Miyerkules, Enero 12, 2022

Social distancing pa rin

SOCIAL DISTANCING PA RIN

dalawang taon na tayong nagso-social distancing
pandemya'y dalawang taon na ring nakakapraning
isang metro ang pagitan sakaling may bibilhin
sa botika, sa palengke, sa grocery, sa canteen

naging bahagi na ng araw-araw nating buhay
kasama ng facemask na dapat suot nati't taglay
dalawang taon, kayrami nang nabago't namatay
samutsaring mga virus na ang nananalakay

subalit nakukuha pa rin nating makangiti
sa kabila ng marami sa atin ang nasawi
kaysa damhin lagi ang sakit at napapangiwi
kundi ituloy ang buhay na dama man ay hapdi

kaytitindi na ng nagsulputang variant ng virus
alpha, beta, delta, omicron, tila nang-uubos
apektado ang buhay, nagiging kalunos-lunos
datapwat tuloy pa rin ang buhay, nakakaraos

gayunman, huwag magkampante, mag-social distancing,
mag-facemask, mag-alcohol, at huwag basta babahin
simpleng mga protocol itong kaya nating sundin
pagbabakasakaling pandemya'y malampasan din

- gregoriovbituinjr.
01.12.2022

Martes, Enero 11, 2022

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

minsan, lulan akong inip
sa tabi ng tsuper ng dyip
may paalalang nahagip
na agad namang nalirip

paalalang tunay naman
nang disgrasya'y maiwasan
"tingin muna sa likuran
bago buksan ang pintuan"

payong tunay ang abiso
sa bababang pasahero
nang siya'y maging alisto
di mahagip ng totoo

ng parating mang sasakyan
o tao mang nagdaraan
"tingin muna sa likuran
bago buksan ang pintuan"

oo, iniingatan ka
sa kanan tumingin muna
upang di ka madisgrasya
upang di makadisgrasya

- gregoriovbituinjr.
01.11.2022

* litratong kuha ng makatang gala minsang sakay ng dyip patungong opisina

Exchange gift

EXCHANGE GIFT

katatapos lamang ng masigabong pagdiriwang
bawat isa sa kanila'y may pangregalo naman
ano kayang matatanggap mula sa kapalitan
sana'y bagay naman sa iyo't iyong magustuhan

hanggang isang larawan ang nakapukaw sa isip
na pag pinagmasdan mo'y iyo agad malilirip
inaalay ng puno'y anong gandang halukipkip
habang ang tao'y kasamaang walang kahulilip

mabuti pa ang isa'y bunga ng kanyang paggawa
habang ang isa naman ay palakol na hinasa
hanggang sa pagdiriwang ba naman ay may kuhila
parang tunggaliang kapitalista't manggagawa

bakit puputlin ang punong nagbibigay ng prutas
kundi upang tumubong limpak-limpak ang pangahas
nais laging manlamang, sa kapwa'y di pumarehas
ah, paano ba kakamtin ang makataong landas

maiiwasan ba natin ang mga tusong imbi
na nais kumita ng milyon, perang anong laki
kung magbigayan sana'y para sa ikabubuti
ng kapwa, tanda ng pagkatao, di pangsarili

- gregoriovbituinjr.
01.11.2022

* litrato mula sa google

Kape't tula sa umaga

KAPE'T TULA SA UMAGA

tuwina'y kape't tula ang almusal ng makata
bago umalis ng bahay at maglingkod sa dukha
bago kumilos sa kalsada at sa manggagawa
mag-aagahan muna't magpapalakas ngang sadya

isasawsaw ang pandesal sa kape, anong sarap!
buti nang umalis ng busog kahit naghihirap
upang tuparin ang tungkulin, kamtin ang pangarap
lipunang makataong walang trapong mapagpanggap

gigising at babangong tula ang nasa isipan
habang iniinda ang mga sugat ng kawalan
isusulat sa kwaderno ang mga agam-agam
iinom ng kape bagamat amoy ang tinggalam

almusal ay kape, salita, saknong at taludtod
samutsaring tula'y katha kahima't walang sahod
katagang nahuli sa mga patak sa alulod
habang inilalarawan ang mga luha't lugod

- gregoriovbituinjr.
01.11.2022

tinggalam - sa Botanika, mabangong uri ng palutsina, UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1258

