Biyernes, Oktubre 11, 2024

Paniniwala - salin ng tula ni Taghrid Abdelal

PANINIWALA
Tula ni Taghrid Abdelal
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Hindi iyon ang pangunahin,
subalit sa tuwing binubura ko iyon
nakakalimutan ko ang aking mga kamay
sa rabaw ng mga bagay
na ang pananampalataya'y
napipilitang muling lumitaw
sa aking mga kamao.

Ibang tipo ka ng paniniwala.
Na maaaring mangibabaw iyon
sa presensya ng biktima bago ako
o abutin mo ang berdugo sa aking puso.
Ang bawat kaso ng Monalisa'y
pinakikitunguhan ng may ngiti.

Hindi siya nabigo sa kanyang paghahanap.
Ang pagsubok sa kanyang pagkasawi
ay gumulang na sa paniniwala sa kanyang pag-iral.

10.11.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Madaling araw

MADALING ARAW

madaling araw ako'y nagising
mula sa malapot kong paghimbing
nang madinig kong may naglalambing
nauulanan pala si muning

para bang kumakatok sa pinto
kaya bumangon ako't tumayo
sa kisame pa'y may tumutulo
madilim pa't buwan ay naglaho

siya'y pinapasok ko na lamang
upang tumigil na ang ngiyawan
siya'y nakatulog sa basahan
at ako'y muling umidlip naman

ramdam ko pa rin ang managinip
o baka lang ako'y nag-iisip
sa araw na ito'y may nasagip
kaya may saya akong umidlip

- gregoriovbituinjr.
10.11.2024

Huwebes, Oktubre 10, 2024

Dalawa pang aklat pampanitikan ngayong Oktubre

DALAWA PANG AKLAT PAMPANITIKAN NGAYONG OKTUBRE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang ikalawang araw ng seminar, na bahagi ng limang araw na aktibidad na inilunsad ng isang grupo sa karapatang pantao, nakabili ang inyong lingkod ng dalawang aklat sa Popular Book Store sa Lungsod Quezon. Maaga kaming nakatapos kanina kaya nakahabol pa ako bago magsara ng ikalima ng hapon ang Popular Book Store. Nilakad ko lang mula sa pinagdausan ng seminar.

Inaamin ko, mahilig akong mangolekta at magbasa ng mga aklat-pampanitikan kaya laking tuwa ko nang makita ko ang mga librong iyon. Nabili ko ang nobelang "Barikada" ni Edberto M. Villegas, at "Ang Bulkan at Iba Pang Kuwento" ni Bienvenido A. Ramos. At kumuha na rin ng ilang magkakaibang isyu ng pahayagang Pinoy Weekly dahil libre lang ito. Mabuti nang may nababasang isyu ng masa na hindi basta nakikita sa mga pang-araw-araw na pahayagan.

Ang aklat na "Barikada", na nabili ko ng P100, ay may sukat na 5.5" x 8.5" at umaabot ng 160 pahina. Ito'y nobelang binubuo ng tatlumpu't dalawang kabanata. Ang awtor nito, ayon sa likod na pabalat ng aklat, ay socio-economic consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). May mga aklat na rin siyang nasulat sa Ingles tulad ng Studies in Philippine Political Economy. Siya rin ay propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila at Polytechnic University of the Philippines (PUP).

May pagpapaliwanag sa ikatlong pahina ng aklat na animo'y buod o pagpapakilala sa nobela: "Ang panahong sinasakop ng nobelang ito ay mula sa administrasyon ni Presidente Corazon Aquino hanggang sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Mahalagang ipahiwatig na ang Partido Komunista ng Pilipinas ay naglunsad na ng tinatawag na Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992 at natigil ang planong insureksyonismo sa Kamaynilaan. Kaya ang kabanata sa nobela tungkol sa paglunsad ng insureksyon sa Maynila noong panahon ni Arroyo ay bahagi lamang ng imahinasyon o ng kalayaan bilang artista ng may-akda."

