Oo, araw din ito ng mga mamamahayag
Rinig mo ba kung kalayaang ito'y nilalabag?
Lalo't ginigipit ang mga tinig na matatag.
Damhin mo't suriin ang ating abang kalagayan
Paano lulunasan ang suliranin ng bayan
Ramdam mo ba ang problema't daing ng mamamayan?
E, kung karapatan na natin ang sinagasaan?
Sa aming nayon ay may kalayaang magsalita
Sa inyong lungsod, bakit bingi ang namamahala?
Freedom of the press, na panlaban natin sa kuhila
Rinig ko'y armas din ito ng inaaping dukha
Espesyal na araw na di lang para sa masmidya
E, kung gayon, para rin ito sa obrero't masa
Diktadura'y naibabagsak kahit ang mapera
Oo, ito'y armas laban sa mapagsamantala
May World Press Freedom Day na dapat nating gunitain
Dahil sinikil noon ng diktadura't salarin
Atin ding pagpugayan ang mga bayani natin
Yamang ito'y pinaglaban nila para sa atin.
- gregbituinjr.
05.03.2020
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento