Sabado, Agosto 1, 2020

Ulam na tuyo't talbos

tuyo't talbos ang ulam ngayong umaga't tanghali
pinitas ang talbos sa gilid, nagbakasakali
upang kalusugan ay gumanda't mapanatili
kung binili, napitas ko'y bente pesos ang tali

ang tuyo'y pinrito, talbos ng kamote'y ginisa
mabuti't may tinanim lalo ngayong kwarantina
magsipag lang, may mapipitas ka lalo't magbunga
pag may tinanim ka'y di magugutom ang pamilya

pag nasa lungsod ka, subukan ang urban farming
kahit sa mga paso lang ay subukang magtanim
sa panahong lockdown, magsasaka'y tularan natin
maging magsasaka sa lungsod upang may makain

kayhirap man ng lockdown, parang panahon ng Hapon
magtanim ng gulay upang may mapitas paglaon
kasabihang magtanim ng kamote'y danas ngayon
kaya ito'y gawin para sa pamilya't nutrisyon

- gregbituinjr.

Mga usling pako sa kisame

higit apat na buwan na sa bahay ng biyenan
dahil kwarantina'y doon ni misis naabutan
ilang beses nang naglabas-masok sa palikuran
ngayon lang naramdamang ako pala'y nasugatan

kaninang umaga'y masaya sanang maliligo
pumunta ng palikuran at naghubad ng baro
nang makaramdam ng sakit sa daliri, nagdugo
iyon pala sa kisame'y may nakausling pako

at di lang isa kundi walong pako ang naroon
nadale ang aking daliri nang maghubad doon
tinamaan yaong hintuturo, daplis man iyon
pabaya ba ang karpinterong gumawa ng bubong?

o baka naisip niyang nakatira'y maliliit
kaya di masusugat sa kisameng abot-langit
kung may matangkad at mauntog, aba'y anong sakit
tiyak sugat agad ang noo, kundi man ang anit

ang pako'y lagpas-lagpasan sa kahoy na dos-por-dos
upang matibay na makabit ang yero't maayos
baka estilo ng karpintero, pako'y tumagos
di naisip, may masugatan, basta makaraos?

tiningnan ko ang kisame sa kabilang kubeta
may nakausli ring pako, bilang ko'y labing-isa
matapos maligo'y pinuntahan ang kusina
sa kisame, mga pako'y nakausli rin pala

pag minartilyo ang pako sa kubeta'y aangat
tiyak ang yero, kaya ang mas mabuti'y mag-ingat
kung maghuhubad upang maligo'y huwag malingat
dahil baka masabit muli sa pako't masugat.

- gregbituinjr.
08.01.2020






Biyernes, Hulyo 31, 2020

Bukrebyu: How Much Land Does A Man Need, ni Leo Tolstoy

BUKREBYU
How Much Land Does A Man Need by Leo Tolstoy
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na “How Much Land Does A Man Need” ni Leo Tolstoy sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Pebrero 24, 2018 sa halagang P80.00. Isinalin ito sa Ingles, mula sa Ruso, ni Ronald Wilks. Ang aklat na iyon ang ika-57 aklat sa kabuuang 80 aklat ng Penguin Classics. Umabot ang aklat ng 64 pahina, na may dalawang maikling kwento. Ang una nga ay ang nabanggit ko, na may 21 pahina, at ang ikalawa’y ang What Men Live By, na akda rin ni Tolstoy, na umaabot naman ng 31 pahina, mula mp. 23-53.

Ang kwento ay binubuo ng siyam na kabanata. Ang bida rito ay si Pakhom, isang magsasakang naghangad magkaroon ng maraming lupain.

Noong panahong iyon, nagpasya ang isang kasera sa nayon na ibenta ang kanyang mga ari-arian, at ang mga magsasaka roon ay bumili ng halos lahat ng lupaing kaya nilang bilhin. Si Pakhom mismo ay bumili ng ilang lupain, at sa pamamagitan ng pagtatrabaho ay nabayaran niya ang kanyang mga utang at nabuhay ng komportable. Pumunta pa siya ng ibang lupain upang bumili pa ng mas maraming lupain. Paniwala niya, pag marami siyang lupain, hindi na siya matatakot sa demonyo.

Hanggang makilala ni Pakhom ang mga Bashkirs, na mga simpleng tao lang na maraming lupain.  Nais niyang bilhin ang lupa ng mga ito. Sa halagang isang libong rubles, lalakarin ni Pakhom ang lupa mula sa simula o tinatapakan niya hanggang makarating muli sa simula bago magtakipsilim, at ang mga naabot niya ang kanyang magiging lupain. Subalit pag hindi siya nakarating sa simula bago magtakipsilim, mawawala na ang kanyang pera’t hindi magkakaroon ng lupa. Kaya naglakad siya hangga’t kaya niya. Nang dapithapon na’y nagmadali siya upang makaabot sa pinagsimulan niya. Subalit sa kanyang pagod, siya’y tumumba’t namatay. Inilibing siya ng kanyang mga kaibigan sa isang libingang may anim na talampakan, na siyang sagot sa katanungang binanggit sa pamagat ng kwento.

