Linggo, Mayo 10, 2020

Ayokong maging pabigat

Ayokong maging pabigat

Ayokong maging pabigat, ito ang aking hiyaw
Yayao akong di pabigat sa mundong ibabaw
Oo, nagsusuri akong may ibang natatanaw
Kumilos man akong may batong pasan bawat araw

O, kung wala kang pag-ibig sa kapwa kung sakali
Nakibaka ka kaya upang obrero'y magwagi?
Ginhawang asam ng uring manggagawa ang binhi
Maghandang buwagin ang sistemang mapang-aglahi

Aktibista akong may adhikaing sinimulan
Ginagampanan kong lubos ang tungkuling pinasan
Iniisip ang kapakanan ng masa't samahan
Ng uring manggagawa, ng dukha, di ng iilan

Gising ang diwa sa samutsaring isyu't problema
Pagkamulat ko'y mula sa uring obrero't masa
At nangangarap baguhin ang bulok na sistema
Bisig ko't kamaong kuyom ay tanda ng pagbaka

Ibig kong mag-ambag sa ginhawa ng kapwa tao
Gaya ng pangarap ng dakilang Katipunero
Ayokong maging pabigat, buhay ko ang ambag ko
Tatahakin ang landas ng lipunang makatao

- gregbituinjr.
05.10.2020

Happy Mother's Day! - a Tagalog poem

Happy Mother's Day, pagpupugay sa lahat ng nanay!
Anak po'y naritong nagpapasalamat ng tunay!
Pagkat kayo'y inang mahal! Mabuhay po! Mabuhay!

Pangarap po namin ay naabot dahil sa inyo
Yamang pagmamahal ninyo sa anak ay solido
Mahal po namin kayo! Kami sa inyo'y saludo!

O, inay, na nag-alaga mula sinapupunan
Tigib ang pag-aaruga sa anak nang isilang
Heto kaming tumatag para sa kinabukasan

Espesyal pong araw na ito. Happy Mother's Day po!
Ramdam itong pagpapahalagang mula sa puso
Sa inyo, pagmamahal namin ay di maglalaho!

Dahil sa inyo, matatag at may dignidad kami
At pinag-aral, pinangaralan hanggang paglaki
Yamang kayong aming magulang ang aming bayani

- Greg Jr. and Liberty
05.10.2020

Sabado, Mayo 9, 2020

Ilang tanaga sa karapatan

karapatang pantao'y
dapat nirerespeto
oo, tibak man tayo'y
nais ng pagbabago

bagong sistema'y nais
dukha'y di na magtiis
sa hirap, dusa't hapis
na dapat nang mapalis

dapat mong ipaglaban
ang bawat karapatan
huwag mong kalimutan
ang iyong kaapihan

saan nga ba papunta
ang balikong sistema
na ang dulot sa masa
ay pawang pagdurusa

dapat lang maghimagsik
bago mata'y tumirik
tatanggalin ang tinik
sa buhay na tiwarik

bawat danas ay alab
upang mitsa'y magsiklab
himagsik ay lagablab
nang sistema'y matungkab

kaya mabuting gawin
yakapin ang layunin
gawin ang simulain
tuparin ang tungkulin

kilos na, kaibigan
baguhin ang lipunan
ipagtanggol ang bayan
mula sa kaapihan

- gregbituinjr.

* tanaga - uri ng katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod

Huwag palahin ang lupa ng mga pinagpala

huwag palahin ang lupa ng mga pinagpala
baka barilin ka ng tanod ng tusong kuhila
pribadong pag-aari daw nila'y kayraming lupa
na nais mo mang linangin, may sangkaterbang hidwa

lupa ng mga pinagpala'y huwag mong palahin
tinawag silang asindero di dahil sa asin
ang titulo'y inimbento upang lupa'y maangkin
magsasakang naglinang ng lupa'y paaalisin

lupang nilinang ng magsasaka'y biglang naglaho
kahit naririyan lang, inagaw para sa tubo
at nang dahil sa kapitalismo't burgesyang luho
itinaboy ang magsasaka doon sa malayo

kung lupang inagaw ng iba'y papalahin mo man
magsasaka't manggagawa'y dapat kasama riyan
sila ang sepulturero ng
sistemang gahaman
ang lupang pinagpala'y gagawin nilang libingan

- gregbituinjr.