Lunes, Enero 10, 2022

Paskil

PASKIL

kailangan pa tayong paalalahanan minsan
kundi man madalas dahil iyon ang kailangan
lalo't wala tayo sa ating sariling tahanan
tapon dito, tapon doon, tapon kung saan-saan

kaya kailangan pang maglagay ng simpleng paskil
madalas daw wala sa sarili, tila inutil
nagtatapon kung saan-saan, nakapanggigigil
kaya nagpaalala upang ito na'y matigil

Please read: Basahin ang pakiusap sa mamamayan
lalo na sa gumagamit ng kanilang kainan
payak lang: Pakitapon ang kalat sa basurahan!
Clean as you go! Kung may kalat ay may pagtatapunan

buti na lang, may basurahan, paano kung wala
ang sariling basura'y ayaw ibulsa ng madla
sa natapos gamitin ay nandidiri nang sadya
ito man ay ketsap, plastik, o sa tisyu dumura

kolektibong kaugnayan, nag-iisang daigdig
pumapangit na kalikasan, sinong mauusig
sa wasak na kapaligiran, sinong nalulupig
sa pagpabuti ng mundo, tayo'y magkapitbisig

- gregoriovbituinjr.
01.10.2022

* nilitratuhan ng makatang gala ang paskil sa lamesa ng isang pamilihan

Nabasa kong tatlong aklat ni Edgar Calabia Samar

NABASA KONG TATLONG AKLAT NI EDGAR CALABIA SAMAR

Una kong nakilala ang magaling na awtor na si Edgar Calabia Samar noong maging kaklase ko siya sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002 sa UST. At ngayon ay sikat na siyang awtor ng mga libro.

Tatlo sa kanyang mga aklat ang nabili ko na. Ang una ay ang Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela, na nabili ko sa isang forum na pampanitikan sa Recto Hall, UP Diliman noong Nobyembre 18, 2014, sa halagang P250.00, 200 pahina. Ang ikalawa ay ang Mga Nilalang na Kagila-gilalas, na nabili ko sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao noong Marso 7, 2020, sa halagang P299.00, 276 pahina. At ang ikatlo ay ang Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon, na nabili ko rin sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao nito lang Enero 3, 2022, sa halagang P175.00, na may 190 pahina.

Agad kong natapos basahin ang Janus Silang sa loob lang ng isang linggo. Basta may libreng oras, agad kong binabasa, at kanina nga lang ay natapos ko na habang nakaupo sa may labas ng bahay habang nagpapahangin. May sampung kabanata ito na talaga namang natuon ang atensyon ko rito at nais ko agad matapos ang buong nobela. Ganyan katindi ang kapangyarihan ng panulat ni klasmeyt Egay. Congrats, Egay! Serye ang nobelang ito, na may kasunod pang apat na serye ng aklat ng Janus Silang ang dapat pang basahin.

Sa aklat na Halos Isang Buhay, isinama niya ang manananggal sa pagsusulat ng nobela. Matagal ko bago natapos basahin ang aklat na ito dahil talagang dapat mong pagnilayan bawat punto lalo na't binanggit niya ang mga gawa at proseso ng paggawa ng nobela ng iba't ibang kinikilala niyang mga dayuhang awtor tulad nina Murakami, Eco at Bolano. 

Isang inspirasyon iyon upang mangarap at masimulan kong sulatin ang planong una kong nobela, kaya sa pagbabasa pa lang ng Halos Isang Buhay ay talagang nais kong magsulat ng mahahabang kwento. Nakagawa na ako ng aklat kong Ang Dalaga sa Bilibid Viejo at iba pang kwento, Katipunan ng Una Kong Sampung Maikling Kwento, na nalathala noong 2012, kundi man 2013. Ang ilan pang maiikling kwento ko ay nalathala naman sa isyu ng Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na nalalathala ng dalawang beses kada buwan.

Iba't ibang uri ng nilalang naman sa masasabi nating mitolohiyang Filipino ang nasa Mga Nilalang na Kagila-gilalas. Dito ko naisip na lumikha rin ng mga kwentong pambata na hindi kailangan ng hari at reyna, dahil wala namang hari at reyna sa bansa, kundi mga raha at datu. Ang mga bida ay mga bata subalit ang gumagabay sa kanila ay ang mga Bathala, tulad nina Kaptan, Kabunyian, Amansinaya, at Tungkung Langit.