Isa ito sa mga sikat na akda ni Tolstoy. At kung may pagkakataon ay isasalin ko ito sa wikang Filipino upang mas mabasa ng nakararami pa nating kababayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 16.
* Nalathala rin sa isyung ito ng Taliba ng Maralita, pahina 20, ang tulang: 

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

pamagat pa lang ng aklat, nakakaintriga na
anong sagot sa tanong? ito ba'y pilosopiya?
"How much land does a man need?" ay pamagat at tanong pa
na magandang akda ni Leo Tolstoy mula Rusya

tanong bang ito'y tungkol sa pribadong pag-aari?
ilang lupa ang dapat mong ariin kung sakali?
libu-libong ektarya ba sa puso mo'y masidhi?
dahil ba sa lupa kaya maraming naghahari?

ilan bang lupa ang kailangan ng isang tao?
bibilhin? aagawin? palalagyan ng titulo?
pinalalayas ba ang dukha para sa negosyo?
at kapag yumaman na, sa pulitika'y tatakbo?

di ko pa tapos basahin ang nobela ni Tolstoy
sa pamagat pa lang, mapapaisip ka na tuloy
ilan na bang dahil sa lupa'y lumuha't nanaghoy?
ilan ang naging playboy, ilan ang naging palaboy?

pag wala ka bang lupa, ang buhay mo na'y hilahod?
kaya pribadong pag-aari'y itinataguyod?
ideyang pyudal? magkalupa ba'y nakalulugod?
o lupa'y kailangan mo sa libingan mo't puntod?

- gregbituinjr.
04.29.2020

Tanaga sa SONA 2020

TANAGA SA SONA 2020

may panibagong laban
muli ang sambayanan
isasabatas naman:
parusang kamatayan

na binanggit sa SONA
tila ba tayo’y nganga
tila balewala na
ang hustisya sa masa

niligaw tayong lubos
sapagkat paksa’y kapos
para bang nakaraos
walang coronavirus

gayong ito ang dapat
unahin at maungkat
o masyadong mabigat
kaya sa paksa’y nalingat

nasa isip ay tokhang
nitong pangulong halang
kaya bitay at pagpaslang
ang naisip ng hunghang

karapatang pantao’y
di na nirerespeto
tila ba ang gobyerno’y
buong sinakmal nito

kaya paghandaan din
ang labang susungin
hirap mang kalabanin
itong hari ng lagim

magkaisa ang dukha
at uring manggagawa
labanan ang kuhila
na dapat nang bumaba

tanaga - tulang may pitong pantig bawat taludtod

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 20.

Huwebes, Hulyo 30, 2020

Ako at si Ho Chi Minh

dahil sa lockdown, mahaba na rin ang aking balbas
subalit di naman pangit pag iyong namamalas
marahil ito'y dahil din sa tinutungong landas
upang itayo ang lipunang makatao't patas

animo ako'y si Ho Chi Minh na aking idolo
na sa Vietnam ay isang lider rebolusyonaryo
siya'y Leninista ring nangarap ng pababago
haba ng balbas niya'y sagisag ba ng talino?

nagagaya man ako sa balbas niyang mahaba
ay binabasa ko pa rin ang kanyang akda't tula
naisalin ko nga ang isang tula niyang katha
at marahil dagdag na misyong dapat kong magawa

hanggang ngayon, inaaral ang kanilang istorya
at baka may matutunan sa kasaysayan nila
maisulat ito't maibahagi rin sa masa
habang di pa maahit ang balbas kong mahaba na

- gregbituinjr.

Pampalakas ang sinturis

nakahiligan ko na ang bumili ng sinturis,
dalandan, o dalanghita, ito man ay matamis,
o di gaanong maasim, sa sikmura'y panlinis,
gagaan ang pakiramdam, katawan ma'y manipis

bukod sa init ng araw, ito'y bitamina rin
pampatibay umano ng kalamnan, buto't ngipin
pampalakas ng resistensya pag iyong kinain
mabuti nang mayroon ka nito kung may gagawin

kumain ng sinturis, dalanghita o dalandan
upang tumibay ka, kalamnan mo, puso't isipan
matutuwa pa ang iyong mga kamag-anakan
lulusog na sila'y mapuno pa ng kagalakan

kaya pag tagsinturis na'y bibili ng madalas
upang sa anumang sakit ay may agarang lunas
pampasigla na, pampasaya pa, at pampalakas
maganda ring ihanda pag may pulong ka sa labas

- gregbituinjr.

