Lunes, Abril 10, 2023

Sigaw pa rin ay hustisya matapos ang kwaresma

SIGAW PA RIN AY HUSTISYA MATAPOS ANG KWARESMA

may Muling Pagkabuhay, Easter Sunday ng Kristyano
matapos ang tatlong araw ay nabuhay si Kristo
habang inaalala ang tinokhang ng berdugo
kayraming biktimang batang inosenteng totoo

buti si Kristo, nabuhay sa Muling Pagkabuhay
yaong mga natokhang, di na talaga binuhay
di kasi sila si Kristo, sila'y basta pinatay
buti si Dimas, kasama si Kristo nang mamatay

kayraming ina ang hanggang ngayon ay lumuluha
dahil buhay ng anak nila'y inutas, nawala
pinaslang sa atas ng poon ng mga kuhila
kahit di nanlaban, gawing nanlaban, atas pa nga

lumutang sa dugo ang mga nabiktima nito
Kian pa ang pangalan ng isa, tandang-tanda ko
"May pasok pa ako bukas..." ang huli nitong samo
ngunit siya'y dinala roon sa kanyang kalbaryo

buti si Kristo, buhay; sila'y nanatiling bangkay
hanggang ngayon, kayraming inang lumuluhang tunay
nahan ang hustisya! ang sigaw nilang nalulumbay
makamit sana ang hustisyang asam nila't pakay

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Infusion complete

INFUSION COMPLETE pag tumunog na ang aparato "infusion complete" , ang sabi rito ang nars ay agad tatawagin ko dextrose na'y t...