Ang aklat namang "Ang Bulkan at Iba Pang Kuwento", na nabili ko sa halagang P225.00, may sukat na 5" x 7", ay katipunan ng labimpitong kuwento, at inilathala naman ng Ateneo De Manila University Press. Umaabot ito ng kabuuang 226 pahina, kung saan ang 18 rito ay naka-Roman numeral habang ang naka-Hindu Arabic numeral naman ay 208 pahina. May Introduksyon ito ni Roberto T. AƱonuevo, na pinamagatang "Kasarian, Silakbo at Kapangyarihan sa mga Kuwento ni Bienvenido A. Ramos." Kasunod nito ay ang Prologo ng may-akda. Si Ramos ay nagsimula bilang manunulat at kagawad ng magasing Liwayway at nakatanggap na rin ng mga parangal tulad ng Palanca Memorial Award for Literature at Gawad Plaridel Lifetime Achievement Award.

Ayon sa Prologo, ang akdang Pakikipagtunggali (Liwayway, Abril 24, 1956) ang siyang batayan ng patnugutan ng lingguhang Liwayway upang siya'y kunin bilang kagawad ng patnugutan nito. Subalit ang kwentong iyon ay hindi niya isinama sa aklat. Kaya ako'y nanghihinayang na hindi iyon mabasa.

Nais kong sipiin ang huling talata sa Prologo ni Bienvenido A. Ramos: "Inuulit ko, wala akong pagpapanggap na ibilang sa uring pampanitikan ang mga kathang kasama sa katipunang ito. Ang natitiyak ko, ang mga kathang ito ay siyang salamin ng ating Lipunan - ngayon man at sa darating na panahon."

DALAWANG AKLAT PAMPANITIKAN NA NAMAN

dalawang aklat pampanitikan na naman
ang maidaragdag ko sa munting aklatan
mga libro itong di basta matagpuan
sa maraming mga komersyal na bilihan

at kumbaga'y bihira ang pagkakataon
upang mabili ang mga aklat na iyon
pambili'y mula sa pamasaheng natipon
ng tulad kong pultaym na tibak hanggang ngayon

nais ko ring maging nobelista't kwentista
kaya inaaral ko ang pagsulat nila
lalo't paglalarawan ng buhay ng masa:
babae, bata, manggagawa, magsasaka

pasasalamat, Bienvenido A. Ramos
at Edberto M. Villegas, sa inyong lubos
inspirasyon na kayo sa akdang natapos
at dagdag-kaalaman sa diwa kong kapos

tula't kwento ko naman ay nalalathala
sa pahayagang Taliba ng Maralita
na diyaryo ng isang samahan ng dukha
na buhay nila'y sinasalaysay kong sadya

10.10.2024

* Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na ang makatang ito ang siyang kasalukuyang sekretaryo heneral.

Bukangliwayway - salin ng tula ni Rawan Hussin

BUKANGLIWAYWAY
Tula ni Rawan Hussin
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Pumutok ang bukangliwayway sa aming ulo.
Na ang pagtatapos ay natabas sa mga piraso.
Ang paa ng aming mga tsikiting
ay mabilis na pumihit
tungo sa himpapawid.
Isinantabi ng oras ang sarili
at ipinikit ng mga pook ang kanilang mata,
na parang musmos na nagsasabing
abuhin ang nasa likod ng kanyang talukap.
Ang mga kisame'y nagbagsakang
talon ng batuhan,
at sa ilalim ng mga batong durog
natagpuan ang huling larawang
nakasabit: isang huling pintang
naukit sa ating mga mukha.
Mag-isa tayong tatanda ngayong gabi,
maghahabi ng mga oras at susuutin ito,
lalamunin ng lagim na tumatakbong
pababa sa bibig ng ating tsikiting.
Sino ang lalapa
sa ating kinalawang na labi?

