Martes, Agosto 3, 2021

Ang tula sa rali

ANG TULA SA RALI

minsan, may kredibilidad din ang nilikhang tula
pag kasama sa pakikibaka ng manggagawa
pag nakikipamuhay sa magsasaka't dalita
at sa Mendiola'y binibigkas ang tulang kinatha

madalas, may handa na akong tulang bibigkasin
isang araw bago ang rali, paksa'y aalamin
anong linya't tindig sa isyu, iyon ang sulatin
bagamat bawat tula ko'y may tugma't sukat pa rin

di ko pupurihin sa tula ang kapitalista
kundi ilantad ang kanilang pagsasamantala
di ko pupurihin ang tula sa kapitalista
kundi ilahad ang nasang panlipunang hustisya

iyan ang papel kong mahalagang ginagampanan
nasa rali man, nasa komunidad o saanman
ako'y makatang adhika'y makataong lipunan
at pagtula ko sa rali'y pagsisilbi sa bayan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Banner ng TFDP

BANNER NG TFDP nakasakay akong dyip puntang pagamutan tinatakang banner sa Kamias nadaanan TFDP  iyon, agad kong kinodakan naghahanda na sa ...