Biyernes, Disyembre 27, 2019

Inglesan sila ng Inglesan, Pinoy naman

sa maraming pulong, pulos inglesan ng inglesan
sariling wika'y ayaw gamitin, kinalimutan
sariling wika ba'y bakya, para lang sa tsismisan?
at Ingles ba'y wika ng mga may pinag-aralan?

ingles ang powerpoint, ingles ang bawat presentasyon
ang ilan sa dumalo'y nakatunganga lang doon
kapwa Pinoy, di agad magkaunawaan ngayon
pagwaksi sa ganitong ugali'y napapanahon

aba'y wala na ba tayong sariling pagkatao?
ginagamit na lang natin lagi'y wika ng dayo!
dala nga ba ito ng sistemang kapitalismo?
o ayaw natin sa tila impyernong bansang ito?

sa mga talakayan nga'y ingles ang gagamitin
kapwa Pinoy na ang kausap, iinglesin pa rin
umaastang dayuhan, akala'y sikat sa atin
ingles ng ingles upang sila'y ating respetuhin

nanghihiram sila ng diwa sa wikang banyaga
ngunit dapat nating gamitin ang sariling wika
patunayang may sarili tayong kultura't diwa
ang sariling wika'y dangal nitong lahing dakila

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD umabot na kami ng apatnapung araw at apatnapung gabi dito sa ospital kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw paa...