Balintunang kaunlaran

may nabasa akong kung anu-anong lumaganap
pag-unlad daw ngunit di ko maunawaang ganap
narating daw ng tao ang buwan, ng mahihirap
habang sa araw, dumating ang tuso't mapagpanggap

nalikha na rin ng tao ang bomba atomika
na sadyang yumanig sa Nagazaki't Hiroshima
bomba'y naglipana rin sa ilang sikat na kasa
pati sa sinehan at kabaret, kayraming bomba

saksihan kung paano nagbibigayan ang langgam
habang kape mo'y binabantuan ng maligamgam
ang panliligaw ba'y aabutin ng siyam-siyam
kung magandang dalagang bukid ang iyong inasam

iiwasan ba o lulunasan ang COVID-19?
habang wala pang makitang lunas, iwasan natin
aralin din ang lipunan at sistema'y suriin
at ang bagong hinaharap ay paghandaan na rin

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 8, 2020

Pasaring

tahimik lang ako kahit laging pinariringgan
ng kung anu-ano, tila ako'y sinisiraan
kaya maaga akong nagluluto ng agahan
sa gabi'y nasa kusina't lahat na'y huhugasan

bingi-bingihan na lang, puso'y ginagawang bato
kaysa manapak, masisira lang ang sarili mo
pabayaan na lang ang mga ugaling ganito
kahit nanggigigil gulpihin, tawanan lang ito

ayoko nang makasama ang ganyang magngangawa
sobra na kung sabihin kong mamatay siya nawa
ngatngatin ko na lang ng hinlalato ang kuhila
pakyu, pinapakyu ko na lang ang kanyang bunganga

panahon nang sa ganitong tao'y mapahiwalay
pag nakakasama siya'y di ako mapalagay
gayunpaman, tungkuling tangan ko'y di mapipilay
ipakitang ako pa rin ang pinakamahusay

- gregbituinjr.

Patuloy na page-ekobrik

nagpapatuloy pa rin ako sa page-ekobrik
anuman ang tawag basta't ginugupit ang plastik
ginagawa habang lockdown kaysa mata'y tumirik
nagbibigay ng siglang tila sa akin nagbalik

habang kwarantina pa'y marami ring nagagawa
maging malikhain lang at maraming malilikha
nag-iisip, naggugupit, ang diwa'y kumakatha
maya-maya, sa katabing kwaderno'y itatala

mga nagupit na'y ipapasok sa boteng plastik
bawat nagupit ay isisiksik nang isisiksik
hanggang tumigas na animo'y batong itinirik
na magiging upuan o mesa ng katalik

ituring mong ito'y ehersisyo sa iyong lungga
pag nangalay ang kamay, saka ka lang tumunganga
sa puting ulap at bughaw na langit tumingala
baka musa ng panitik ay dumalaw sa diwa

- gregbituinjr.

Alaala ng isang gipit

pag may sampung piso sa bulsa
bibilhin ko ba'y ensaymada?
o isang kanin sa kantina?
ito kaya'y mapapagkasya?

dalawang dekada'y nagdaan
na ganito ang karanasan
lalo't pitaka'y walang laman
natutuliro ang isipan

isang pultaym na walang-wala
kumilos para sa adhika
pagkat ang masa'y lumuluha
kailanga'y bagong simula

ganito ang yakap kong buhay
na buong pusong inaalay
ngunit dapat pa ring magsikhay
para sa marangal na pakay

- gregbituinjr.