 — sa Gaza

10.10.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Miyerkules, Oktubre 9, 2024

Nakba - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

NAKBA
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Mas bata ng tatlong taon
ang aking ina kaysa Nakba.
Subalit hindi siya naniniwala 
sa mga dambuhalang kapangyarihan.
Dalawang beses bawat araw ibinabagsak
niya ang Diyos sa kanyang trono
pagkatapos ay makikipagkasundo sa kanya
sa pamamagitan ng pagninilay sa pinakamahusay
na mga naitalang salaysay mula sa Quran.
At hindi niya kayang tiisin ang mga kiming babae.
Ni minsan ay hindi niya binanggit ang Nakba.
Kung ang Nakba ay kanyang kapitbahay,
harapang sisigawan siya ng aking ina:
"Nasusuka ako sa baro sa aking likod."
At kung ang Nakba ay naging kanyang ate,
baka paglaanan siya ng tinapay, 
subalit pag talagang umangal ang kanyang kapatid 
na babae, sasabihin sa kanya ng nanay ko: “Tama na.
Binabarena mo ang utak ko. Marahil
huwag muna tayong dadalaw kahit sandali?"
At kung ang Nakba ay naging matandang kaibigan,
matitiis ng nanay ko ang kanyang katangahan
hanggang sa mamatay siya, pagkatapos ay ipiniit
siya sa isang batang larawan
sa dingding ng yumao,
isang uri ng ritwal ng paglilinis bago siya umupo
upang manood ng tinaguriang telenobelang Turko.
At kung ang Nakba ay isang matandang babaeng Hudyo
na kailangang alagaan ng aking ina tuwing Sabbath,
mapanuksong sasabihin ng nanay ko sa kanya
sa malambing na Hudyo: “Lutang ka,
may pakiramdam ka pa rin doon, hindi ba?"
At kung ang Nakba ay mas bata kaysa aking ina,
duduraan niya ito sa mukha at sasabihing:
"Itago mo ang iyong mga anak, papasukin mo 
sila sa loob, ikaw na palaboy."

— sa Haifa

10.09.2024

* Ang NAKBA sa wikang Arabiko ay catastrophe o malaking kapahamakan, na tumutukoy sa malawakang paglikas at pagkataboy sa mga Palestino sa digmaang Arabo-Israeli noong 1948.
* khubaizeh - tinapay sa Arabiko

* Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Unang kriminal, ayon sa palaisipan

UNANG KRIMINAL, AYON SA PALAISIPAN

turo mula sa Genesis noong ako'y bata pa
pinatay ni Cain si Abel na kapatid niya
kaya nang sa palaisipan tinanong talaga
Lima Pababa: Unang kriminal, si Cain pala

Adan ang sagot, Pito Pababa: Unang lalaki
si Adan na kumain ng mansanas na sinabi
ni Eva, at si Cain na pangunahing salbahe
binahaging kaalaman ng krosword na'y kayrami

tunay ngang may kabuluhan bawat palaisipan
sapagkat hinahasa nito ang ating isipan
pinasisilip nito'y samutsaring kaalaman
iba't ibang paksa, mayorya'y talasalitaan

sa umaga madalas bibilhin ko na'y diyaryo
dahil sa balita at sumagot ng krosword dito
pinakapahinga ko na matapos magtrabaho
o galing rali o may pinagnilayang totoo

- gregoriovbituinjr.
10.09.2024

* krosword mula sa pahayagang Abante, 10.07.2024, p.10

Martes, Oktubre 8, 2024

Kung paano ko pinaslang ang mga sundalo - salin ng tula ni Ahlam Bsharat

KUNG PAANO KO PINASLANG ANG MGA SUNDALO
Tula ni Ahlam Bsharat
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Mga sundalong kolonyal,
ano bang pinaggagawa nila
sa aking mga tula sa nagdaang mga taon
gayong madali ko silang paslangin
sa aking mga tula
tulad ng pagpaslang nila sa pamilya ko
labas sa tula?

Tula ang aking pagkakataon
upang ipantay ang iskor sa mga salarin,
subalit hinayaan ko silang tumanda sa labas,
at gusto kong mabatid nila ang pagkabulok
ng buhay nila't mukha nilang kumulubot,
mawala ang kanilang mga ngiti,
at isalong ang kanilang mga armas.

