Martes, Mayo 19, 2020

Ang tambayan kong palikuran

ngayon nga'y naging tambayan muli ang palikuran
upang doon isiwalat bawat nararamdaman
doon ibinubuhos ang mga kaligaligan
niring diwang kung anu-ano'y napagninilayan

may tigisang kasilyas sa dalawang pintong iyon
at sa isang silid tatambay, aba'y ayos doon
habang diwa'y nasa alapaap naglilimayon
na pamuli ngang naglakbay sa pusod ng kahapon

magigiting ang bayaning sa bayan nga'y nagtanggol
at lumaban hanggang mamatay na di nagpasukol
dinidiligan bawat tanim nang binhi'y sumibol
nang maging halaman o gulay o puno ng santol

ang bawat kinakatha sa diwa'y nakasasabik
pluma'y kayraming sinasabi kahit walang imik
aalis sa palikuran nang masaya't tahimik
na kwento, sentimyento't hibik na'y naisatitik

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD umabot na kami ng apatnapung araw at apatnapung gabi dito sa ospital kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw paa...