Huwebes, Mayo 7, 2020

Kotang tula sa lockdown

Kotang tula sa lockdown

ngayong may lockdown ay tinutukan ko ang pagkatha
at plinano kong bawat araw ay may tatlong tula
karaniwan sa umaga pa lang, kota nang sadya
may hapon pa't gabi, pag sinipag, may bagong akda

ngunit kung sanaysay, gawa ko'y isa bawat araw
minsan ay wala, basta't tatlong tula'y umaapaw
dalawa, apat, lima, anim, pitong tula'y mapalitaw
na mula puso't diwa ng makata'y kaulayaw

patuloy ang pagkatha ng makatang aktibista
na karamihan ng tula'y paglilingkod sa masa
sa tula idinadaan ang sentimyento't puna
pati na adhikaing pagbabago ng sistema

may mga tula hinggil sa mumunting bagay
bata, bato, buto, buko, butil, ang naninilay
danas, dusa, hirap, lalo na't di ka mapalagay
ah, kayraming paksa't tula ang makata ng lumbay

kota kong tatlong tula bawat araw na'y gawain
minsan, lampas na sa kota, basta't ako'y sipagin
at ngayon, ito'y tila isang ganap na tungkulin
na matapos man ang kwarantina'y gagawin pa rin

- gregbituinjr.
05.07.2020

Kwento ng isang latang sardinas

noong ako'y binata pa'y tipid lagi sa gastos
anumang nasa pitaka'y tinitipid kong lubos
sa ulam nga'y nakaplano kung anong matutustos
isang latang sardinas nga'y di agad inuubos

maliit, pulang lata ng sardinas ang bibilhin
malasa't maanghang itong akin pang hahatiin
pang-almusal, pananghalian, panghapunan na rin
nakakabusog din, basta't marami ka lang kanin

sa turo-turo, tatlong kanin, kalahating ulam
sa kolehiyo pa'y nasanay nang iyan ang alam
tila ba sa tulad kong dukha'y iyan ang mainam
basta't busog ka't bayad, wala silang pakialam

natutunan ko iyon sa aking paggala-gala
nang umorder ng kalahating sardinas ang mama
at isang platong kanin sa turo-turo ng dukha
tila ba pulubing namamalimos ng kalinga

ako'y isang tibak na laging walang pamasahe
mabuti pa ang pulubing may sariling diskarte
isang latang sardinas lang, may ulam hanggang gabi
nakaraos muli ang isang araw, aking sabi 

- gregbituinjr.

Asahan mo

ASAHAN MO

asahan mo, irog
ang aking pagluhog
puso'y dinudulog
pagsinta'y kaytayog

asahan mo, sinta
nasa puso kita
laging narito ka
buhay ko't lahat na

asahan mo, giliw
sa harana'y saliw
pagsinta't aliw-iw
na di magmamaliw

asahan mo, hirang
saka'y nililinang
upang huwag lamang
poste'y binibilang

alam mo, mutya
ng buhay kong dukha
pagsinta'y panata
at tunay na sumpa

asahan mo, liyag
puso kong binihag
mo'y naging panatag
salamat sa habag

asahan mo, mahal
pagsinta mang bawal
o pagsinta'y banal
kita'y magtatagal

- gregbituinjr.

Mga dalit sa karapatan

MGA DALIT SA KARAPATAN
* Ang dalit ay katutubong pagtula na may walong pantig bawat taludtod

karapatang magpahayag
ay di dapat nilalabag
pag ito na'y tinitibag
masa'y dapat nang pumalag

karapatang magsalita
ay di dapat masawata
pag ito'y binalewala
dapat mag-alsa ng madla

karapatang magtrabaho
sana'y sapat yaong sweldo
sa lakas-paggawa'y sakto
at di lugi ang obrero

karapatan sa pabahay
sapat, disente, matibay
doon ka magpahingalay
at buuin yaring buhay

pati na ang kalusugan
ay atin ding karapatan
kung may sakit malunasan
kung gamot, bigyan o bilhan

kung walang libre, bili ka
kung mahal ang medisina
magtanong sa generika
bakasakaling may mura

karapatan sa pagkain
dalawang rason, alamin
kung may digma't sasakupin
o kalamidad sa atin

kung isa sa dal'wa'y wala
maghanapbuhay ang madla
ibenta'y lakas-paggawa
nawa'y iyong naunawa

karapatang maeduka
karapatang magprotesta
pati pag-oorganisa
at magtipon sa kalsada

marami pang karapatan
ang di ko nabanggit diyan
ngunit kung ito'y yurakan
ipagtanggol, ipaglaban

- gregbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lunsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2020, pahina 20.

