Lunes, Disyembre 4, 2023

Bituin

BITUIN

hinanap ko minsan sa langit ang bituin
datapwat sa umaga'y di mo iyon pansin
wala sa katanghaliang sakdal init din
natagpuan ko lang sa pusikit na dilim

ganyan din minsan ang mga hinahangaan
mang-aawit, lingkod-bayan, manunulat man
sa kanilang ginagawa, sila'y huwaran
kaya tinitingala ng madla, ng bayan

sila'y umukit ng kasaysayan sa mundo
mga tagapamayapa sa gera't gulo
awitin nila'y tagos sa puso ng tao
sa sipnaya't agham nag-ambag na totoo

sa pinilakang tabing sila'y napanood
sa kanilang larang ay nag-ambag ng lugod
sa mga isyu'y di basta nagpatianod
ginawa nila ang dapat, di nanikluhod

pinangunahan ang paghanap ng solusyon
sa maraming problema'y naging mahinahon
pagpupugay sa bituin noon at ngayon
huwaran silang taglay ay dakilang misyon

- gregoriovbituinjr.
12.04.2023

* litrato mula sa pabalat ng aklat na Time Great People of the 20th Century, at maikling kwento mula sa magasing Liwayway, isyu ng Nobyembre 2023, p.92

Maulap ang kalangitan

MAULAP ANG KALANGITAN

maulap ang kalangitan
kapara ng saloobin
kailangang paghandaan
bawat unos na parating

upang di maging ligalig
pag rumagasa ang baha
nang di umabot ang tubig
sa sahig ng dusa't tuwa

nais kong sundin ang payo
ng babaylan, guro't paham
madama man ang siphayo
iyan din ay mapaparam

sa madalas na pagnilay
sa langit natitigagal
bilin ng aking maybahay
mag-ingat ka lagi, mahal

- gregoriovbituinjr.
12.04.2023

Linggo, Disyembre 3, 2023

Saan patutungo?

SAAN PATUTUNGO?

saan nga ba patungo ang paa
kung landasin ay di mo makita
magiging katuwang ba ang masa
sa paghakbang sa isyu't kalsada

mahanap ko kaya'y pahingahan
at katotong mapapaghingahan
ng loob na walang paghingahan
nang makahingang may kaluwagan

lalakad akong di nakatungo
taasnoo saanman tumungo
upang mapalapit sa malayo
nang di yumuyuko't sumusuko

tinungo ko'y malalayong landas
sa kagubatang puno ng ahas
sa kalunsurang kayraming hudas
ngunit may bukas bang mababakas

- gregoriovbituinjr.
12.03.2023

Upang maunawaan ang sinulat

UPANG MAUNAWAAN ANG SINULAT

"He has never been known to use a word
that might send a reader to the dictionary."
 - William Faulkner (about Ernest Hemingway).

dalawang bagay lang upang ako'y maunawaan
sa mga ulat, sanaysay, kwento't tula sa tanan
una'y paggamit ng mga salitang karaniwan
pangalwa'y pagtaguyod ng salitang malalim man

subalit madali bang maunawaan sa tula
ang mga langkap na tayutay na matalinghaga
o baka sa kahulugan na'y bahala ang madla
kung paano nila ang mga iyon naunawa

huwag nang gumamit ng mga salitang antigo
na di ka na maunawaan ng babasa nito
baka di basahin pag kailanga'y diksyunaryo
datapwat maaaring lalawiganin sa kwento

minsan, malalim na salita'y gagamitin ngayon
dahil kailangan katulad ng globalisasyon
pribatisasyon, deregulasyon, at kunsumisyon
mensahe'y dapat mapaunawa, di man sang-ayon

maraming payo ang mga kilalang manunulat
na kung batid mo, sa pagkatha'y di ka magsasalat
baka kagiliwan ka ng masa't makapagmulat
na tangi mo nang masasabi'y salamat! salamat!

- gregoriovbituinjr.
12.03.2023

Kaibigang matalik?

KAIBIGANG MATALIK?

