Biyernes, Enero 6, 2023

Paglalakbay


PAGLALAKBAY

patuloy na naglalakbay yaring diwa
upang masalubong ang sintang diwata
nais kong ngumiti kahit lumuluha
magbakasakaling makita ang mutya

kinatha ko'y di man tirintas ng sugat
tumigis na dugo'y kaya pang maampat
pluma'y tangan habang dama'y inaalat
bawat hikbi't daing ay nagiging pilat

sa mga lansangan, basura'y umapaw
naglipana'y plastik, doo'y nilalangaw
at yaong pusali'y umaalingasaw
kaya kalikasan, ngayo'y namamanglaw

gagawin ko pa rin ang kinahiligan
yaong pakikinig ng mga kundiman
pagbasa ng tula, dula't kwentong bayan
habang naglalakbay pa rin sa kawalan

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

Huwebes, Enero 5, 2023

Sibuyas


SIBUYAS

tila baga alahas
ang presyo ng sibuyas
sino kayang nagbasbas
sa presyong lampas-lampas
talagang lumalabas
na di sila parehas
gaano ba katigas
iyang mukha ng hudas
ito ba'y bagong landas
sa lupang dinarahas
aba'y di ito patas
sa madlang dusa'y wagas
di ba nila nawatas
baka masa'y mag-aklas

- gregoriovbituinjr.
01.05.2022

* litrato't ulat mula sa Abante, 12.28.2022, p.2

Miyerkules, Enero 4, 2023

Ngunit, Subalit

NGUNIT, SUBALIT

noon pa'y di ginamit ang salitang "pero"
sapagkat may katumbas naman nito rito
kaya sa aking mga katha'y wala nito
kundi taal na katumbas hangga't kaya ko

dahil ang "pero" ay mula wikang Kastila
datapwat may "ngunit", "subalit" na salita
sa atin, na siya kong gamit sa pagkatha
di ba? walang "pero" ngunit nakakatula!

imbes "lamesa", gamit ko'y hapag-kainan
di lang mula Tagalog kung kakayanin lang
kundi salitang Ilokano, Pangasinan,
Igorot, Ilonggo, Karay-a, Bisaya man

mula Antique ang aking inang Karay-a 
at Batanggenyo ang aking butihing ama
tiya'y Dagupan, asawa ko'y Igorota
ako'y laking Sampaloc, Maynila talaga

kaya maraming inaaral na salita
na nais kong magamit sa bawat pagkatha
bilang pagpapayabong sa sariling wika
bilang makata, madalas mang walang-wala

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

Aklat

AKLAT

halina't tunghayan ang natitipong akda
hinggil sa samutsaring usapin o paksa
at bakasakaling makatulong sa madla
kapag naibahagi ang buod o diwa
ng nabasang palumpon ng mga salita

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023    

Puno sa lungsod

PUNO SA LUNGSOD

anong sarap ng simoy ng hangin sa lungsod
sapagkat may mga puno, nakalulugod
tila baga hinahaplos ang aking likod
ng palad ng mutya, nakakawalang pagod

kung pupunuin ng puno ang kalunsuran
ay bubuti ang lagay ng kapaligiran
animo'y walang polusyong mararamdaman
dama'y ginhawa sa gitna ng kainitan

O, pagmasdan ang maaliwalas na langit
dahil mapuno, katamtaman lang ang init
walang mga duming sa kutis dumidikit
dahil sa puno, katawa'y di nanlalagkit

isang araw iyong dama mo'y inspirasyon
kaya magtanim ng puno'y isa nang misyon
di man masilayang tumubo ito ngayon
ito'y para sa susunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Luneta noong Araw ni Rizal, 12.30.2022

Sungkô

SUNGKÔ

minsan, kaibigan, ikaw ay aking susungkuin
at nang makalabas ng bahay upang magpahangin
magkumustahan at pagkwentuhan ang buhay natin
magkape man o sa harap ng tagay o inumin

balita ko, ikaw daw ay magiging isang sungkô
talaga bang sapilitan kang kukunin ng hukbô
upang magsanay, upang mananakop ay masugpô
upang di agad sumukò, kundi dugô'y ibubô

sa Ingles ay draft, sa basketbol din ay magagamit
lalo sa sanaysay, kwento, gansal, tanaga, dalit
upang payabungin ang wikang sa bayan umugit
upang maging karaniwan pag dila ang bumitbit

tulad ng sungkô na isa palang lumang salita
na kung gamitin sa pagkatha'y magiging sariwa

