Sabado, Pebrero 13, 2021

Dalawang Araw ng mga Puso

DALAWANG ARAW NG MGA PUSO

saliksik ko'y may dalawang Araw ng mga Puso
isa'y amor, hinggil sa pag-ibig, pamimintuho
isa'y corazon, na pisikal na lagay ng puso
dalawang aalagaan nang may buong pagsuyo

ang isa'y tuwing ikalabing-apat ng Pebrero
mula sa dalawang kapwa ngalan ay Valentino
na pinabitay daw noon ni Emperador Claudio
araw nila'y deklara ng Simbahang Katoliko

pagkamartir nila'y inaalala hanggang ngayon
naging araw ng pag-ibig ang kamatayang iyon
dalaga't binata'y nagsusuyuan sa maghapon
mag-asawa'y nagsisikap nang sa hirap umahon 

isa pa'y ikadalawampu't siyam ng Setyembre
kalusugan ng puso'y inaasikaso dine
may bara ba ang puso, tigilan na ang magkarne
iwasan ang taba, aligi, sa puso'y atake

araw na ideya ni Antoni Bayés de Luna
cardio-vascular disease ang madalas manalasa
itaguyod ang kalusugan ng puso sa masa 
lalo na't kayraming maysakit dulot ng pandemya

dalawang Araw ng mga Puso'y alalahanin
VALENTINE'S DAY, sinisinta'y tapat nating ibigin
WORLD HEART DAY, pangangalaga ng puso'y intindihin
dalawang petsa iyang dapat nating gunitain

- gregoriovbituinjr.

Pag-ibig

Pag-ibig

tunay na pagsinta'y aali-aligid sa hardin
ikaw ang rosas na matinik man ay iibigin
ako'y bubuyog na samyo mo'y aamuy-amuyin
na sa aking bisig ay hahagkan ka't kukulungin

noon, susulyap-sulyap lang ako sa iyong ganda
sapagkat tunay kang diwatang kahali-halina
akala ko noon ako lang ay namalikmata
subalit ngayon sa puso ko'y kasa-kasama ka

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Pebrero 12, 2021

KaWaWà

KaWaWà

aba'y mahirap ding maging kasaping maralità
sa Kapisanan ng mga Walang Walà (KaWaWà)
kalunos-lunos na ang kalagayan naming dukhà
patuloy pang sinusuong ang dumatal na sigwà

sabi nila, kung may tanong, itanong daw sa matsing
subalit huwag kang magtatanong sa mga praning
baka mahulog ka sa balon, di ka na magising
ngunit "tuso man ang matsing, napaglalalangan din"

dahil sa virus, kayraming nawalan ng trabaho
nagbigay ng pagkakataon sa kapitalismo
upang mapagsamantalahan uli ang obrero
oportunidad sa kapitalistang abusado

kung sa grupong KaWaWà ay mananatili na lang
ang mga hayok sa dugo ng dukha'y manlalamang
sigaw namin ay hustisya sa biktima ng tokhang
na walang proseso't mga inosente'y napaslang

- gregoriovbituinjr.

Tanagà sa pighati

Tanagà sa pighati

1
bakas pa ang pighati
ng nawalan ng puri
na tinatangka lagi
ng isang tusong pari
2
naulinigan mo ba
sa kanilang pagbaka
yaong sigaw ng masa:
nasaan ang hustisya!
3
kumikilos ang hari
sa ngalan ng salapi
pribadong pag-aari
ang rason ng pighati
4
danas ay balagoong
ng isa kaya buryong
tadtad na ng kurikong
may pigsa pa sa ilong
5
isdang tuyot na tuyot
ang nais niyang hawot
tila ba nilulumot
ang pisngi ng kurakot
6
nariyan si masungit
na ang ugali'y pangit;
mutyang kaakit-akit
ay sobra namang bait
7
malupit ang burgesya
tingin sa dukha'y barya
turing pa sa kanila'y
mga mutang sampera

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, pahina 20.