Nais ko pang mabili bilang collector's item at mabasa ng buo ang iba pa niyang nobela tulad ng Walong Diwata ng Pagkahulog at Ang Kasunod ng 909, subalit hindi ko matsambahan sa mga tindahan ng aklat. Kung may pagkakataon at may sapat na salapi, nais kong kumpletuhin ang iba pang aklat ng Janus Silang.

TATLONG AKLAT

tapos ko nang basahin ang unang aklat ni Janus
Silang na talagang pinagtuunan ko nang lubos
bagamat ang pangwakas noon ay kalunos-lunos
na pangyayari, may kasunod pa ito't di tapos

sadyang pilit mong tatapusin ang buong nobela
napapatda, napatunganga, anong nangyari na
ang iba pa niyang aklat ay sadyang kakaiba
mitolohiyang Filipino'y mababatid mo pa

nakahahalina ang banghay at daloy ng kwento
upang tuluyang mapako ang isipan mo rito
masasabi mo sadyang magaling na awtor nito
at naakit kang tapusin ang aklat niyang ito

Edgar Calabia Samar, magaling na manunulat
awtor ng Janus Silang, pluma niya'y anong bigat
ang Walong Diwata'y di ko pa nababasang sukat
nais kong malaman bakit nahulog silang lahat

ang pluma'y malupit, di ko pa naaabot iyon
tula't kwento ko nga'y sariling lathala lang noon
gayunman, awtor na ito'y isa nang inspirasyon
upang pagbutihin ko pa ang pagsulat ko't layon

- gregoriovbituinjr.
01.10.2022

Linggo, Enero 9, 2022

Pag-asa

PAG-ASA

isang marubdob na pakikiisa sa Partido
Lakas ng Masa na sa ngayon ay nagpapatakbo
ng kandidatong manggagawa sa pagkapangulo,
bise presidente at tatlo para sa senado

ating ipanalo ang Partido Lakas ng Masa
sa partylist, at biguin ang mga dinastiya
Manggagawa Naman ang iluklok sa pulitika
sila'ng dahilan kaya umunlad ang ekonomya

ibabagsak natin ang mga trapong mapagpanggap
mga kandidato ng kapitalistang mahayap
na sa manggagawa't dukha'y di naman lumilingap
kaya ang mga ito'y patuloy sa paghihirap

ah, pag-asa ang sa Partido'y aming natatanaw
na sa kabulukan ng sistema'y siyang lulusaw
pagbabago't lipunang makatao ang lilitaw
na siyang ating adhikain sa bawat pag-igpaw

- gregoriovbituinjr.
01.09.2022

* selfie ng makatang gala sa tapat ng tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Pasig

Paracetamol

PARACETAMOL

kahindik-hindik na balitang umabot sa masa
wala nang mabiling paracetamol sa botika
nagkakaubusan, paano ngayong maysakit ka
ubo't nilalagnat, sana'y di COVID iyan, iha

sa usaping supply and demand, tataas ang presyo
ng produktong kulang sa suplay na nais ng tao
kung sobra ang suplay, dapat magamit ang produkto
ay tiyak na magmumura naman ang presyo nito 

lalo ngayong omicron variant daw ay lumalala
at mas matindi pa raw sa ibang virus ang taya
kaya sa mga botika ang mga tao'y dagsa
nang makabiling gamot sa sakit na nagbabadya

di natin masisisi kung mga tao'y dagsaan
lalo sa balitang gamot ay nagkakaubusan
dahil iyon ay mayor nating pangangailangan
upang buhay ng pamilya'y agad masagip naman

sana'y walang mag-hoarding ng mga produktong iyon
ilalabas saka ibebentang mas mahal yaon
bulsa ng kapitalista'y tiba-tiba na roon
dapat parusahan ang gagawa ng krimeng iyon

- gregoriovbituinjr.
01.09.2022

* balitang halaw sa pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon, Enero 5, 2022, pahina 2

Lansangan

LANSANGAN

madalas kong tahakin ang aspaltadong lansangan
na sa tuwina'y mabibilis yaong mga hakbang
animo'y hinahabol ng mga sigbin at aswang
habang nangangamoy asupre yaong lupang tigang

di ko mawari sinong sa akin ay sumusunod
tatambangan ba dahil sa bayan ay naglilingkod
dahil ba ako'y isang masugid na tagasunod
bilang aktibistang sa rali raw sugod ng sugod

ngunit payapa pa rin akong sa daan tumawid
panatag ang loob na sa dilim di mabubulid
habang samutsaring isyu ng bayan ay di lingid
patuloy ang pagbaka habang nagmamasid-masid

dapat pandama'y patalasin at laging ihasa
upang maging handa sa mga daratal na sigwa
lalagi akong kakampi ng uring manggagawa
habang tinatahak ang landas ng kapwa dalita