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

sungkô - [Bikol, Sinaunang Tagalog] 1: pagdalaw sa isang tao upang anyayahang lumabas ng bahay; 2: [Militar] sapilitang pagkuha upang maglingkod sa hukbo, sa Ingles ay DRAFT, 
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1186

Pagdama

PAGDAMA

"Fill your paper with the breathings of your heart.” –William Wordsworth

paminsan-paminsan di man madalas
ay naiiba ang nilalandas
malayo, animo'y walang bukas
na naninilay ay di mabigkas

minsan, sa langit nakatingala
walang maisip, natutulala
habang pinagmamasdan ng dukha
ang buhay na sadyang walang-wala

gayunman, sa kanya'y ipinayo
damhin kung ano ang nasa puso
baka naroroon ang pagsuyo
at pagsinta, di lamang siphayo

kaya ang pluma't kwaderno'y kunin
at isulat ang alalahanin
pagbabakasakali'y isipin
baka may tugon sa suliranin

laman ng akda'y buntonghininga
at sa puso'y nawala ang bara
nakakatulong palang talaga
upang madamang may pag-asa pa

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

Martes, Enero 3, 2023

Ugat

UGAT

di lang mula sa nagnaknak kong sugat namulaklak
ang mga tulang sa nagdugong puso'y nagsipatak
mas pa'y mula sa paglaban ng mga hinahamak
upang dignidad bilang tao'y kilalaning tiyak

kadalasang nag-ugat diyan yaring iwa't katha
na kung gumaling man ay balantukan pa ring sadya
bakit karapatan ay laging binabalewala?
habang may inaapi, sugat ay nananariwa

at pag narinig ko yaong mga impit at hibik
ng pinagsasamantalahan ng kuhila't lintik
ay agad sasaklolo gamit ang angking panitik
upang ilantad ang kanilang sugat na dinikdik

sa katampalasanan karaniwang nag-uugat
kaya nakakakatha't layon ay makapagmulat

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

Nilay

NILAY

napagbulay-bulay
ang maraming bagay
habang nagninilay
ay di mapalagay

dinamdam ang lumbay
ng walang karamay
dinaan sa tagay
at mata'y pumungay

wika'y malumanay
nang biglang dumighay
pilapil, binaybay
tinawid ang tulay

walang nakasabay
nang malangong tunay
naghikab, humimlay
sa daan lupasay

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

Igalang ang karapatang mag-unyon

IGALANG ANG KARAPATANG MAG-UNYON

igalang ang karapatang mag-unyon
ito'y nasusulat sa Konstitusyon
karapatang niyurak hanggang ngayon
ng mga dorobo't bundat na leyon

ito'y taal na karapatan natin
bilang obrero't sahurang alipin
bakit ipinagkakait sa atin?
ang karapatang dapat nating angkin?

bakit kailangan pang ipaglaban?
kung ito'y sadya nating karapatan?
di lamang may-ari ng pagawaan
at negosyante ang may karapatan

na pulos tubo lang ang nasa diwa
ngunit walang puso sa manggagawa
yaman lang nila ang dinadakila
habang obrero nila'y dusa't luha

ah, panahon nang sistema'y makalos
ng obrerong sama-samang kikilos
pagkat sila lang ang tanging tutubos
sa kanilang kalagayang hikahos

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng DOLE, 11.21.2022

Lunes, Enero 2, 2023

Ligaw na Bala, New Year 2023

LIGAW NA BALA, NEW YEAR 2023

may natamaan muli ng ligaw na bala
ngayong New Year ay may mga bagong biktima
para bang kating-kati ang daliri nila
na kumalabit ng gatilyo't sayang-saya

sinabayan ang putukan ng Bagong Taon
upang mamaril sinuman ang mga iyon
sila kaya'y sino, mayayabang bang maton?
na naglalaway, animo'y gutom na leyon!