Ang natatanaw sa malayo

Ang natatanaw sa malayo

mababago nga ba ang mundo
sa lungsod ng mga pangako
at paano kung napapako
tulad ng asal ng hunyango

nagbabago-bago ang himig
ng awit ng saya't ligalig
tila inagawan ng tinig
ang dukhang walang makaibig

sa malayo'y nakita kita
lulugo-lugo't walang kita
parang laging butas ang bulsa
walang barya kahit sa blusa

marahang tanggalin ang hasang
ng hitong binaha sa parang

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Pebrero 11, 2021

Halina't tayo'y magyosibrik

Halina't tayo'y magyosibrik

di ako nagyoyosi datapwat nagyoyosibrik
na upos ng yosi'y sinisiksik sa boteng plastik
tara, tayo'y makilahok sa proyektong yosibrik
ito ang walang sawa kong panawagan at hibik

naglipana kasi ang upos sa kapaligiran
pangatlong basura raw ito sa sandaigdigan
sa pinakamarami, ayon sa saliksik naman
ng iba't ibang organisasyong pandaigdigan

di ba kayo nababahala o di maunawa
na dapat ding masolusyunan ang ganitong gawa
ang pagyoyosibrik ay isang munting pagkukusa
upang solusyon sa upos ay ating masagawa

di ba't upos ay binubuo ng maraming hibla
kung nagagawa ngang lubid ang hibla ng abaka
at nagagawa namang barong ang hibla ng pinya
ang hibla ng upos ay pag-isipan na rin sana

magagawa ba itong damit, sapatos, sinturon
o anumang produktong magagamit natin ngayon
kausapin ang imbentor nang magawa'y imbensyon
upang hibla ng upos ay magawan ng solusyon

tara, tayo'y magyosibrik, tiyak kang malulugod
simula lamang ang yosibrik sa pagtataguyod
ng kalinisin sa paligid bilang paglilingkod
upang sa upos ng yosi'y di tayo malulunod

- gregoriovbituinjr.

Tara, tayo'y mag-ecobrick para sa kalikasan

tara, tayo'y mag-ecobrick para sa kalikasan
ito'y lagi kong panawagang walang kapaguran
pananatilihing malinis ang kapaligiran
basurang plastik sa boteng plastik nagsisiksikan

tipunin yaong mga pinaglagyan ng kakanin
pinagbalutan ng junk food pati mga kutkutin
ang gagawing ecobrick ay dapat mo ring planuhin
kung ano kayang istruktura ang iyong gagawin

kung ang nais mong istruktura'y silya o lamesa
o kaya'y panlagay sa pader o sa hardin pala
upang mabatid anong planong gagawin tuwina
dapat malinis ang plastik kung lamesa o silya

iba ang plano kung basa o maruruming plastik
pandispley sa pader o hardin sa isip sumiksik
sa puwitan ng bote'y disenyuhan ang ecobrick
ng makukulay na plastik kung sa pader ang hibik

halina't mag-ecobrick na para sa kalikasan
munting tulong na ito sa ating kapaligiran
para sa kinabukasan ng ating kabataan
na ang henerasyong ito, mundo'y inalagaan

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 10, 2021

Ang mariposa

isang mariposa'y napadikit
tila sa damit nga'y nangunyapit
nangingitlog nga ba itong pilit
at umiiyak na parang paslit

kaysarap masdan ng mariposa
lalo't nakaaaliw sa mata
ang pagpagaspas ng pakpak niya
at kulay na matingkad na pula

kundi man siya napapaindak
buntis kaya siya't manganganak
at sa sinampay nga napasadlak
doon gagawin ang binabalak

mariposa sana'y magtagumpay
sa plano kahit di mapalagay

- gregoriovbituinjr.

Martes, Pebrero 9, 2021

Walang iwanan

Walang iwanan

hindi ako tumatakas at nang-iiwan
upang ang sarili ko'y mailigtas lamang
madakip man ako sa anumang labanan
buti ang gayon kaysa nang-iwan sa laban

sa anumang sitwasyon, dapat maging handa
kahit kaharapin pa'y sangkaterbang tingga
upang ipagtanggol ang manggagawa't dukha
at sa dumaratal na sigwa'y sumalunga

walang iwanan sa laban hanggang mamatay
habang tinataguyod ang lipunang pakay
baybayin man ang matatayog na tagaytay
sisirin ang laot o mabaon sa hukay

walang iwanan ay prinsipyong itinaga,
di sa bato, kundi rito sa puso't diwa

- gregoriovbituinjr.