I need physics more than friends. 
- J. Robert Oppenheimer

sino raw ba ang aking matalik na kaibigan?
ah, di ko nasagot si misis sa tanong na iyan
gayong marami akong kakilala't kaibigan
ngunit sinong matalik? ako'y natunganga na lang

sa mayoryang taon ng buhay ko, pulos kasama
sa kilusan o kapisanan ang kahalubilo
mga kasama sa pakikibaka, hirap, gulo
duguan man, handang mamatay para sa prinsipyo

maraming kasama, walang kaibigang matalik
na napagsasabihan ng problema't bumabalik
na mula bata'y kaagapay sa dusa't hagikhik
na batid ang nadarama ko kahit di umimik

marahil kaya wala dahil di ako naghanap
animo utak ko'y nakalutang sa alapaap
mas ninais ko pa yatang pluma yaong kausap
buti't may asawa akong tunay na mapaglingap

- gregoriovbituinjr.
12.03.2023

Sabado, Disyembre 2, 2023

Gawad

GAWAD

taospuso pong pasasalamat
sa Human Rights Pinduteros Award
patuloy lang akong nagsusulat
wala mang gantimpala o gawad

lagi akong lilikha't kakatha
ng mga sanaysay, kwento't tula
hinggil sa maraming isyu't paksa
ng madla, manggagawa't dalita

tula ko'y tulay sa karapatan
ng karaniwang tao, ng bayan,
ng naaapi't niyuyurakan
patama rin sa tuso't gahaman

ang gubat ay di laging mapanglaw
may sisilay ding bukangliwayway
karapatang pantao'y isigaw
tara, atin itong isabuhay

salamat po sa gawad na ito
na talagang tagos sa puso ko;
para sa karapatang pantao
muli, maraming salamat, thank you

- gregoriovbituinjr.
12.02.2023

* isa ang may-akda sa mga ginawaran ng Human Rights Pinduteros Choice Award, gabi ng Disyembre 1, 2023
* ang mga litrato'y kuha ng kanyang maybahay

Martes, Nobyembre 28, 2023

Hilagyô pala'y kaluluwa

HILAGYÔ PALA'Y KALULUWA

hilagyô pala'y kaluluwa, sagot pala rito
sa palaisipan; Pahalang, bilang Labimpito
aba'y bago kasi sa akin ang salitang ito
na singkahulugan din ng diwa at espiritu

ah, nakakatuwa, nabatid ano ang hilagyô
may impit sa dulo, mabilis, katugma ng kulô
di tulad ng siphayò at lahò, kapara'y sundô
kaya palaisipang iyon ay aking nabuô

kahulugan din pala'y diwa't anghel dela gwardya
abstrakto o baliwag kung iisipin talaga
sa palaisipan ay mahalaga ang pasensya
magkunot man ng noo, yaring diwa'y may presensya

buti't talastas ang bago ngunit lumang salitâ
magagamit sa mga kwento, sanaysay at tulâ
bagamat sakbibi ng luha at natutulalâ
habang nagninilay dito'y nakapangalumbabâ

- gregoriovbituinjr.
11.28.2023

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 11.23.2023, pahina 11
* kahulugan mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 448

Lunes, Nobyembre 27, 2023

Pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio

PAGPUPUGAY KAY GAT ANDRES BONIFACIO

Gat Andres Bonifacio, Supremo ng Katipunan
mahusay na organisador, marunong, matapang
sa kanyang pamumuno'y dumami ang kasapian
mga Katipon, Kawal, Bayani'y nakipaglaban

dineklara ng Supremo ang paglaya ng bansa
"Punitin ang mga sedula!" ang kanyang winika
ang sigaw niya'y inspirasyong pumukaw sa madla
simula ng himagsikan ng armas, dugo't diwa

O, Gat Andres, salamat sa iyong ambag sa bayan
ngunit pinaslang ka ng 'kapanalig' sa kilusan
taun-taon, ikaw ay aming pinararangalan
tula't sanaysay mo'y pamanang sa amin iniwan

salin ng Huling Paalam ni Rizal, ang Tapunan 
ng Lingap, Ang mga Cazadores, ang Katapusang
Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya, at ang
Mi Abanico sa Espanyol, nariyan din naman

ang obra niyang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa 
ating nauunawa bagamat matalinghaga,
bayani, makata, mananalaysay, manggagawa
pinaglaban ang kalayaan, tunay na dakila

basahi't namnamin ang dalawa niyang sanaysay:
Mararahas na Mga Anak ng Bayan, Mabuhay!
Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, magnilay
mga gintong aral niya'y makahulugang tunay!