minsan, nakakapanginig ang mga ulat
kung batid mong may batang natamaang sukat
noon at ngayon, di ka pa ba mamumulat
kayraming napatay, ang iba'y nagkasugat

kailan ba kulturang ito'y mapipigil?
pag mahal sa buhay na nila ang nakitil?
ng mga ligaw na balang talagang taksil
na kagagawan ng mga palalo't sutil

hustisya sa natamaan ng stray bullet
na di na magmumulat, permanenteng pikit
lalo na't ang mga natamaan pa'y paslit
na yaong buhay ay kay-agang kinalawit

- gregoriovbituinjr.
01.02.2023

* May ulat mula sa:
GMA News Online: Stray bullets injue two people in Abra New Year revelry
Manila Bulletin: Woman wounded by stray bullet in Iloilo City
Phil News Agency: 2 indiscriminate firing incidents 'mar' New Year revelries
The Star: 13-year old boy from Maramag, Bukidnon was wounded by a stray bullet on Christmas Eve

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

may nagbago ba sa Bagong Taon
o petsa lang ang nabago roon
na kung dati'y nasa barungbarong
ay nakatira ka na sa mansyon

kung naturingan kang hampaslupa
kaya ka palaging tinutuya
ngayon ika'y nagkakawanggawa
at tumutulong sa maralita

kung dati'y manggagawang kontraktwal
ngayon ay obrero kang regular
kung dati sa lakad napapagal
ngayon may awtong pinaaandar

kung dati, Bagong Taon mo'y tuyo
na umaasa lang sa pangako
ng mga pulitikong hunyango
ngayon, sa hirap mo na'y nahango

kung dati, sa isyu'y walang alam
ngayon, nais mo nang pag-usapan
kung walang paki sa kalikasan
ngayon ito'y inaalagaan

kung sa iyo'y may nagsamantala
ay dahil luma pa ang sistema
ang nagbago lang naman ay petsa
kaya tuloy ang pakikibaka

- gregoriovbituinjr.
01.02.2023

Ang handog

ANG HANDOG

nitong kapaskuhan
o Bagong Taon man
kayraming bigayan
nag-aginalduhan
sa opis, tahanan

regalo ng puso
para sa kasuyo,
kapalitang kuro;
aginaldong tuyo
ng trapong hunyango

nagbigay sa madla
ayuda'y napala
at nagkawanggawa
sa preso't dalita
na sadyang sinadya

di man nabibitin
tuloy sa mithiin
at laksang gawain
di ko man hintayin
ay naanggihan din

- gregoriovbituinjr.
01.02.2023

Linggo, Enero 1, 2023

Manigo

MANIGO

karaniwang bati na ang Manigong Bagong Taon
ngunit salitang manigo'y luma na nga ba ngayon?
di na raw batid ng kasalukuyang henerasyon
kundi salin ng Happy sa Happy New Year na iyon

di simpleng "masaya" ang "happy" kapag isinalin
kundi "maayos at masagana" yaong hangarin
nagbago lang ang taon ngunit sinasabi nating
"manigo" habang ang taon ay nagpapalit man din

madalas sa Bagong Taon ay gamit na pang-uri
anong sarap pakinggan kung unawa ng kalahi
na sana'y guminhawa ang buhay ng bawat lipi
ngunit sana'y iyon din ang sapitin ng kauri

kailan kakamtin ang "maayos at masagana"?
kapag nabago na kaya ang bulok na sistema?
kapag wala nang mapang-api't mapagsamantala?
kapag nakamit ng bayan ang ginhawa't hustisya?

- gregoriovbituinjr.
01.01.2023

* manigo - maayos at masagana, - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 756

Sa pagsalubong sa Bagong Taon

SA PAGSALUBONG SA BAGONG TAON

7 X 289 = 2023
17 X 119 = 2023

ngayong Bagong Taon ay magnilay
ano na ang susunod na pakay
paano susundin ang patnubay
upang umayos ang pamumuhay

panghawakan pa rin ang prinsipyo
patungo sa pangarap sa mundo
na mahalagang kamting totoo
itayo'y lipunang makatao

sana'y walang mga naputukan
sa mga kamay o natamaan
ng ligaw na bala, ah, na naman?
na sanhi ng biglang kamatayan

bati ko'y Manigong Bagong Taon
patuloy tayo sa ating misyon
kung saan man tayo pumaroon
ay maging matagumpay sa layon