- gregoriovbituinjr.
01.09.2022

Biyernes, Enero 7, 2022

Bawal dumura sa basurahan

BAWAL DUMURA SA BASURAHAN

paalala yaon bagamat nakakairita
payak na abiso subalit nakakataranta
bawal dumura sa basurahan, ang paalala
nakakadiri kung sa basurahan dudura ka

maghahanap ka pa ba ng kubeta o lababo
kung malayo pa iyon sa kinaroroonan mo
upang makadura lang ay lalakad at tatakbo
saan dudura, lilinga doon, lilinga dito

sinong pipigil na dumura ka sa basurahan
kung kailangan mo nang ilabas sa lalamunan
ang plemang idadahak, ay, nakakadiri naman
mabuti nga't sa basurahan, di kung saan-saan

na sa nag-aayos ng basura'y kadiri iyon
lalo't di mo sila sinuswelduhan sa pagtapon
may dignidad din sila, dapat respetuhin iyon
kahit basurero man ang napasukang propesyon

wala ka pang dalang tissue, doon sana dumahak
kung may sakit ka, kapwa'y di mahawa't mapahamak
tipunin sa isang plastik, sa bag muna iimbak
saka itapon sa basurahan, payo ko'y payak

tawag na ng kalikasan ang bigla mong pagdura
uhog man o plemang nais mong agad na mawala
kaysa nasa lalamunan at malunok mong bigla
kadiri nga lang pag sa basurahan idinura

- gregoriovbituinjr.
01.07.2022

* paskil na nakita sa loob ng isang mall

Puso

PUSO

nadaanan ko sa tindahan ng mga bulaklak
ang isang halamang anyong puso, nakagagalak
magandang tanawin sa mga naroong pinitak
ngayon lang nakita iyon, kaya ako'y nagkodak

lalo pa't nalalapit na ang Pebrero Katorse
ang Araw ng mga Puso, handog at pasakalye
habang malayo pa ang Setyembre Bente Nuwebe
na World Heart Day naman, alagaan ang pusong ire

kasama si misis nang makita'y halamang puso
sa mismong kaarawan niya habang sinusuyo
kaysarap masdan ng pusong tanim, nararahuyo
upang itanim din namin ito kahit sa paso

na araw-araw dapat lagi itong dinidilig
upang tuluyang mapalago ang iwing pag-ibig
katapatan ng pagmamahal sa bawat pagniig
at sa anumang paninibugho'y di palulupig

- gregoriovbituinjr.
01.07.2022

Huwebes, Enero 6, 2022

Sa maybahay

SA MAYBAHAY

maligayang kaarawan sa tangi kong maybahay
pagbati ng pag-ibig, sa puso nagmulang tunay
nawa'y lagi kang malusog, nasa mabuting lagay
habang magkatuwang tayong naritong nagsisikhay

kahit sa pagtanda mo'y manatili ang alindog
tulad ng isang diwatang pagsinta yaong handog
sa pagmamahal at paglalambing ay laging busog
sapagkat natatanging mutya kitang iniirog

O, mahal kong Liberty, maligayang kaarawan
taospusong pasasalamat, lagi kang nariyan
O, Kalayaan, kaiga-igaya mong pangalan
na alay sa akin ay matatag na kahulugan

mahal ko, sa mundo'y natatangi kitang diyosa
sa pagsikat ng araw ay tala ka sa umaga
maybahay kitang laging nasa puso ko tuwina
narito lang akong nakasuporta sa'yo, sinta

