Lunes, Disyembre 22, 2025

Muli, sa Fiesta Carnival

MULI, SA FIESTA CARNIVAL

sa Fiesta Carnival ay muling tumambay
upang iwing kalooban ay mapalagay
dito kami noon nagkikita ni Libay
upang kumain, upang magkwentuhang tunay

alaalang laging binabalik-balikan
lalo't magpa-Paskong punô ng kalumbayan
mabuti't may madalas pagkaabalahan
magsaliksik, kumatha't rali sa lansangan

magbenta ng mga libreto kong nagawâ
planong magsalibro ng mga bagong akdâ
subukan namang nobela yaong malikhâ
magsulat ng maikling kwento, di lang tulâ

kayraming nakathâ sa Fiesta Carnival
habang naroong sa diwa'y may nakakintal
dito'y madalas nakatambay ng matagal
kakathâ habang nagugunita ang mahal

- gregoriovbituinjr.
12.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/17bjRd841V/ 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga tulâ ko'y di magwawagi

MGA TULÂ KO'Y DI MAGWAWAGI batid kong sapagkat makamasa, makabayan, makamaralitâ, pangkababaihan, magsasaka, aktibista, makamanggagawà m...