Huwebes, Hulyo 4, 2024

Inadobong tulingan

INADOBONG TULINGAN

santumpok na tulingan ang aking binili
anim na piraso presyo'y sandaang piso
tatlong piraso muna'y niluto ko dini

pagdating sa bahay ay aking inadobo
wala kasing katas ng niyog at kalamyas
toyo, suka, bawang, sibuyas lang narito

at ako'y nagsaing na ng sangkilong bigas
habang inadobong tulingan na'y tinimpla
tiyak malasa kahit walang panghimagas

isinama ko pati hasang at bituka
sa pagluluto upang may maipakain
sa nariritong pusang alaga tuwina

magkasalo kami ni misis sa pagkain
anong sarap ng niluto ko, kanyang sabi
at di nakakasawa ang inulam namin

- gregoriovbituinjr.
07.04.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Huling kandilâ ngayong gabi

HULING KANDILÂ NGAYONG GABI huling gabi ngayon ng Undas at trabaho na naman bukas huling kandilâ ngayong gabi ay tahimik ko nang sinindi sub...