- gregoriovbituinjr.
01.06.2022

Miyerkules, Enero 5, 2022

407

407

kahindik-hindik na bilang ang doon naiulat
na animo'y istatistika lang na sumambulat
kung di isiping buhay ng tao'y nawalang sukat
numero lang ba iyan o tao, nakagugulat

sinalanta ng bagyong Odette ay di matingkala
lalo't bata't matatanda'y dinaluhong ng sigwa
apatnaraan at pitong katao na'y nawala
may pitumpu't walong buhay pang hinahanap sadya

nagbabagong klima ba'y paano uunawain
kung nanalasang sigwa'y anong tinding kaharapin
sapat bang fossil fuel at plantang coal ay sisihin
at ipanawagang ang mga ito'y patigilin

nag-usap-usap ang mga bansa hinggil sa klima
bago pa ang bagyong Odette sa bansa'y manalasa
emisyon ng bawat bansa'y dapat mabawasan na
susunod kaya ang mga bansang kapitalista

sa nasalanta ng bagyo, sinong dapat masingil
sinong mananagot sa mga buhay na nakitil
o walang masisisi, kalikasan ang sumiil
o may dapat singilin, ang kapitalismong taksil

- gregoriovbituinjr.
01.05.2022

datos mula sa pahayagang Abante Tonite, Enero 5, 2022, pahina 2

Martes, Enero 4, 2022

Dapithapon

DAPITHAPON

pansin niya, kung magsalita ako'y anong tipid
animo'y napipipi, madalas na nauumid
ngunit pag bumuka ang bibig, may kung anong hatid
na paksang di tulak-kabiging nagsala-salabid

matimping pananalita at matipid na ngiti
sa kongkretong kalagayan ay madalas magsuri
nais itanim sa paso ang samutsaring binhi
sa kalunsurang sementado na'y di pa mawari

habang apuhap ang mga paksang dapat masulat
tulad ng sanaysay at kwentong di pa mahalungkat
marapat bang payak ang paksa o nakagugulat
dapithapon na sa aplaya at pinupulikat

baka mas mabuting magsulat na lang ang makata
doon lang madaldal ang kanyang bolpeng tila tingga
salitang umaalingawngaw sa putik at baha
huwag lamang mabulid sa dilim ang mga kataga

- gregoriovbituinjr.
01.04.2022

Lunes, Enero 3, 2022

Mga halaw na salawikain

MGA HALAW NA SALAWIKAIN

sinumang di lumingon sa kanyang pinanggalingan
ay di makararating sa dapat na paroonan

kung naging mahinahon ka sa panahon ng poot
tiyak maiiwasan mo ang sandaang sigalot

ang taong gumagamit ng pwersa laban sa bayan
sakim sa kapangyarihan at sala sa katwiran

marami riyang matapang sa kapwa Pilipino
subalit nakayuko naman sa harap ng dayo

anumang hiniram mo'y isauli o palitan
upang sa susunod, di madala ang hiniraman

hangga't maikli ang kumot, magtiis mamaluktot
pag mahaba na'y umunat nang likod ay di hukot

ang di lumalaban sa mga mapagsamantala
kundi duwag ay utak-alipin o palamara

ang batang mausisa at tuwina'y palatanong
sa kalaunan ay lalaki itong anong dunong

yaong ganid sa yaman at pribadong pag-aari
siya ring mapagsamantala't nag-aastang hari

kung saan may asukal, tiyak naroon ang langgam
yaong tapat ang pagsinta'y di agad mapaparam

bungang hinog sa pilit, kung kainin ay mapait
matamis na kendi'y sisira sa ngipin ng paslit

kung anong bukambibig ay siyang laman ng dibdib
tulad ng binatang sa dilag nagmahal ng tigib

- gregoriovbituinjr.
01.03.2021

Pagdiga

PAGDIGA

kaibig-ibig ang bawat sandaling kasama ka
pagkat binigyan mong liwanag ang buhay kong aba 
kandila ka ba sa madilim kong espasyo, sinta 
o isa kang katangi-tanging tala sa umaga

isa kang diwatang nakasalubong ko sa daan
isa kang mutya sa naraanang dalampasigan
isa kang diyamante sa naapakang putikan
isa kang ada, tunay na kaygandang paraluman

subalit isa lang akong abang makatang tibak
na may pangarap na payak sa bayang walang pilak
na nagsisikap upang makaani sa pinitak
na nahalina sa kaytamis mong mga halakhak

gayunman, patuloy kong tangan ang iwing prinsipyo
upang maitaguyod ang karapatang pantao
upang hustisya't dignidad ng kapwa'y irespeto
upang itayo ang lipunan ng dukha't obrero

kung abang makatang ito sa puso mo'y palarin
lipunang makatao'y sabay nating pangarapin
magandang bayan at mabuting pamilya'y buuin
habang unang nobela'y patuloy kong kakathain

