Linggo, Mayo 2, 2021

Alisin at panagutin ang palpak

ALISIN AT PANAGUTIN ANG PALPAK

kapalpakan ng pinuno'y tagos sa sambayanan
pinunong inutil at palpak ang dama ng bayan
alisin at panagutin sa mga kasalanan
sa bayan sapagkat patulog-tulog sa pansitan

sa likod ng taumbayan ay parang may balaraw
tila tinarak ng palpak na pinunong halimaw
alisin, panagutin ang inutil, yaong hiyaw
ng masa, at kami'y sang-ayon sa kanilang sigaw

dapat lang namang patalsikin ang ama ng tokhang
na dahil sa kanyang atas, kayrami nang pinaslang
na inosente ang awtoridad na pusong halang
na nilikhang maging halimaw ng pangulong bu-ang

mabuhay kayong nananawagang patalsikin na
ang rehimen at dapat nang baguhin ang sistema
na ibig sabihin, mapagmahal kayo sa kapwa
at kinabukasan ng bayan ay inaalala

sa mga nakikibaka, salamat at mabuhay
sapagkat may pusong puno ng kabutihang taglay
lipunang makatao'y nais maitayong tunay
kaya kami rito'y taas-kamaong nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagdiriwang ng Mayo Uno 2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tulok

TULOK Una Pahalang, tanong ay  TULOK tila ba kaylalim na Tagalog isip-isip, katugma ng TULOG kaya Pababa muna'y sinagot hanggang natanto...