Sabado, Hunyo 3, 2023

Pagtitig sa palikpik (Sa eroplano, Bidyo 7)

PAGTITIG SA PALIKPIK
(Sa eroplano, Bidyo 7)

tanging palikpik ng eroplano
ang tiningna't naging patnubay ko
habang naroon sa himpapawid
sa patutunguha'y ihahatid

nasa tabi ako ng bintana
tila baga roon ay napatda
habang tinatanaw ang paligid
habang mga pulo'y tinatawid

baka lang malula akong lintik
kung di ko namasdan ang palikpik
tila duyang hinehele-hele
yaong pakiramdam ko sa ere

walang anumang alalahanin
o kaya't takot sa papawirin
sa pag-uwi'y sadyang nananabik
habang may tulang sinasatitik

- gregoriovbituinjr.
06.03.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lnLz7Gl1DK/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Bienvenue, Chez Nous

BIENVENUE, CHEZ NOUS sa sahig ng nasakyang traysikel nakasulat:  Bienvenue, Chez Nous Home Sweet Home , habang ako'y pauwi na para bang ...