ITURING MAN AKONG MAKATANG HAMPASLUPA
kahit ituring pa akong hampaslupang makata
ay magpapatuloy pa rin sa layon ko't adhika
habang nakatalungko sa loob ng aking lungga
at pinagninilayan ang mga isyu ng dukha
makatang hampaslupang malayo ang nilalakad
nang kapwa dukha'y kausapin saanman mapadpad
upang mapang-api't bulok na sistema'y ilantad
at sa pamamagitan ng kathang tula'y ilahad
hampaslupang makatang madalas ay nasa rali
ng obrero, magsasaka't maralitang kakampi
tibak na isyu ng maliliit ang sinasabi
pinakikitang may pakialam sa nangyayari
makatang hampaslupang may layuning ilarawan
ng patula ang pagsasamantala sa lipunan
hangad ay pagbabago't paggalang sa karapatan
nang kamtin ng bayan ang panlipunang katarungan
hampaslupang makatang matatag at may prinsipyo
nilalabanan ang pang-aabuso't abusado
nagnanasang magtatag ng lipunang makatao
nang walang pagsasamantala ng tao sa tao
makatang hampaslupang tigib ng pagdaralita
hampaslupang makatang tipid sa pagsasalita
dukha man, dignidad ay inaalagaang pawa
dangal ko'y huwag salingin, lalaban akong sadya
- gregoriovbituinjr.
08.06.2021
* litratong kuha noong SONA 2021 sa Commonwealth Avenue sa Lungsod Quezon
A poet's autobiography is his poetry. Anything else is just a footnote. ~Yevgeny Yentushenko * Always be a poet, even in prose. ~Charles Baudelaire * Poetry should also contain steel and poets should know how to attack. ~Ho Chi Minh
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Nang hinuli ang mga hubad
NANG HINULI ANG MGA HUBAD Kay Balagtas: Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad sa bait at muni, sa hatol ay salat. Ngayon: Dah...
-
SINA ALYSSA VALDEZ AT ALEX EALA sina Alyssa Valdez at Alex Eala dalawang batikan, atletang Pilipina tennis si Alex at volleyball si Al...
-
ANAK NI PACMAN, MULING LALABAN katukayo pala ni Pacman ang boxer na anak na nagngangalang Emmanuel Joseph "Eman" Bacosa na muling...
-
PALAISIPAN inaalmusal ko kadalasan ang pagsagot ng palaisipan agad bibili ng pahayagan pag nagising kinaumagahan o kaya'y palaisipang ak...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento