Martes, Mayo 7, 2024

Palaisipan

PALAISIPAN

kayraming palaisipang dapat masagot
kaya ang noo natin ay pinagkukunot
tanong minsang sa puso't diwa'y kumukurot
pag di ka makatugon, nakapanlalambot

may mga tanong sa krosword, maging sa klima
na madalas di magkasundo sa siyensya
kaya minsan, ikaw na lang ang magpasensya
kung tugon ay madadala ba ng konsensya

ang kahulugan ng salita'y hahanapin
aklatan at kalupaa'y hahalughugin
kung marapat, mga bundok ay liliparin
ilalim man ng dagat ay gagalugarin

noong unang panahon, walang eroplano
subalit may kometang pumasok sa mundo
anong tugon dito ng sinaunang tao
noon pa'y palaisipan ang mga ito

ang mahalaga'y may makuha tayong tugon
inaral man iyon ng mga aghamanon
may bagong tuklas sa pagdaan ng panahon
na mababatid din ng tao sa paglaon

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ligalig

LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO...