Huwebes, Mayo 11, 2023

Wala raw mag-like

WALA RAW MAG-LIKE

"bakit walang nagla-like sa facebook entry mo?"
tanong ni misis, aba'y napuna pa ito
di ko nga pinapansin ang mga ganito
sa tanong ni misis, anong masasabi ko?

marahil ay di naman kasi ako sikat
at pawang tula lang ang naisisiwalat
kaibigan ay di marami o di sapat
o tula ko'y di nila magustuhang sukat

maraming facebook like ay di ko naman layon
kundi mga katha ko'y ilagak lang doon
siya'y nila-like ng mga amiga roon
taka siya bakit sa akin ay di gayon

puna rin iyan noon ng isang kasama
nang sa isang burol, kami nama'y magkita
"bakit walang mag-like sa tula mo, kasama?"
tila kolektibo ko'y walang paki, anya

may nagla-like naman, kahit paminsan-minsan
ang agad kong depensa sa kanyang tinuran
lalo na't tingin nila'y mayroong katwiran
o ang paksa sa kanila'y may kaugnayan

marahil sa facebook like ay makikita na
kung ang tao'y palakaibigan talaga
tulad ni misis, maraming facebook like siya
dahil palakaibigan at sweet tuwina

o baka sadyang wala akong kaibigan
na lagi kong kaagapay sa kahirapan
at saya, kundi pawang kasamang palaban
kung sa post ko ay may mag-like, salamat naman

magparami ng facebook like ay di ko hangad
wala mang mag-like, kakatha ako't susulat
ng nasa loob at nakikita sa labas
ng samutsaring paksang makapagmumulat

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023

* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Hustisya sa biktimang taga-UP

HUSTISYA SA BIKTIMANG TAGA-UP kahindik-hindik ang nangyari sa isang staff mula UP na dahil sa bugbog at palo buhay ng biktima'y naglaho ...