* Nag-selfie ang makatang gala sa painting ng isang kasamang tibak sa dating tanggapan ng BMP sa QC. 

Lunes, Pebrero 8, 2021

Wala akong konsepto ng sabi nila'y bakasyon

wala akong konsepto ng sabi nila'y bakasyon
kung saan magpapahinga ako't maglilimayon
pagkat nasa isip ko lagi'y pagrerebolusyon
pagkat ayokong masayang lang ang aking panahon
sa bakasyon at di matupad ang atang na misyon

tuloy ang laban at gawaing pag-oorganisa
tuloy-tuloy lang ang layuning dapat maimarka
tuloy lang ang pagpapatupad ng gawaing masa
tuloy ang sa obrero't maralita'y mag-eduka
hanggang sa nilalayon, sila na'y maging kaisa

babawiin ang inagaw nilang tinig at puri
lalo't sanhi ng hirap ay pribadong pag-aari
tatanggalin ang kapritso ng mga naghahari
upang manggagawa't dukha'y maging iisang uri
at lipunang makatao'y kanilang ipagwagi

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Pebrero 7, 2021

Musika ang lagaslas ng tubig

Musika ang lagaslas ng tubig

musika ang lagaslas ng tubig
kaysarap sa taynga pag narinig
awit ng nimpa'y nauulinig
nimpang nais kulungin sa bisig

ang mga isdang naglalayungan
ay masasayang nagsasayawan
nag-uusap pag napapagmasdan
hinggil sa problema'y kalutasan

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Pebrero 6, 2021

Tula sa ika-20 anibersaryo ng pagkamatay ni Ka Popoy Lagman

saktong dalawampung taon na ang nakararaan
nang si Ka Popoy Lagman ay pinaslang sa Diliman
hanggang ngayon, naghahanap pa rin ng katarungan
ang pamilya, pati na kasamahan sa kilusan

mantak mong isipin, dalawang dekada na pala
ng paglulupa't tumanda na kaming aktibista
hustisya'y kaybagal subalit kami'y umaasa
sa kalaunan ay makakamit din ang hustisya

- gregoriovbituinjr. 02.06.2021

Biyernes, Pebrero 5, 2021

Ang mga manggagawang nagpipinta

mabuhay ang mga manggagawang kayod ng kayod
sa trabaho para lang sa kakarampot na sahod
sa gitna man ng pandemya, huwag lang nakatanghod
pinipintahan yaong sa kalawang na'y napudpod

nawa'y makasama namin kayong mapag-aralan
at masuri ang samutsaring isyung panlipunan
masdan bakit sa kabila ng inyong kasipagan
ay may laksang naghihirap at mayamang iilan

- gregoriovbituinjr.

- kuha ng makatang gala sa foot bridge sa kanto ng Quezon Ave. at Sgt. Esguerra St., malapit sa Edsa

Pagwawagayway ng bandila

sa B.M.P., Sanlakas, at M.M.V.A., Mabuhay!
talagang mga bandila ninyo'y nagwawagayway
na pawang nakuhanan ng litratong sabay-sabay
sa ihip ng hangin ay sadyang mababasang tunay

pagpupugay sa inyong mga ipinaglalaban
pagkat tunay kayong may prinsipyo't paninindigan
nawa'y magtagumpay kayo sa mga nasimulan
para sa kagalingan ng bayan at mamamayan

- gregoriovbituinjr.

- kuha ng makatang gala sa isang pagkilos sa UP Diliman, Enero 29, 2021, bago ang oral argument ng Anti-Terror Law sa SC, Feb. 2

Huwebes, Pebrero 4, 2021

Lagaslas

Lagaslas

pakinggan mo ang kanyang lagaslas
habang daloy niya'y minamalas
animo'y musikang nadaranas
na ang puso'y napapabulalas
ng pagsintang sa langit tumagas

- gregoriovbituinjr.

