungkulan
ipagtanggol ang mga aping mamamayan
lumikha ng batas para sa kapakanan
ng inaapi't pinagsasamantalahan
pagpupugay, Kongresman Eli San Fernando,
Kongresman Brian Poe, Kongreswoman Renee Co!
patuloy na maglingkod at gawin ang wasto!
at h'wag tumulad sa mga ganid na trapo!
02.01.2026



Walang komento:
Mag-post ng isang Komento