Biyernes, Oktubre 2, 2020

Nageekobrik pa rin sa kaarawan

kahit man nasa pagdiriwang nitong kaarawan
patuloy pa ring nageekobrik, di mapigilan
pagkat iyon na ang adbokasyang naging libangan
nageekobrik sa gitna ng tagay at pulutan

pagpatak ng alas-dose'y matiyagang hinintay
upang simulan ang pageekobrik at pagtagay
kaarawan ni Gandhi't Benjie Paras ang kasabay
kay Marcel Duchamp na pintor ay araw ng mamatay

magandang pambungad ng araw ang pageekobrik
madaling araw man ay patuloy na nagsisiksik
ng ginupit na plastik sa tinipong boteng plastik
sige sa pageekobrik, walang patumpik-tumpik

bagamat plastik ay dumagsa ngayong may pandemya
upang di magkahawaan, lutasin ang problema
pagkat lupa't dagat sa plastik ay nabulunan na
kaarawan man, nasa isip pa rin ang hustisya

di sapat na sabihin mo lang, "Ayoko sa plastik!"
habang wala kang ginawa sa naglipanang plastik
tititigan mo lang ba dahil ayaw mo sa plastik?
o gagawa ka ng paraan tulad ng ekobrik?

hustisyang pangkalikasan ang aking panawagan
di lang pulos inom at magsaya sa kaarawan
isipin pa rin ang pagtaguyod ng kalikasan,
ng kagalingan ng daigdig, kapwa, sambayanan

- gregoriovbituinjr.
10.02.2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD umabot na kami ng apatnapung araw at apatnapung gabi dito sa ospital kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw paa...