Huwebes, Abril 13, 2023

Araw at buwan sa lumang kalendaryo

ARAW AT BUWAN SA LUMANG KALENDARYO

nang masaliksik ang El Calendario Filipino
sa Apendice J ng disyunaryong Cebuano
may lokal palang katumbas ang buwan ng Enero
hanggang Disyembre, pitong araw din ng buong linggo

Tagurkad ang araw ng Linggo, Damason ang Lunes
Ligid ang Sabado, Dukotdukot naman ang Martes
Baylobaylo ang Miyerkules, Danghus ang Huwebes
habang Hingot-hingot naman ang araw ng Biyernes

Ulalong ang Enero, Dagangkahoy ang Pebrero
buwan ng Abril ay Kiling, Dagangbulan ang Marso
Himabuyan ang Mayo at Kabay naman ang Hunyo
Dapadapon ang Hulyo, Lubadlubad ang Agosto

tinawag na Kanggorasol ang buwan ng Setyembre
habang Bagyobagyo naman ang buwan ng Oktubre
Panglot Ngadiotay naman ang buwan ng Nobyembre
habang Panglot Ngadaku yaong buwan ng Disyembre

Miyerkules at Oktubre ang kapanganakan ko
taon ng Unggoy, ka-birthday ni Gandhi, October two
may rima ang araw at buwan nang isilang ako
araw ng Baylobaylo at buwan ng Bagyobagyo

kalendaryo kayang ganito'y ating pausuhin
upang maitaguyod ang sariling wika natin
at isulat din ito sa katutubong Baybayin
unang hati pa lang ng taon, at kaya pang gawin

- gregoriovbituinjr.
04.13.2023

* litrato mula sa fb, daghang salamat, ctto

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay

NILAY nakikibaka pa rin kahit ako'y gabihin kahit dito'y ginawin kahit walang makain tibak kaming Spartan ay patuloy sa laban nais n...