Sa musa ng panitik

kaysarap titigan ng ngiti't maamo mong mukha
maganda mong mata't ngiti'y di makatkat sa diwa
inspirasyon na kita sa lahat kong ginagawa
diwata kitang sa panaginip ko'y di mawala
ikaw ang hinehele niring puso, O, diwata
musa ka ng panitik, paraluman ng pagkatha

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 6, 2020

Pananaw sa pagsasara ng ABS-CBN

tuwang-tuwa sila't natupad ang gusto ng poon
isang kapitalistang masmidya'y dinurog ngayon
tila ba tinupad nila'y isang malaking misyon
na kritiko ng poon ay tuluyang maibaon
na kung sakaling magising ay di na makabangon

higit labing-isang libong obrero'y apektado
sa panahong may COVID pa'y nawalan ng trabaho
baka di rin magtatagal ang pangyayaring ito
makikiusap ang kampong senador ng pangulo
pagbibigyan, lalakas ito pag kumandidato

baka nililigaw na tayo sa kanilang drama
pasalamat at lockdown, walang tao sa kalsada
kayraming unipormado, animo'y martial law na
subalit di mapipigil kung magpahayag ang masa
lalo't ayaw din nila ang lupit ng diktadura

babagsak din ang animal, babagsak ang animal
pagkat di habambuhay ang paghahari ng kupal
busalan man ang masmidya't masa'y di makaangal
mag-aalsa rin ang masa, di ka makakatagal
ibabagsak din ang pusakal sa tronong pedestal

- gregbituinjr.

Ulam na brocolli'y pampatibay at pampalusog

malalaking brocolli yaong dinala sa bahay
kahapon, ginayat, niluto, inulam na gulay
kaysarap ng pagkaluto, sadyang mapapadighay
at umaliwalas din ang mukhang di mapalagay

paggising sa umaga'y ito pa rin ang inulam
tila gamot na agad gumaan ang pakiramdam
nagpainit sa araw, naligo ng maligamgam
at anumang pagkabalisa'y agad na naparam

umaga'y anong rikit, dama'y di na naninimdim
mabuti pang mamitas ng mga sariwang tanim
pag tirik na ang araw ay doon ka na sa lilim
habang paruparo sa bulaklak ay sumisimsim

ulam na brocolli'y pampatibay at pampalusog
pag ganito ang ulam mo'y tiyak kang mabubusog
at sa hapon ay madaramang kaysarap matulog
na tila abot na ang pangarap mong anong tayog

- gregbituinjr.

Sumugod ang tandang sa tarangkahan ng pag-ibig

sumugod ang tandang sa tarangkahan ng pag-ibig
sinundan ang inaheng nais niyang makaniig
sa pagkurukok, tila puso'y kaylakas ng pintig
tanda ng ligayang animo'y may haing pinipig

anong rikit ng paglitaw ng araw sa silangan
nakakapanginig ang simoy ng hanging amihan
kayputi naman ng alapaap sa kalangitan
na tila sa buong araw ay may kapayapaan

habang yaong tandang ay patuloy lang sa pagpupog
at ang inahen, maya-maya lang ay mangingitlog
paano nanligaw ang tandang, pagsinta'y niluhog?
nag-alay din ba ng palay at matamis na niyog?

Balagtas: "O, pagsintang labis ng kapangyarihan"
napakalayong tinig na narinig pa ng tandang
kaya sumisintang puso'y namugad nang tuluyan
kasama ang sintang bubuo ng kinabukasan

- gregbituinjr.

Martes, Mayo 5, 2020

Itinatanim ko'y binhi

Itinatanim ko'y binhi

itinatanim ko'y binhi upang maging halaman
sa bawat araw ay palalaguin, didiligan
tulad ng gulay nang may mapitas pag kailangan
at nang may makain din ang pamilya't mamamayan

itinatanim ko'y binhi upang masa'y mamulat
na pakikipagkapwa'y pag-uugaling marapat
na kung tayo'y magpapakatao, ito na'y sapat
upang lipunang makatao'y asamin ng lahat

halina't magtanim, magandang binhi ang ihasik
binhing walang pagsasamantala ng tuso't switik
binhi upang baguhin ang sistema't maghimagsik
laban sa puno, sanga't bunga ng burgesyang lintik

itanim natin ang binhi't diwang mapagpalaya
sa kalsada't piket man, kasama'y obrero't dukha
palaguin ang pagkakaisa ng manggagawa
at lipulin din ang damo ng burgesyang kuhila

- gregbituinjr.

