Martes, Abril 20, 2021

Kaunting tulong para sa kalikasan

KAUNTING TULONG PARA SA KALIKASAN

patuloy pa rin akong gumagawa ng ekobrik
na sa mga patay na oras ay nakasasabik
gupit ng gupit ng plastik ng walang tumpik-tumpik
upang tulungan ang kalikasan sa kanyang hibik

paulit-ulit ko mang sabihing naglipana
ang plastik na basura sa laot, bahay, kalsada
ngunit tila binabalewala ito ng iba
katwiran nga'y may trak na tagahakot ng basura

bukod sa paglikha ng ekobrik, may yosibrik din
na pawang upos ng yosi naman ang titipunin
at ipapasok sa boteng plastik, isa-isahin
ah, nakakadiri naman daw ang aking gawain

ngunit nais kong may maitulong sa kalikasan
ekobrik at yosibrik ang aking pamamaraan
ayokong malunod sa upos ang ating karagatan
ayokong maging basurahan ang mga lansangan

gawing mesa't upuan ang magagawang ekobrik
pag-isipan kung anong magagawa sa yosibrik
mahalaga'y matipon ang ating mga siniksik
baka naman may makita pang solusyon sa plastik

kaunting tulong lang naman ang aking ginagawa
kaya sana layuning ito'y iyong maunawa
kung tutulungan mo ako'y huwag ngawa ng ngawa
kung nais mong tumulong, halina't gawa ng gawa

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD umabot na kami ng apatnapung araw at apatnapung gabi dito sa ospital kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw paa...