Isa man akong straggler

isa man akong straggler o lagalag saanman
napahiwalay o napalayo sa kasamahan
ay mananatili pa ring tapat sa sinumpaan
kong prinsipyo, layunin at tungkuling gagampanan

ang isip ko'y di ako basta mapapariwara
sapagkat aking tinatahak ang landas na tama
kahit mapanganib man ito'y tutunguhing kusa
ang mahalaga'y nasa wastong direksyon ang diwa

masasagip din ang sarili laban sa panganib
kahit na may ahas pa saanmang gubat o liblib
dapat maging matatag ka't laging buo ang dibdib
nang malayo sa pangil ng sinumang manibasib

isa man akong straggler na may tanging layunin
saanman mapapunta'y mag-oorganisa pa rin
upang bulok na sistema'y sama-samang baguhin
upang lipunang makatao'y maitayo natin

- gregbituinjr.

Sa putikang landas

pinangalanan kong Markang Putik ang isang blog ko
sapagkat iyon ang marka ko, ang putikang ako
mabaho, amoy putik, madulas daw, aburido
subalit ako'y simpleng ako, karaniwang tao

ilang beses nang iwing buhay na'y biglang tumirik
muntik-muntikan ang disgrasya, oo, muntik-muntik
mabuti na lang ang utak ko'y di patumpik-tumpik
naiwasan din iyon bago pa mapatahimik

ngunit kung ako'y putik ay kakaiba ang diwa
pinagsamang PUlitika't paniTIK ang salita
oo, may pulitika sa bawat akda ko't paksa
na nilalambungan ng anino ng laksang dukha

lumubog man sa putik o gumapang man sa lusak
gumulong, magurlisan, o sa likod may tumarak
ako'y babangon at babangon kung saan nasadlak
titiyakin kong makaahon saanman bumagsak

tulad ng putik, dapat ingat rin, baka madulas
lalo't ang tinatahak ay di madaanang landas
tungo sa pangarap na lipunang lahat ay patas
walang pagsasamantala, bawat isa'y parehas

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 29, 2020

Nabubuhay akong malayo sa aking daigdig

nabubuhay akong malayo sa aking daigdig
kung saan doon sa kapwa ko dukha'y kapitbisig
lumalaban sa mapagsamantala't manlulupig
habang sa isyu't problema ng masa'y nakikinig

dahil sa lockdown ay nakatunganga sa kawalan
dahil sa pagsusulat kaya pa may katinuan
pagsusulat ng dyaryo'y pinagkakaabalahan
mabuti't may kwaderno't plumang laging tangan-tangan

naroon ako sa mundong tahimik at payapa
na tila puganteng dapat nang malibing sa lupa
tila ba ako'y taong palutang-lutang sa sigwa
mabuti't nariritong may nalilikha pang tula

dapat kong balikan ang daigdig na nakagisnan
upang ipagpatuloy ang adhikain at laban
sa ngayon, ako'y kaluluwang humihinga naman
na dama'y bangkay na ang katawan at katauhan

- gregbituinjr.

Ayoko na sa ganitong sitwasyong kwarantina

ayoko na sa ganitong sitwasyong kwarantina
na animo'y bangkay na't walang kapaga-pag-asa
kaya paggupit man ng plastik ay pinatulan na
kaysa tumunganga, dama'y hungkag at walang kwenta

mabuti pang bumalik na sa pangunahing lungsod
upang sa bayan ay patuloy na makapaglingkod
ayoko sa kwarantinang bangkay kang nakatanghod
mabuting nakikibakang ako'y sugod ng sugod

mabuting nabubuhay na mayroon kang dahilan
upang mabuhay, kahit sinuong mo'y panganib man
kaysa lockdown na bangkay kang walang kalaban-laban
paano babalik sa dating mundo'y pag-isipan

bumalik o magpatiwakal, anong pipiliin?
ang ikalawa'y kabaliwang ayokong isipin
mabuti pa ang una't isang mandirigma pa rin
inaalay ang buhay sa marangal na layunin

- gregbituinjr.

Patuloy na pagsagot ng palaisipan

patuloy ang aking pagsagot ng palaisipan
na bigay lang sa akin upang may magawa naman
mga palaisipang sadya mong kagigiliwan
na bawat libreto'y dalawampu't pito ang laman

kaya ang dalawang libreto'y limampu't apat na
sa panahong may lockdown, pagsagot dito'y kaysaya
sinimulan kong sagutan noong isang araw pa
ng dalawang libretong natapos ko lang kanina

tila palaisipan ay imbensyong may adhika
lalo't tinatahi'y salita ng abang makata
na bawat bagong salita'y tinatandaang pawa
sapagkat magagamit din sa pagkatha ng tula

bata pa nang sa palaisipan na'y nahihilig
krosword na tagalog sa dyaryo'y bibilhin na't ibig
minsan may salita roong di mo pa naririnig
na pag iyong ginamit sa tula'y nakakaantig

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 28, 2020

Pananghaliang kamatis at tuyo

sadyang kaysarap kumain ng kamatis at tuyo
pagkain ng dalita, murang-murang nilalako
mabubusog na'y nakakawala pa ng siphayo
habang sa gunita'y sintang naroon sa malayo

wala mang katabi'y kasalo pa rin ang diwata
na habang kumakain ay siya ang nasa diwa
huwag sanang mahirinan habang nasa gunita
baka bundat na ang tiyan ay di pa rin halata

aba'y mabubusog kang tunay sa tuyo't kamatis
lalo't nasa kwarantina't bayan ay nagtitiis
pag kumain daw ng kumatis, kutis mo'y kikinis
pag kumain daw ng tuyo, gaganahan kang labis

halina't magsalu-salo na sa pananghalian
tuyo't kamatis ay sahugan natin ng kwentuhan
mabubusog ka na'y ramdam mo pa ang kagalakan,
anong sarap, baka ito'y mauwi sa inuman

- gregbituinjr.

Wala mang nagbabasa ng mga nalikhang tula

wala mang nagbabasa ng mga nalikhang tula
isulat lang ng isulat anumang nasa diwa
marahil ay di sa panahong ito nanunudla
ang bugso't palaso ng mga taludtod ko't tugma

doon sa ikadalawampu't limang kabanata
ng nobelang Noli ni Rizal ay sinabing pawa
ni Pilosopo Tasyo kay Ibarra, na inakda
niya'y nasa hinaharap ang makakaunawa

marahil din, natititik man sa sariling wika
ang iwing tula'y di pa rin binabasa ng madla
baka sunod na salinlahi ang magbasang sadya
lalo't ang makatang ito'y tuluyang namayapa

ang tula ko'y di na akin pag tuluyang nawala
kundi ang daigdig na ang aangkin nitong tula
kaya kung ngayon man pamanang ito'y balewala
sa ibang panahon ay baka ambag sa paglaya

- gregbituinjr.

Pasiglahin ang katawan at isipan

dapat kong tiyaking masigla ang aking katawan
at huwag hayaang patulog-tulog sa pansitan
pasiglahin, di lang kalamnan, kundi ang isipan
nang gumana ito, nakatitig man sa kawalan

bawat araw, yaring pluma'y nakatakdang lumikha
ng dalawa o tatlong tulang nahagip ng diwa
sa samutsaring kalagayan, iba't ibang paksa
ngunit nakabatay pa rin sa prinsipyo't adhika

dapat magbasa, magnilay, o tumingin sa kisame
baka makita'y butiki o sumulpot ang bwitre
pluma'y kunin, isulat ang pasaring ng salbahe
o kaya'y ang ibinulong ng katomang kumpare

kaya dapat pasiglahin ang katawan at isip
bakasakaling sa naisulat ay may masagip
na magpapatiwakal, o may balitang nahagip
na kung maisusulat ay dapat munang malirip

- gregbituinjr.

Lunes, Hulyo 27, 2020

Ang panitik ko'y pinitak

nangangapa sa dilim sa panahon ng Terror Law
sa akademya ba natuto ang mga berdugo?
sasabihing nanlaban ang pinaslang nilang tao?
kahit may saksing nagsisuko na ang mga ito?

peace and order ba'y kapayapaan at kaayusan?
na layon daw ng Terror Law at kinakailangan?
peace and order ba'y katahimikan at sumunod lang
tumango, tumalima sa kanilang patakaran

wala kang karapatang ipahayag ang damdamin
at pamahalaan ay di mo dapat tuligsain
ganyan ba'y peace and order, bayan na'y patahimikin?
at karapatang magsalita'y agad pipigilin!

kahit ako'y nasisindak man ay di pasisindak
patuloy sa pagpropaganda kahit mapahamak
na pluma'y balaraw kong sa puso't diwa'y tatarak
at ang iwi kong panitik ay magiging pinitak

- gregbituinjr.

Pabaon sa sanlinggong pagkawala

pababaunan kita ng laksa-laksang gunita
upang di malungkot sa sanlinggo mong pagkawala
saanman pumaroon, ikaw ang tanging diwata
sa panaginip man o sa buhay kong anong sigla

para sa mabuti ang seminar mong dinaluhan
na matapos iyon ay makakatulong sa bayan
magiging frontliner sa magiging trabahong iyan
upang kahit papaano, sakit ay maiwasan

mananaginip ako mamayang di ka katabi
subalit nasa panagimpan ka, O, binibini
bago matulog, tititigan ang langit sa gabi
at baka naroroon ka sa aking pagmumuni

may dalawang bituing magkayakap sa magdamag
habang inaawit ang damdamin sa nililiyag
ang tanging puso sa sinisinta'y inihahapag
uukit ang pag-ibig bago araw ay suminag

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 26, 2020

Mula 1 metro'y naging 1.5 metrong physical distancing

Mula 1 metro'y naging 1.5 metrong physical distancing

nakapagpalitrato na sa isang karatula
na physical distancing ay isang metrong distansya
ngayon naman, aba'y isa't kalahating metro na
isipin mo kaya bakit ito'y nadagdagan pa

magmula isang metro'y naging isa't kalahati
marahil ito'y isa ring pagbabakasakali
mas matindi ang ikalawa, dama'y di mawari
kalahating dagdag ba'y dahil meron pang nasawi?

tunay ngang kayraming namatay sa coronavirus
kung susuriin ang mga nailabas nang datos
anong paliwanag? ang isang metro kaya'y kapos?
dinagdag bang kalahati'y upang malubos-lubos?

isang metro, isa't kalahati, o dalawa man
ang mahalaga'y ating isinasaalang-alang
ang agwat upang sa sakit ay di magkahawaan
kaya ingat lagi, siguruhin ang kalusugan

- gregbituinjr.

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx
Nalathala sa tatlong bahagi sa tatlong isyu ng Taliba ng Maralita
Maikling salaysay ni Greg Bituin Jr.

I

May sinulat noon si Karl Marx hinggil sa teorya ng alyenasyon, o yaong pakiramdam mo’y hindi ka na tao kundi bahagi ng makina. O pagkahiwalay mo sa reyalisad bilang isang taong may dignidad at karapatan. Sinasabing ang salitang alyenasyon ay tumutukoy sa “pagkakahiwalay ng tao mula sa kanyang sarili at mula sa kanyang mga kakayahan”.

Ang sinulat ni Marx ay tumutukoy sa manggagawa, hindi pa sa katauhan ng isang tao. Pag-isipan natin at aralin ito, lalo na sa konteksto ngayong maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Marami ang pinabalik sa trabaho subalit wala namang masakyan patungong trabaho. Sa Negros, tinanggal ang mga manggagawang nagtanong lang kung sasagutin ba ng kumpanya ang kanilang ospitalisasyon sakaling sila’y magkasakit pagkat pinapasok sila ng wala man lang mass testing.

Ayon kay Marx, may apat na batayan ng alyenasyon. Ito ang (a) alyenasyon ng manggagawa; (b) alyenasyon ng manggagawa mula sa gawain sa produksyon; (c) alyenasyon ng manggagawa mula sa  kanilang esensya bilang tao o ispesye; at (d) alyenasyon ng manggagawa mula sa ibang manggagawa. 

Ipinaliwanag ni Marx kung paano, sa ilalim ng kapitalismo, mas maraming tao ang umaasa sa kanilang "lakas-paggawa" upang mabuhay. Sa kasalukuyang lipunan, kung nais ng taong kumain, dapat siyang magtrabaho at makakuha ng sahod. Kaya, kung sa pagkahiwalay ng manggagawa ay nagiging animo’y "alipin siya ng paggawa", ang manggagawa ay dobleng nakahiwalay: "una, may natatanggap siyang isang bagay sa paggawa, iyon ay nakatagpo siya ng trabaho. Masaya nga niyang sinasabi: “Sa wakas, may trabaho na ako!” Ikalawa, tumatanggap na siya ng sahod.

Ang teyoretikal na batayan ng alyenasyon sa loob ng kapitalismo'y ang manggagawa ang laging nawawalan ng kakayahang matukoy ang kanyang buhay at kapalaran kapag tinanggalan ng karapatang mag-isip ng kanilang sarili bilang direktor ng kanilang sariling mga aksyon. Naramdaman ko ito noon bilang makinista ng tatlong taon sa isang metal press department. Basta pinagawa ang trabaho, kahit di mo nauunawaan, gagawin mo. Bakit ba ang isang proseso'y lagi kong ginagawa araw-araw, habang ang iba'y ibang proseso ng iisang produkto. Lalo na sa assembly line.

Mas mauunawaan mo pa ang buhay ng isang artisano, na kanyang ginagawa ang isang produkto't kanyang ipinagbibili sa kanyang presyo. Sa kapitalismo, ang kapitalista ang bibili ng iyong lakas-paggawa, hindi sa presyo mo, kundi sa presyong itinakda nila. Kaya para kang ekstensyon ng makina. Ito'y dahil na rin sa kumpetisyon ng mga kapitalista, kung saan ay hindi saklaw ng manggagawa. Basta magtrabaho ka at suswelduhan ka.

Ang disenyo ng produkto at kung paano ito ginawa ay tinutukoy, hindi ng mga gumagawa nito (ang mga manggagawa), ni ng mga konsyumador ng produkto (ang mga mamimili), kundi ng uring kapitalistang bukod 

sa kinikilala ang mano-manong paggawa ng manggagawa, ay kinikilala rin ang intelektuwal na paggawa ng inhinyero at ng tagadisenyo nito na lumikha ng produkto upang umayon sa panlasa ng mamimili upang bilhin ang mga kalakal at serbisyo sa isang presyong magbubunga ng malaking kita o tubo.

Bukod sa mga manggagawa na walang kontrol sa disenyo-at-paggawa ng protokol, kontrolado ng kapitalista ang manu-mano at intelektwal na paggawa kapalit ng sahod, kung saan ang nakikinabang sa kongkretong produkto ay ang mga bumili, at ang kapitalistang kumita.

II

Mabuti pa raw noong panahon ng mga artisano. Gumagawa ang artisano ng produkto na gustong-gusto niyang gawin, may sining, pinagaganda, pinatitibay, upang pag ibinenta niya'y kumita ng malaki. Subalit iba na sa panahon ng kapitalismo.

Sa kapitalistang mundo, ang ating paraan ng pamumuhay ay batay sa palitan ng salapi. Kaya wala tayong ibang pagpipilian kundi ibenta ang ating lakas paggawa kapalit ng sahod.

Ayon kay Marx, dahil dito, ang manggagawa "ay hindi nakakaramdam ng kontento at hindi nasisiyahan, dahil hindi malayang malinang ang kanyang pisikal at lakas ng isip ngunit pinapatay ang kanyang katawan at nasira ang kanyang isipan. Kaya't naramdaman lamang ng manggagawa ang kanyang sarili sa labas ng kanyang trabaho, at ang kanyang trabaho ay naramdaman sa labas ng kanyang sarili". 

Dagdag pa niya, "Dahil ang paggawa ay panlabas sa manggagawa, hindi ito bahagi ng kanilang mahahalagang pagkatao. Sa panahon ng trabaho, ang manggagawa ay malungkot, hindi nasisiyahan at natutuyo ang kanilang enerhiya, ang trabaho ay "pumapatay sa kanyang katawan at nasira ang kanyang isip". Ang nilalaman, direksyon at anyo ng produksiyon ay ipinataw ng kapitalista. Ang manggagawa ay kinokontrol at sinabihan kung ano ang gagawin dahil hindi nila pagmamay-ari ang paraan ng paggawa."

Ang isipan ng tao ay dapat na malaya at may kamalayan, sa halip ito ay kinokontrol at pinamunuan ng kapitalista, "ang panlabas na katangian ng paggawa para sa manggagawa ay lilitaw sa katotohanan na hindi siya sarili ngunit ibang tao, na hindi ito pag-aari, na sa loob nito, siya ay hindi, hindi sa kanyang sarili, kundi sa iba pa. Nangangahulugan ito na hindi siya malaya at kusang makalikha alinsunod sa kanyang sariling direktiba dahil ang porma at direksyon ng paggawa ay pagmamay-ari ng ibang tao.

Ang halaga ng isang tao ay binubuo sa pagkakaroon ng pag-iisip ng mga dulo ng kanilang mga aksyon bilang mga napakahalagang ideya, na naiiba sa mga aksyon na kinakailangan upang mapagtanto ang ideyang isinubo lang sa kanila.

Maaaring tukuyin ng tao ang kanilang mga hangarin sa pamamagitan ng isang ideya ng kanilang sarili bilang "ang paksa" at isang ideya ng bagay na kanilang nalilikha, "ang bagay". Sa kabaligtaran, hindi tulad ng isang tao, hindi natutukoy ng hayop ang sarili bilang "paksa" o ang mga produkto nito bilang mga ideya, "ang bagay". Kumbaga'y hindi nila naiisip ang mangyayari sa hinaharap, o isang sadyang intensyon. Sapagkat ang Gattungswesen ng isang tao (likas na katangian ng tao) ay hindi umiiral nang nakapag-iisa ng mga tiyak na aktibidad na nakondisyon ng kasaysayan, ang mahahalagang katangian ng isang tao ay maisasakatuparan kapag ang isang indibidwal — sa kanilang naibigay na pangyayari sa kasaysayan — ay malayang ibigay ang kanilang kalooban sa mga panloob na pangangailangan na mayroon sila na ipinataw sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon at hindi ang panlabas na hinihiling na ipinataw sa mga indibidwal ng ibang tao.