Pagapang-gapang

Pagapang-gapang

anong klaseng pulang nilalang
ang sa lupa'y pagapang-gapang
animo'y munting alupihan
o pulang uod pag minasdan

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 3, 2021

Titisan, upos at yosibrik

TITISAN, UPOS AT YOSIBRIK

ilagay ang upos sa titisan
sapagkat iyon ang kailangan
di itapon sa kapaligiran
sapagkat bansa'y di basurahan

kung sa malayo nakatunganga
isiping yosibrik ay magawa
sa plastik na bote ilulungga
ang upos na naglipanang pawa

titisan pag napuno'y ibuhos
sa daspan at gawin ng maayos
ihiwalay ang titis at upos
nang yosibrik ay malikhang lubos

ang yosibrik ay pagtataguyod
ng kalinisang nakalulugod
baka may imbensyong matalisod
nang hibla nito'y makapaglingkod

masdan ang upos na pulos hibla
baka dito'y may magagawa pa
tulad ng lubid mula abaka
tulad ng barong na mula pinya

ang hibla ng upos ay suriin
baka may imbensyong dapat gawin
kaysa sa ilog ito'y anurin
kaysa sa lansangan lang bulukin

huwag hayaang naglilipana
saanman, sa laot, sa kalsada
pagkat upos na'y naging basura
di lang sa bansa, buong mundo pa

bakasakaling may masaliksik
na solusyon sa upos na hindik
halina't tayo nang magyosibrik
dinggin nawa ang munti kong hibik

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Pebrero 1, 2021

Pagtungayaw

Pagtungayaw

"Huwag mo akong mumurahin!
Di mo ako pinapakain!"

sa sinabi niya'y nagdili
nagtanong na lang sa sinabi

pagpapakatao'y nahan na
pag sa kapwa'y nagtungayaw ka?

lohika niya'y mukhang palso
pag tinanong mo nang ganito:

"Pag iyo bang pinapakain
ay pwede mo na ring murahin?"

- gregoriovbituinjr.

- kuhang litrato ng makatang gala habang naghahanda ng almusal

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, pahina 20.

Sabado, Enero 30, 2021

Bahay na imburnal?

Bahay na imburnal?

ganito ba ang buhay
ng mga walang bahay?
ngiti ba nila'y tunay?
o sila'y tila patay?

sila ba'y mamamayan
pa ba ng ating bayan?
bakit di matulungan
nitong pamahalaan?

iyan ba'y tahanan na?
iyan ba'y bahay nila?
anong kanilang dama?
nakangiting may dusa?

may sanggol na sinilang
may batang murang gulang
doon na ba nanahan
nang may masilungan lang

di ba kayo naawa
at wala ring magawa
sila ba’y isinumpa’t
ang dangal na’y nawala?

sa pang-imburnal yaon
gagamitin paglaon
pag napalayas doon
saan na paroroon?

* kuha ang litrato mula sa internet

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, pahina 20.

Biyernes, Enero 29, 2021

Ang panawagan ng ZOTO

Ang panawagan ng ZOTO

napakalalim subalit prinsipyado ang pakay
na ipaglaban ang karapatan, tayo'y magsikhay
tungo sa makatao at abot-kayang pabahay
panawagan ng ZOTO na mula sa puso'y tunay

nagtipon-tipon sila roong pinag-uusapan
ang mga hakbangin upang asam nila'y makamtan
kolektibong pagkilos, kolektibong talakayan
upang ito'y ipaglaban at mapagtagumpayan

mabuhay ang ZOTO - Zone One Tondo Organization
sa inaadhika nila't dakilang nilalayon
hindi lang iyan islogan kundi prinsipyo't misyon
na isasabuhay nati't tutuparin paglaon

pagpupugay sa lahat ng mga nakikibaka
upang kamtin ang pangarap na pabahay sa masa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang asembliya sa Bantayog ng mga Bayani, 12.07.2020

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, pahina 20.

Ang maiaalay sa mundo

ANG MAIAALAY SA MUNDO iyon lang ang maiaalay ko sa mundo ang ibigay yaring buhay para sa kapwa at maitayo ang lipunang makatao at patas sa p...