Biyernes, Oktubre 1, 2021

Datos

DATOS

kain, tulog, tae, ihi, tunganga sa kisame
ilang araw din akong ginagawa ko'y ganire
at ngayong nagpapagaling na'y may ibang diskarte
magluto ng kanin, tirik ng kandila sa gabi

subalit huwag pa ring basta lalabas ng bahay
malakas ang delta't baka may iba pang madamay
mga manok na may kuto'y patakbo-takbong tunay
lagi pa ring mag-face mask at may alkohol na taglay

ayon sa contact tracer na kausap ng misis ko
nasa isandaan tatlumpu't limang bagong kaso
ng pasyenteng nagka-covid ang naitala rito
sa munting bayan, at noong isang araw lang ito

hipag at biyenan ko'y nawala nitong Setyembre
tila ba itong covid ay matakaw na buwitre
na sa pusod ng daigdig ay napakasalbahe
ang bagong datos ba'y bakit lumaki't nangyayari?

nakakapangamba, kaya ako'y sa kwarto muna
inuubo pa rin, at walang labasan talaga
ah, kailan ba matatapos ang pananalasa
ng salot na covid, sana pandemya'y magwakas na

- gregoriovbituinjr.
10.01.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD umabot na kami ng apatnapung araw at apatnapung gabi dito sa ospital kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw paa...