Ayon pa kay Marx, anuman ang pagkatao ng kamalayan (kalooban at imahinasyon) ng isang tao, ang pagkakaroon ng lipunan ay nakondisyon ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tao at mga bagay na nagpapadali ng pamumuhay, na sa panimula ay nakasalalay sa pakikipagtulungan sa iba, sa gayon, ang kamalayan ng isang tao ay natutukoy nang magkakaugnay (sama-sama), hindi subjectively (nang paisa-isa), dahil ang mga tao ay isang hayop sa lipunan. 

Sa kurso ng kasaysayan, upang matiyak na ang mga indibidwal na lipunan ay inorganisa ang kanilang mga sarili sa mga pangkat na may iba't ibang kaugnayan sa paraan ng paggawa.

Isang uri o pangkat ang nagmamay-ari at kinokontrol ang paraan ng paggawa samantalang ang isa pang uri sa lipunan ay nagbebenta ng lakas-paggawa.

Gayundin, nagkaroon ng isang kaukulang pag-aayos ng likas na katangian ng tao (Gattungswesen) at ang sistema ng mga pagpapahalaga ng uring nagmamay-ari at ng uring manggagawa, na pinapayagan ang bawat pangkat ng mga tao na tanggapin at gumana sa nabagong katayuan ng quo ng paggawa- relasyon."

III

Itinuturing ng kapitalismo ang paggawa bilang isang komersyal na kalakal na maaaring ibenta sa kumpetisyon ng merkado ng paggawa, sa halip na bilang isang nakabubuong aktibidad na sosyo-ekonomiko na bahagi ng kolektibong pagsisikap na isinagawa para sa personal na kaligtasan at pagpapabuti ng lipunan. 

Sa isang kapitalistang ekonomiya, ang mga negosyong nagmamay-ari ng mga paraan ng paggawa ay nagtatag ng isang kumpetisyon ng pamilihan ng paggawa na nangangahulugang katasin sa manggagawa ang lakas-paggawa sa anyo ng kapital. 

Ang pagkamada ng kapitalistang ekonomiya ng mga ugnayan ng produksiyon ay nagtutulak sa panlipunang tunggalian sa pamamagitan ng pagtrato sa manggagawa laban sa manggagawa sa isang kumpetisyon para sa "mas mataas na sahod", at sa gayon ay maiiwasan ang mga ito mula sa kanilang kaparehong interes sa ekonomiya; ang epekto ay isang maling kamalayan, na kung saan ay isang anyo ng kontrol na ideolohikal na isinagawa ng kapitalistang burgesya sa pamamagitan ng pangkulturang hegemonya nito.  

Bukod dito, sa kapitalistang moda ng produksyon, ang pilosopikong sabwatan ng relihiyon sa pagbibigay-katwiran sa mga relasyon ng produksiyon ay nagpapadali sa pagsasakatuparan ng pagsasamantala at pagkatapos ay pinalala ang pagkakaiba-iba (Entfremdung) ng manggagawa mula sa kanilang katauhan; ito ay isang sosyo-ekonomikong papel ng independiyenteng relihiyon bilang “opyo sa masa”.

Sa teoryang Marxista, ang Entfremdung (pag-iiba) ay isang nakapundasyong panukala tungkol sa pag-unlad ng tao tungo sa pagkilala sa sarili. Tulad ng paggamit nina Hegel at Marx, ang pandiwang Aleman ay entäussern ("upang masira ang sarili ng sarili”) at entfremden ("upang maging hiwalay") ay nagpapahiwatig na ang salitang "alyenasyon" ay nagsasaad ng paghiwalay sa sarili: na maiiwasan mula sa mahahalagang tao likas na katangian. Samakatuwid, ang pagkahiwalay ay kakulangan sa pagpapahalaga sa sarili, ang kawalan ng kahulugan sa buhay ng isang tao, bunga ng pagiging mapilit na mamuno ng isang buhay na walang pagkakataon para sa katuparan sa sarili, nang walang pagkakataon na maging aktuwal, upang maging isang sarili.

Sa akdang The Phenomenology of Spirit (1807) ay inilarawan ni Hegel ang mga yugto sa pagbuo ng tao ng Geist ("Espiritu"), kung saan ang mga kalalakihan at kababaihan ay umusbong mula sa kamangmangan patungo sa kaalaman, ng sarili at ng mundo. Sa pagbuo ng proporsyon ng espiritu-sa-tao ni Hegel, sinabi ni Marx na ang mga posteng ito ng pagiging ideyalismo - "espiritwal na kamangmangan" at "pag-unawa sa sarili" - ay pinalitan ng mga materyal na kategorya, kung saan ang "espiritwal na kamangmangan" ay nagiging "pag-iiba" at ang "pag-unawa sa sarili" ay naging pagsasakatuparan ng tao ng kanyang Gattungswesen (species-essence).

