TUNGKULIN NATING DI MANAHIMIK
batid mo nang korapsyon ang isyu ng bayan
subalit pinili mong manahimik na lang
huwag makisali sa rali sa lansangan
dahil tingin mo, ikaw lang ay madasaktan
ito na lang ang meron tayo: boses, TINIG
kung galit ka rin sa korapsyon, IPARINIG
ang mga kurakot ang nagpapaligalig
sa ating bayan, dukha'y winalan ng tinig
pakinggan natin ang lumalaban sa korap
si Catriona Gray, talumpati'y magagap
si Ka Kokoy Gan, na tinig ng mahihirap
si Atty. Luke Espiritu kung mangusap
dinggin mo ang tinuran ni Iza Calzado
na talumpati'y tagos sa pusò, totoo
pakinggan mo ang tinig ni Orly Gallano
ng lider-maralitang Norma Rebolledo
ilabas mo rin ang galit mo sa korapsyon
at likhain ang bagong kasaysayan ngayon
huwag nang manahimik sa silid mong iyon
makipagkapitbisig tayo't magsibangon
- gregoriovbituinjr.
12.04.2025
* litrato kuha ng makatang galâ sa Bahâ sa Luneta, Maynila, 11.30.2025

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento