Sabado, Mayo 4, 2024

Payo sa isang naguguluhan

PAYO SA ISANG NAGUGULUHAN

magsulat ka ng tula, kaibigan
sakaling ikaw ay naguguluhan
problema'y tila walang kalutasan
suliranin mo'y walang katapusan

maaaring tula mo'y itago mo
o ibahagi sa iba kung gusto
o basahin mo ng malakas ito
at pakikinggan kita, katoto ko

magsulat ka nang may sukat at tugma
o kaya'y ng taludturang malaya
at damhin ang indayog ng salita
nanamnamin ko bawat talinghaga

isulat mo ang nasa puso't isip
bakit dapat na buhay mo'y masagip
mula sa hirap na di mo malirip
na tila ginhawa'y di mo mahagip

tumigil muna't magsulat sandali
bakit ba buhay ay pagmamadali
bakit laging nagbabakasakali
isulat mo saan ka namumuhi

magsulat ng magsulat ng magsulat
problema mo'y isulat ng isulat
ibuhos mo sa tula lahat-lahat
saka mo lamukusin nang maingat

bukas, buklatin mo ang tinula mo
maluwag na ba ang kalooban mo?
sana, ito'y nakatulong sa iyo
tula mo ba'y pwedeng ilathala ko?

- gregoriovbituinjr.
05.04.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Alex Eala at Alex Pretti

ALEX EALA AT ALEX PRETTI dalawang Alex ang bandera ng balita isa'y Pinay tennis star ng ating bansa isa naman ay nurse na itinumbang sad...