- gregoriovbituinjr.
11.27.2023

* Inihanda para sa "Konsiyerto ng Tula at Awit: Parangal sa Ika-160 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio", University Hotel, UP-Diliman, Nobyembre 27, 2023, 2-6pm 

Biyernes, Nobyembre 17, 2023

Banyakot pala'y kimono

BANYAKOT PALA'Y KIMONO

BANYAKOT pala ang salita natin sa KIMONO
na nakita sa palaisipan sa isang dyaryo
kaya agad kong sinaliksik ang salitang ito
na wala sa U.P. Diksiyonaryong Filipino

habang sa iba pang pananaliksik sa internet
ito'y roba, sa Ingles pa'y swimsuit, aba'y kayrikit
salamat sa palaisipan, ito'y magagamit
sa mga kwento't sanaysay, tulang tanaga't dalit

katugma'y balakyot, talukbong ba nila'y banyakot
ang salita bang ito'y kaytagal nang nilulumot
na hinukay ng palaisipan mula sa limot
upang magamit ng manunula nang walang takot

- gregoriovbituinjr.
10.17.2023
* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Nobyembre 17, 2023, pahina 10
* nasaliksik sa https://glosbe.com/tl/en/banyakot na ang ingles sa banyakot ay swuimsuit
* nasaliksik sa isang Palaisipan sa internet, na nasa kawing na:
https://www.pressreader.com/philippines/balita/20180314/282041917651356 ay makikita ang tanong na Pahalang 34: Bata o banyakot; bata na roba at hindi bata na child

Maligayang ika-82 kaarawan po, Dad

MALIGAYANG IKA-82 KAARAWAN PO, DAD

Dad, maligayang kaarawan po
pagbati nami'y mula sa puso
buong-buo't tigib ng pagsuyo

pagmamahal yaring aming handog
manatili po kayong malusog
kumaing mabuti at mabusog

taospusong nagpapasalamat
kami sa payo n'yo't lahat-lahat
palagi po kayong mag-iingat

kami po'y nasa mabuti naman
katulad ninyo'y walang iwanan
at tumitibay sa kalaunan

tumagal pa kayo'y aming hangad
maligayang kaarawan po, Dad!

- greg at libay
11.17.2023

Huwebes, Nobyembre 9, 2023

Muling nilay matapos ang lakad

MULING NILAY MATAPOS ANG LAKAD

naroon lang daw ako sa loob ng tula
na nakapiit sa saknong, sukat at tugma
ako ba'y laya na pag binasa ng madla
o sa kawalan pa rin ay nakatulala

ngunit naglakad kami mula kalunsuran
mula Maynila hanggang pusod ng Tacloban
at itinula ang mga nadaraanan
itinudla ang mga isyu't panawagan

nailarawan ba ang sangkaterbang luha
ng nangalunod at nakaligtas sa sigwa
dahil sa ngitngit ni Yolandang rumagasa
tula nga ba'y tulay tungo sa pag-unawa

ah, nakapanginginig ng mga kalamnan
ang samutsaring kwento't mga karanasan
masisingil pa ba ang bansang mayayaman
na sa nagbabagong klima'y may kagagawan

- gregoriovbituinjr.
Tacloban City, 11.09.2023

* Climate Walk 2023

Martes, Nobyembre 7, 2023

Pahinga muna, aking talampakan

PAHINGA MUNA, AKING TALAMPAKAN

pahinga muna, aking talampakan
at narating na natin ang Tacloban
nagpaltos man sa lakad na sambuwan
ay nagpatuloy pa rin sa lakaran

tuwing gabi lang tayo nagpahinga
lakad muli pagdating ng umaga
na kasama ang ibang mga paa
sa Climate Walkers, salamat talaga