Sa Kabanata 4 ng The Holy Family (1845), sinabi ni Marx na ang mga kapitalista at proletaryado ay pantay na magkahiwalay, ngunit ang bawat uring panlipunan ay nakakaranas ng alyenasyon sa ibang anyo.

Kahit sa panahong ito ng pandemya, nakakaranas ang mga manggagawa ng alyenasyon, na para bagang hindi sila tao kung ituring kundi ekstensyon ng makina, na kung magkasakit ang manggagawa, ay parang piyesa lang sila ng makinang basta papalitan.

Nakita natin ito sa balita doon sa lalawigan ng Negros, sa Hiltor Corporastion na isang forwarding company, nang magtanong lang ang mga manggagawa kung matutulungan ba sila ng kapitalista kung sila’y magkakasakit, agad silang tinanggal sa trabaho. Ganyan kagarapal ang iho-de-putang mga kapitalista sa kanilang manggagawang nagbigay naman ng limpak-limpak na tubo sa kumpanya.

Hangga’t patuloy ang nararanasang alyenasyon ng manggagawa sa kanilang trabaho, dapat nilang maisip na kaya nilang kontrolin ang mga makina, at gamitin nila ito upang muling kamtin ang kanilang pagkataong nawala sa kanila nang maging mga manggagawa. 

Ang teorya ng alyenasyon ni Marx ay mahalagang paalala sa ating dapat tayong magsama’t magkapitbisig bilang kolektibong nakikibaka para sa ating katauhan.

* Ang tatlong serye ng artikulong ito ay nalathala sa tatlong isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ang I ay nalathala sa Taliba isyu # 35 (Hunyo 16-30, 2020), mp. 16-17; ang II sa Taliba isyu # 36 (Hulyo 1-15, 2020), mp. 16-17; at ang III ay sa Taliba isyu # 37 (Hulyo 16-31, 2020), mp. 18-19.
Magdagdag ng caption




Sabado, Hulyo 25, 2020

Patuloy na pagsusulat para sa madla

higit apat na buwan nang nakakulong sa bahay
'stay-at-home' daw sa lockdown, ngunit di mapalagay
di dapat patulog-tulog lang at magpahingalay
kundi gawin pa rin anong dapat habang may buhay

kwarantina man ay may matatanaw pang pag-asa
ganap pa ring tibak kahit wala man sa kalsada
mabuti't may Taliba, ang pahayagang pangmasa
pinagkakaabalahan nang dukha'y may mabasa

higit apat na buwan mang naroon sa tahanan
ay gumaganap pa rin nitong iwing katungkulan
nagpopropaganda sa abot ng makakayanan
nagsusuri ng isyu't pangyayari sa lipunan

mapabatid ang layunin ng uring manggagawa
magsulat bilang kawal ng hukbong mapagpalaya
manligaw upang prinsipyo'y yakapin din ng madla
magsaliksik, magsuri, magsulat, at maglathala

sige, sulat lang ng sulat habang may naiisip,
may nasasaliksik, at mga isyu'y nasisilip,
kakathain ang nasa puso't diwa'y halukipkip
hangga't may pluma, papel, at balitang mahahagip

- gregbituinjr.

Tatlong boteng walang laman para i-ekobrik

tatlong bote ng Cobrang walang laman muna ngayon
pupunuin ng mga ginupit na plastik iyon
bubunuin ko ang gawaing iyon sa maghapon
na baka nga abutin pa ng isang linggo roon

ah, tatlong bote lang muna, kalaban ay mahina
mabuting may ginagawa kaysa nakatunganga
para sa kalikasan, at ako'y may napapala
habang nageekobrik ay naglalaro ang diwa

samutsaring paksa ang dumadaloy sa isipan
hinahabi ang mga akdang sa diwa'y naiwan
ang mga taludtod at saknong nga'y sinasalansan
pinagsasalita rin ang anino sa kawalan

nagtatapos at nagtatapos ang pageekobrik
habang sa isip, may nakatha habang nagsisiksik
sa mga bote ng pinaggupit-gupit na plastik
at pag nagpahinga, nasa diwa'y isasatitik

- gregbituinjr.

Ang maiaalay sa mundo

ANG MAIAALAY SA MUNDO iyon lang ang maiaalay ko sa mundo ang ibigay yaring buhay para sa kapwa at maitayo ang lipunang makatao at patas sa p...