Pluma ko'y baklin mo man

nais kong maramdaman nilang kahit sa sulatin
na di ako nag-lie low, pagkilos ko'y tuloy pa rin
nasa kwarantina man, ginagawa ang tungkulin
komentaryo't tuligsang tula ang palipas hangin

patuloy na nakikiramdam at di humihimbing
sa problema't isyu ng masa'y nanatiling gising
diwa ng dalita'y katha, wala sa toreng garing
sa manggagawa't maralita laging nakakiling

di natutulog kahit sa karimlan itong pluma
upang magpaliwanag, tumuligsa o pumuna
lumalaban sa pang-aapi't pagsasamantala
sa akda nilalarawan ang sakripisyo't dusa

pluma ko'y bakliin mo man, patuloy sa pagsulat
pintig ng puso't daloy ng diwa'y di maaawat
magpapatuloy pa rin sa gawaing pagmumulat
wala man sa kalsada'y tangan pa rin ang panulat

- gregbituinjr.

Sa ika-202 kaarawan ni Karl Marx

SA IKA-202 KAARAWAN NI KARL MARX
(Mayo 5, 1818 - Marso 14, 1883)

mabuhay ka, Karl Marx, at ang iyong mga sinulat
na sa uring manggagawa'y sadyang nakapagmulat
di pagkapantay sa lipunan ay iyong inugat
at teorya mo't pagsusuri sa mundo'y kumalat

kasama si Engels ay nagsulat ng manipesto
at inyong sinuri ang sistemang kapitalismo
tinalakay bakit dapat mamuno ang obrero
upang panlipunang hustisya'y makamit ng husto

ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
sinuma sa isang pangungusap: dapat mapawi!
pagsasamantala'y tiyaking di na manatili
at buong uring manggagawa ang dapat magwagi

salamat, Karl Marx, sa obrang Das Kapital, mabuhay!
sa iba mo pang akdang inaaral naming tunay
sa iyong ambag upang lipunan ay maging pantay
sa kaarawan mo, taas-kamaong pagpupugay

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 4, 2020

Munting sulyap sa talambuhay

Munting sulyap sa talambuhay

tatlong taon ding naging machine operator noon
tangan ko'y makina, manggagawang regular doon
nag-resign, nag-aral, b.s. math ang kinuhang iyon
naging manunulat pangkampus ng apat na taon
di pa editor nang sumumpa't niyakap ang layon
di nagtapos, nag-pultaym, iyan ang aking kahapon

wala na sa isip ang aming pinag-aaralan
kaya nagpasya akong makibaka ng tuluyan
sa campus paper ay mababasa ang pasyang iyan
at umalis sa apat na sulok ng pamantasan
nasa isip lagi'y ang kinabukasan ng bayan
inaral ang sistema, rebolusyon at lipunan

dugo'y mainit noon laban sa pambubusabos
kumampi sa pinagsasamantalahan at kapos
pag pulong, malayo'y nilalakad, walang panustos
at tinitiis ang gutom dahil walang panggastos
aral sa matematika, pati buhay tinuos
at nilulubos ang aldyebra sa buhay kong kapos

ikinasal kaya may asawang naging kaakbay
hinarap ang sinasabing bago ko raw na buhay
habang ang prinsipyo'y tangan pa rin sa bawat lakbay
sa problema't paglutas ng problema na'y nasanay
patuloy lang gawin ang misyon ko't tungkuling taglay
kung sa pakikibaka'y nawalay, ako na'y patay

- gregbituinjr.
05.04.2020

Ang maiaalay sa mundo

ANG MAIAALAY SA MUNDO iyon lang ang maiaalay ko sa mundo ang ibigay yaring buhay para sa kapwa at maitayo ang lipunang makatao at patas sa p...