Miyerkules, Agosto 11, 2021

Katarungan ay para sa lahat

KATARUNGAN AY PARA SA LAHAT

hustisya'y para sa lahat, di sa iilan lamang
siyang tunay, lalo't bawat tao'y may karapatan
ano't napakahalaga ng kanyang panawagan
may katuturan sa bayan ang kanyang kahilingan

lalo na nang manalasa ng higit limang taon
ang panonokhang, kayraming buhay ang ibinaon
na kahit mga musmos pa'y itinimbuwang noon
hustisya ang sigaw ng mga ina hanggang ngayon

sa kantang Tatsulok, "Totoy, huwag kang magpagabi"
dahil daw "baka humandusay ka diyan sa tabi"
inawit pa ang katotohanang dapat mamuni:
"ang hustisya ay para lang sa mayaman," ang sabi

kaya ang babaeng may plakard na tangan ay tama
sa kanyang panawagang tunay na di magigiba
ang hustisya'y para sa lahat, walang pinagpala
walang maiiwan, kasama ang dukha't kawawa

- gregoriovbituinjr.
08.11.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021 sa tapat ng NHA sa QC

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Hustisya sa biktimang taga-UP

HUSTISYA SA BIKTIMANG TAGA-UP kahindik-hindik ang nangyari sa isang staff mula UP na dahil sa bugbog at palo buhay ng biktima'y naglaho ...