- gregoriovbituinjr.
01.03.2022

Linggo, Enero 2, 2022

Gabi

GABI

ikasiyam ng gabi'y naroon pa sa lansangan
naglalakad kahit walang buwan, pulos ilaw lang
habang nakaakbay kay misis pauwing tahanan
naglalambingan, nagkukwentuhan, at naglilibang

malamig ang simoy ng hangin kahit nasa lungsod
habang yaong aking likod ay kanyang hinahagod
sa maikling lakaran ay nadama rin ang pagod
matanda na ba, subalit matibay pa ang tuhod

nakauwi kaming mapayapa at di mapanglaw
dahil lungsod, nagniningning pa rin ang mga ilaw
sa lansangan ay halos wala nang taong natatanaw
habang kamakalawa'y kay-ingay ng buong araw

mula sa pinuntahan kung saan nagpakabusog
ay nagbitamina upang katawan ay lumusog
inaantok na ako, mahal, tara nang matulog
sabi ko sa irog kung saan puso ko'y nahulog

- gregoriovbituinjr.
01.02.2022

Kuyom ang kaliwa kong kamao

KUYOM ANG KALIWA KONG KAMAO

kuyom ang kaliwa kong kamao
hangga't wala pa ring pagbabago
hangga't api ang dukha't obrero
at nariyan ang kapitalismo

na sistemang mapagsamantala
sa lakas ng karaniwang masa
hangga't naghahari ang burgesya
at trapong sakim at palamara

ramdam ang sa lupa'y alimuom
hangga't manggagawa't dukha'y gutom
ibig sabihin, sa simpleng lagom
manananatiling kamao'y kuyom

itaas ang kamaong kaliwa
bilang simbolo't kaisang diwa
ng bawat dalita't manggagawa
sa pakikibaka'y laging handa

- gregoriovbituinjr.
01.02.2022

* drawing mula sa google

Pag-asa

PAG-ASA

umaasa pa ba tayong maglilingkod ng tapat
sa sambayanan ang mga trapong burgis at bundat
na upang mahalal, sa masa'y sasayaw, kikindat
habang korupsyong gawa nila'y tinatagong sukat

umaasa pa ba tayong maglilingkod na tunay
sa bayan yaong mga trapong kunwa'y mapagbigay
na pag naupo sa pwesto'y di ka na mapalagay
dahil limot na nila ang mga pangakong taglay

o lider-obrero ang ipantapat sa kanila
na ang dala'y pag-asa't pagbabago ng sistema
may prinsipyong angkin at tagapaglingkod ng masa
lider ng paggawang lalabanan ang dinastiya

hahayaan bang bulok na sistema'y manatili
at muling manalo yaong burgesya't naghahari
saan tayo tataya kung tumakbo na'y kauri
iwaksi na ang trapo, manggagawa'y ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
01.02.2022

#manggagawanaman
#laborpower2022

Sabado, Enero 1, 2022

Pambungad na tula sa 2022

PAMBUNGAD NA TULA SA 2022

di paramihan ng nakakatha itong pagtula
kundi pagsulat ng danas sa bawat kabanata
niring buhay tulad ng pagdaan ng mga sigwa
sa tulad kong nasalanta'y nakapagpatulala

sinalanta ng unos ang tula ko ng pag-ibig
tula mang sa uri'y nanawagang magkapitbisig
buhay ko na ang pagkatha ng tula, di lang hilig
tinatanim ay mga binhing laging dinidilig

isa lang akong karaniwang taong tumutula
bilang aktibistang kumikilos sa maralita
nilalarawan ang buhay ng uring manggagawa
at kasama sa pakikibaka ng mga dukha

sa tuwina'y tahimik lamang akong nagmamasid
lalo na't alam kong kayraming paksa sa paligid
may pakpak ang balita, kasabihang aking batid
may tainga ang lupa, mga mensahe'y walang patid

para sa hustisyang panlipunan, di paninikil
para sa karapatang pantao, laban sa sutil
hangga't may hininga'y lalabanan ang paniniil
at patuloy kong tatanganan ang bolpen at papel

- gregoriovbituinjr.
01.01.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pagtitipon, Disyembre 19, 2021

Maligayang ika-79 na kaarawan po, Inay

MALIGAYANG IKA-79 NA KAARAWAN PO, INAY pinaaabot ko'y taospusong pagbati  sa ikapitumpu't siyam na kaarawan ng aking inang tunay na ...