Lunes, Marso 4, 2024

Sa buwan ng kababaihan at sa mga inang namatayan ng anak dahil sa EJK

SA BUWAN NG KABABAIHAN AT SA MGA INANG NAMATAYAN NG ANAK DAHIL SA EJK

nais ko ring alalahanin
sa Buwan ng Kababaihan
ang mga inang namatayan
dahil sa walanghiyang tokhang

ilan na ba silang nawalan
ng anak na mahal sa buhay
na walang prosesong pinaslang
ng mga drakula ng tokhang

tinumba sa dugo ang anak
dahil napagkamalang tulak
o adik kaya ibinagsak
ng tingga, sabog ba ang utak?

nasaan ang tamang proseso?
kung may sala, aba'y dakpin mo!
litisin sa hukuman dito!
bakit pinagpapaslang ito?

hustisya sa maraming ina
ng pinaslang na anak nila
pinsalang talagang nadama
nawa hustisya'y makamit pa!

- gregoriovbituinjr.
03.04.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Mendiola noong Marso 8, 2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tulok

TULOK Una Pahalang, tanong ay  TULOK tila ba kaylalim na Tagalog isip-isip, katugma ng TULOG kaya Pababa muna'y sinagot hanggang natanto...