- gregoriovbituinjr.
Tacloban City, 11.07.2023

* Climate Walk 2023

Linggo, Nobyembre 5, 2023

Mahalaga'y naririto pa tayo

MAHALAGA'Y NARIRITO PA TAYO

mahalaga'y naririto pa tayo
patuloy ang lakad kahit malayo
tahakin man ay kilo-kilometro
ngunit isa man ay di sumusuko

nagkapaltos man yaring mga paa
nagkalintog man yaring talampakan
nagkalipak man, mayroong pag-asa
tayong natatanaw sa bawat hakbang

ilang araw pa't ating mararating
ang pusod ng Tacloban, nang matatag
ang tuhod, paa, diwa't puso natin
na naglalakad nang buong pagliyag

- gregoriovbituinjr.
kinatha ng umaga ng 11.05.2023
Calbiga, Samar

* Climate Walk 2023 

Huwebes, Nobyembre 2, 2023

Tugon sa pagbigkas sa aking tula

TUGON SA PAGBIGKAS NG AKING TULA

maraming salamat, mga kaPAAtid
sa inyong pagbigkas ng tulang nalikha
upang sa marami'y ating ipabatid
isyung ito'y dapat pag-usapang sadya

huwag nang umabot sa one point five degrees
ang pag-iinit pa nitong ating mundo
kaya panawagan nating Climate Justice
nawa'y maunawa ng masa't gobyerno

mahaba-haba pa yaring lalandasin
maiaalay ko'y tapik sa balikat
ang binigkas ninyo'y tagos sa damdamin
tanging masasabi'y salamat, Salamat!

- gregoriovbituinjr.
11.02.2023

* ang pinagbatayang tula ay kinatha noong Oktubre 11, 2023 na may pamagat na "Pagninilay sa Climate Walk 2023"; binigkas isa-isa ng mga kaPAAtid sa Climate Walk ang bawat taludtod ng tula

* ang bidyo ng pagbigkas ng tula ay nasa pahina ng Greenpeace Southeast Asia, at makikita sa kawing na:https://fb.watch/omJl961Sel/

Martes, Oktubre 17, 2023

Pag sabay daw umaaraw at umuulan

PAG SABAY DAW UMAARAW AT UMUULAN

pag sabay daw umaaraw at umuulan
sabi nila'y may kinakasal na tikbalang
marahil ay ibang paniniwala iyan
ang totoo, climate change na'y nararanasan

halina't dinggin ang awit ng Rivermaya
"Umaaraw, Umuulan" ang kinakanta
"Ang buhay ay sadyang ganyan," sabi pa nila
datapwat di sadyang ganyan, may climate change na

patuloy na ang pagbabago ng panahon
nang magsunog na ng fossil fuel at karbon
paggamit nito'y dapat nang wakasan ngayon
na ating panawagan sa maraming nasyon

sabihin mang may tikbalang na kinakasal
aaraw, biglang uulan, di na natural
gawa ng tao ang climate change na umiral
na dapat lutasing isyung internasyunal

- gregoriovbituinjr.
10.17.2023

* Climate Justice Walk 2023
* sinulat ng madaling araw sa Gumaca, Quezon, 
* litratong kuha ng makatang gala bago magsimula ang lakad

Lunes, Oktubre 16, 2023

Ang adhika ng Climate Walk

ANG ADHIKA NG CLIMATE WALK

bakit ba namin ginagawa ang Climate Walk
bakit ba raw di na lang idaan sa TikTok
aming aspirasyon ay di agad maarok
mula Maynila hanggang Tacloban ang rurok
sa isang dekada ng mga nangalugmok
sa bagyong Yolanda, kaya nagka-Climate Walk

nais naming makibahagi sa paglutas
ng krisis sa klima kaya ito'y nilandas
na kung sa ngayon, ang umaga'y nagniningas
saka biglang ambon, uulan ng malakas
ang timpla ng daigdig ay di na parehas
ang climate emergency na'y dapat malutas

dinadaanan nami'y mga bayan-bayan
at sa mga tao'y nakipagtalakayan
nang climate emergency ay mapag-usapan
mga dahilan ng krisis ay mapigilan
pagsunog ng fossil fuel at coal, wakasan
Climate Walk, aming misyon at paninindigan

- gregoriovbituinjr. 
10.16.2023

* Climate Justice Walk 2023
* sinulat ng madaling araw sa tinulugang kumbento ng mga pari sa Lopez, Quezon

