Miyerkules, Enero 27, 2021

Sa pasilyo

SA PASILYO

naroroon sa pasilyo ang mga agam-agam
na di madalumat sa pagdatal ng siyam-siyam
lumbay ang kaakibat na animo'y di maparam
subalit nag-iisa man ay walang dinaramdam

dumadalaw ang mutya sa pagsapit ng kadimlan
musa ng panitik na nasa aking panagimpan
kaulayaw ko't tinitipa ang napag-usapan
ngunit siya'y nawawala na kinaumagahan

sa umaga'y lalampasuhin ang pasilyong iyon
na kahit sa pag-iisa'y masayang naroroon
habang nasa isip paano gampanan ang misyon
upang kamtin ng bayan ang dakilang nilalayon

ang pasilyo man ay pugad ng mga agam-agam
pag musa'y dumatal, lumbay ay agad napaparam

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Reyes Cup sa World Billiard, ipinangalan kay Efren "Bata" Reyes

REYES CUP SA WORLD BILLIARD, IPINANGALAN KAY EFREN "BATA" REYES Team Asia versus Team Europe sa kauna-unahang  Reyes Cup na pandai...