- gregoriovbituinjr.
01.01.2023

Sabado, Disyembre 31, 2022

Sa pagyao ng Lumang Taon

SA PAGYAO NG LUMANG TAON

siyang tunay, napakarami ng sana
sana walang maputulan ng daliri
at walang tamaan ng ligaw na bala
sana walang disgrasya o aksidente

halina't iwanan na ang Lumang Taon
nang pag-iingay nang di nagpapaputok
salubunging masaya ang Bagong Taon
kahit usok dito'y nakasusulasok

ang Lumang Taon na'y talagang lilisan
at Bagong Taon bukas ay isisilang
sana'y wala nang mga trapo't haragan
na nagsasamantala sa sambayanan

pag Bagong Taon ba'y dapat Bagong Yugto?
tulad ng magsintang puno ng pagsuyo
kahit mga problema'y di pa maglaho
lipunang makatao sana'y matayo

- gregoriovbituinjr.
12.31.2022

* litrato mula sa google

Opo, may bayad na ang bus carousel

OPO, MAY BAYAD NA ANG BUS CAROUSEL

hanggang ngayon na lang ang libreng sakay
sa bus carousel na nagsilbing tunay
sa pasahero, madlang mananakay
at bukas may bayad na ang pagsakay

kaya maghanda na ng pamasahe
iyan ngayon ang kanilang mensahe
sana'y makaupo ng kumportable
tungong trabaho't nais bumiyahe

opo, may bayad na ang bus carousel
tulad ng dati't di na mapipigil
sangkatutak man ang dusa't hilahil
tuloy pa rin ang buhay, walang tigil

- gregoriovbituinjr.
12.31.2022

Biyernes, Disyembre 30, 2022

Magtangkilikan

MAGTANGKILIKAN

patuloy na tinatangkilik
dahil sa mga akda'y hitik
at sa diwa'y namumutiktik
kaya ito'y nakasasabik

katulad din ng tangkilikan
sa produktong likha'y tulungan
magkaalaman, magpalitan
tangkilikan ay bayanihan

ang akda mo'y babasahin ko
ang tula ko'y tutunghayan mo
magpalitan ng kuro-kuro
at magbalitaan ng isyu

manghaharana sa diwata
baka sagutin na ng mutya
at kahit ako man ay lupa
lalambot din sa kanyang luha

panitikan pa'y paunlarin
mga awtor ay tangkilikin
narito'y pamana sa atin
at sa panahon pang darating

- gregoriovbituinjr.
12.30.2022

Sa Rizal Park

SA RIZAL PARK

nagtungo kanina sa Luneta
upang maging saksi, nakiisa
sa paggunita o pag-alala
kay Rizal, bayani't nobelista

doon binitay sa Bagumbayan
na Rizal Park na ngayon ang ngalan;
may dumating ding talaga namang
isinagawa'y palatuntunan

sa diwa tumagos ang mensahe
ng nagwika tungkol sa bayani;
naglitratuhan, pa-selfie-selfie
bilang patunay, ako'y narine

talagang inagahan ang gising
nang sa diwa historya'y tumining
nang magbangon sa pagkagupiling
ang mga anak na nahihimbing

- gregoriovbituinjr.
12.30.2022 (sa ika-126 anibersaryo ng pagbitay kay Gat Jose Rizal)

Pagtakbo

PAGTAKBO

tuloy ang pagtakbo ng panahon
lalo't parating ang bagong taon
alaala na lang ang kahapon
habang sinasalubong ang ngayon

di sapat ang maghanap sa ulap
ano bang bigay ng alapaap
kundi ulan, di makahagilap
ng gintong magwawakas sa hirap

magpatuloy tayo sa pagtakbo
magpahinga pag nahapong todo
mararating din natin ang dulo
habang tangan pa rin ang prinsipyo

ganyan ang buhay ng maralita
umaasa't patuloy ang gawa
panibagong mundo'y malilikha
ng mga kamay na pinagpala

- gregoriovbituinjr.
12.30.2022

Maligayang ika-79 na kaarawan po, Inay

MALIGAYANG IKA-79 NA KAARAWAN PO, INAY pinaaabot ko'y taospusong pagbati  sa ikapitumpu't siyam na kaarawan ng aking inang tunay na ...