Linggo, Oktubre 15, 2023

Jollibee Lopez

JOLLIBEE LOPEZ

nadaanan lang ang patalastas na iyon
na kaagad naman naming ikinatuwa
habang kami'y naglalakad buong maghapon
ay napatigil doong tila natulala

may makakasalubong ba kaming artista?
kamag-anak marahil ni Jennifer Lopez
na sikat sa pag-awit at sa pelikula
sapagkat ang nakasulat: Jollibee Lopez

sa Lopez, Quezon ay dumaraan na kami
na naglalakad sa misyong Climate Justice Walk
ngalan ng baya'y apelyido ni Jollibee
bubungad sa bayan kung saan ka papasok

may Jollibee Sariaya, Jollibee Lucban,
Jollibee Gumaca, ngayon, Jollibee Lopez
salamat sa kanya, pagod nami'y naibsan
sa kilo-kilometrong lakad na mabilis

- gregoriovbituinjr.
10.15.2023

* Climate Justice Walk from Manila to Tacloban

Sabado, Oktubre 14, 2023

Tuloy ang laban! Tuloy ang lakad!

TULOY ANG LABAN! TULOY ANG LAKAD!

"Tuloy ang laban! Tuloy ang lakad!"
ito sa kanila'y aking bungad
nang climate emergency'y ilahad
saanmang lugar tayo mapadpad

wala sa layo ng lalakarin
kahit kilo-kilometro man din
sa bawat araw ang lalandasin
mahalaga, tayo'y makarating

tagaktak man ang pawis sa noo
magkalintog man o magkakalyo
dama mang kumakalas ang buto
may pahinga naman sa totoo

ngunit lakad ay nagpapatuloy
dahon kaming di basta maluoy
sanga ring di kukuya-kuyakoy
kami'y sintatag ng punongkahoy

- gregoriovbituinjr.
10.14.2023

* kuha sa Lucena City ni A. Lozada

Pahinga muna

PAHINGA MUNA

ah, kailangan ding magpahinga
matapos ang mahabang lakaran
upang katawa'y makabawi pa
lalo na yaring puso't isipan

nagpapahinga ang pusa't tao
o sinupamang bihis at hubad
matulog at magpalakas tayo
upang muli'y handa sa paglakad

habang may diwatang dumadalaw
sa guwang ng ating panaginip
animo kandila'y sumasayaw
habang may pag-asang nasisilip

kilo-kilometro man ang layo
ay aabutin ang adhikain
kaharapin ma'y dusa't siphayo
asam na tagumpay ay kakamtin

mahalaga tayo'y nalulugod
sa ating layon at ginagawa
aba'y di laging sugod ng sugod
kalusuga'y alagaang sadya

- gregoriovbituinjr.
10.14.2023

* Climate Justice Walk 2023
* kuha sa Atimonan, Quezon

Huwebes, Oktubre 12, 2023

Sa tulay ng Patay na Tubig

SA TULAY NG PATAY NA TUBIG

sandali kaming nagpahinga
sa Tulay ng Patay na Tubig
ano kayang kwento ng sapa
o ilog ba'y kaibig-ibig

bakit Patay na Tubig iyon
at anong natatagong lihim
naroong magdadapithapon
maya'y kakagat na ang dilim

ah, kwento'y sasaliksikin ko
bakit ba patay na ang ilog
nang lihim nito'y maikwento
bago pa araw ay lumubog

palagay ko'y matatagalan
ang balak kong pananaliksik
ngayo'y walang mapagtanungan
ngunit hahanapin ang salik

- gregoriovbituinjr.
10.12.2023

* Climate Justice Walk 2023
* habang dumadaan sa San Pablo City sa Laguna patungong Pagbilao, Quezon
* Pasasalamat sa litratong ito na kuha ni Albert Lozada, na kasama rin sa Climate Justice Walk 2023

LITKURAN - salin ko sa BACKGROUND

LITKURAN - SALIN KO SA BACKGROUND hinanap ko na sa diksyunaryo salin ng BACKGROUND sa Filipino may likuran, karanasan, pondo anong etimolohi...