Biyernes, Enero 21, 2022

Ang ibon at ang pusa: Buhay ba o patay?

ANG IBON AT ANG PUSA: BUHAY BA O PATAY?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang anekdota ang tila magkapareho. Ang isa'y tungkol sa pilosopiya at ang isa'y tungkol sa physics. Ang isa'y tungkol sa ibon at ang isa'y tungkol sa pusa. Animo'y pinahuhulaan sa atin kung ang mga ito ba'y buhay o patay?

May isa raw batang nakahuli ng ibon at pinahulaan niya sa kanyang lolo kung ang ibon bang nasa kamay niya't itinago sa kanyang likod ay buhay ba o patay? Nababatid ng kanyang lolo na pag sinabing buhay ay kanya itong pipisilin upang mamatay at kung patay naman ay pakakawalan niya ang ibon. Kaya ang sagot ng kanyang lolo ay ito: "Ang buhay ng ibon ay nasa iyong kamay."

Mas mahirap namang unawain ang naisip hinggil sa pusa ng physicist na si Erwin Schrodinger kung hindi talaga pag-aaralan. Sa haka-hakang eksperimento ni Schrodinger, na kaibigan ni Albert Einstein, naglagay ka ng pusa sa isang kahon na may kaunting radioactive substance. Kapag nabulok ang radioactive substance, nagti-trigger ito ng Geiger counter na nagiging sanhi ng paglabas ng lason o pagsabog na pumapatay sa pusa. Ngayon, ang pagkabulok ng radioactive substance ay pinamamahalaan ng mga batas ng quantum mechanics. Nangangahulugan ito na ang atom ay nagsisimula sa isang pinagsamang estado ng "pagpunta sa pagkabulok" at "hindi pagpunta sa pagkabulok". Kung ilalapat natin ang ideya na hinihimok ng tagamasid sa kasong ito, walang naroroon na may malay na tagamasid (lahat ay nasa isang selyadong kahon), kaya ang buong sistema ay nananatili bilang kumbinasyon ng dalawang posibilidad. Ang pusa ay  patay o maaaring buhay sa parehong oras. Dahil ang pagkakaroon ng isang pusa na parehong patay at buhay sa parehong oras ay hindi totoo at hindi nangyayari sa totoong mundo, pinapakita rito na ang pagbagsak ng wavefunction ay hindi lamang hinihimok ng mga may nakakaunawang tagamasid.

Nakita ni Einstein ang parehong problema sa ideyang hinimok ng tagamasid at binati si Schrodinger para sa kanyang matalinong paglalarawan, na nagsasabing, "gayunpaman, ang interpretasyong ito'y matikas na pinabulaanan ng iyong sistema ng radioactive atom + Geiger counter + amplifier + charge ng gun powder + pusa sa isang kahon, kung saan ang psi-function ng sistemang naglalaman ng pusa na parehong buhay at pinasabog ng pira-piraso. Ang kalagayan ba ng pusa ay malilikha lamang kapag ang isang physicist ay nag-imbestiga sa sitwasyon sa ilang takdang oras?"

Buhay ba o patay ang ibon sa kamay ng bata? Buhay nga ba o patay ang pusa sa kahon? Ang una'y nakasalalay sa kamay ng bata. Habang ang ikalawa'y nasa pagkaunawa sa pisikang mahiwaga, lalo na ang paglalarawan sa quantum, lalo na ang quantum physics at quantum mechanics. Ang quantum ay ang salitang Latin para sa amount (halaga, bilang) na sa modernong pag-unawa ay nangangahulugang ang pinakamaliit na posibleng yunit ng anumang pisikal na katangian, tulad ng enerhiya o bagay.

Dahil sa mga kwento, kaganapan, teorya at paliwanag na ito'y nais kong magbasa pa't aralin ang liknayan o physics, tulad ng pagkahumaling ko sa paborito kong paksang sipnayan o matematika.

BUHAY O PATAY: ANG IBON AT ANG PUSA

itinago ng pilyong bata ang ibon sa kamay
tinanong ang lolo kung ibon ba'y patay o buhay
ang sagot ng matanda'y talagang napakahusay:
"ang buhay ng ibon ay nasa iyong mga kamay"

isang haka-hakang eksperimentasyon sa pusa
upang ipaliwanag ang quantum physics sa madla
physicist na kaibigan ni Einstein ang gumawa
si Erwin Schrodinger nga noon ay nagsuring diwa

naglagay ka sa kahon ng isang pusang nalingap
kung ang kahong iyon ay may radyoaktibong sangkap
pag ito'y nabulok, tiyak sasabog itong ganap
pusa sa kahon ba'y mamamatay sa isang iglap

kamangha-mangha ang pilosopiya't ang pisika
na kaysarap basahin at unawain talaga
baka paliwanag sa atin ay magbigay-saya
at pag naibahagi sa kapwa'y nakatulong pa

Mga pinaghalawan:
http://lordofolympus99.blogspot.com/2013/04/book-1-mga-bagay-na-di-naman-dapat_2052.html
https://www.newscientist.com/definition/schrodingers-cat/
https://www.wtamu.edu/~cbaird/sq/2013/07/30/what-did-schrodingers-cat-experiment-prove/
* mga litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD umabot na kami ng apatnapung araw at apatnapung gabi dito sa ospital kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw paa...