Kaya kung ikaw, mahal kong mambabasa, 
ay makakita ng isang sundalong
namamasyal sa aking tula,
magtiwalang hinayaan ko na siya sa kanyang kapalaran
habang iniiwan ko ang isang kriminal
sa kanyang natitira pang mga taon,
siya'y papaslangin nila.

At papaslangin siya ng kanyang mga tainga
habang nakikinig siya sa pagbigkas ko ng aking tula
sa mga pamilyang nagdadalamhati,
hindi siya basta makakaalis
sa aking aklat o sa bulwagan ng pagbabasa
habang ang mga nakaupong manonood 
ay nakatingin sa kanya.

Hindi ka maaalo,
sundalo, hindi mo magagawa,
maging sa paglabas mo
sa ginanap naming pagtula
may bagsak na balikat
at mga bulsang puno ng mga patay na bala.

Kahit ang iyong kamay
ay nanginginig dahil
sa napakaraming pagpatay,
nalilito sa mga bala,
wala kang malilikhang higit pa 
sa isang patay na tunog.

— sa Ramallah

10.08.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Lunes, Oktubre 7, 2024

Ang manunulat ng mga artikulo sa pahayagan habang naglaho na ang mga puno't walang nakikinig - salin ng tula ni Dalia Taha

ANG MANUNULAT NG MGA ARTIKULO SA PAHAYAGAN HABANG NAGLAHO NA ANG MGA PUNO'T WALANG NAKIKINIG
Tula ni Dalia Taha
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Sa loob ng ilang araw lumuha si lolo.
Sa huli inamin niyang nag-iisa na siya,
na animo'y wala siyang pitong anak na lalaki
na nagbigay sa kanya ng dalawampu't limang apo.

Ang aking lolang nasa tahanan,
isang tiklis ng igos ang sa pagitan ng kanyang mga paa,
ay nananaginip habang maingat na nagbabalat
at pinapakain sila sa lolo kong para niyang anak.
Ito ngayon ang anyo ng kanilang halikan: 
ang mga daliri ni lola ay nasa labi ni lolo.

Sa kanilang paligid, ang lahat ay alaala ng pagkalimot.
Walang alikabok sa tahanang ito
natatakpan ng kanilang kalamnan ang lahat
kahit ang mga unan.

Tinigilan na nilang matulog sa tahanan ng iba.
Sila'y mga nananahan sa kanilang sariling katawan 
at ang kanilang tahanan
ay gumuho sa ibabaw nila habang ang kanilang 
kalamnan ay tumubo sa kanilang kalamnan.

Sa parehong tiklis
sa ilalim ng magagandang bunga
nakahanap ang aking lola ng maliliit na puso
na iyon ay sa amin, dalawampu't limang apo niya
ang nakakalat sa daigdig na ito,
na hindi marunong magmahal.

Isasaalang-alang niya ang mga ito tulad ng 
pagsasaalang-alang niya sa lahat ng igos
ang mga nahinog na
at ang mga walang gagawing anuman
maliban sa paggawa ng palaman.
Ang malamig na palaman sa palamigan
ang aming mga bangkay
at ito na lang ang kanilang kinakain
mula nang mawalan sila ng ngipin.

— sa Ramallah

10.07.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian Peoplet

Mangingisda na nawala o mangingisdang nawala? Natagpuan na buhay o natagpuang buhay?

MANGINGISDA NA NAWALA O MANGINGISDANG NAWALA?
NATAGPUAN NA BUHAY O NATAGPUANG BUHAY?

para bang kompyuter o kaya'y google ang nagsalin
kaya di mahusay ang gramatika pag suriin
parang di Pinoy kundi barok yaong tagasalin
sa aking puna, hingi ko'y pasensya, paumanhin

"mangingisda na nawala" ang sabi sa balita
mukhang artificial inteligence ang nagsalita
kung totoong Pinoy, tiyak "mangingisdang nawala"
o kaya sasabihin ay "nawalang mangingisda"

"natagpuan na buhay" o "natagpuang buhay" ba?
dalawang pariralang di na-edit, di nakita?
ang ganito'y sinalin ng google o A.I., di ba?
parang Kastilaloy o barok pag ating binasa

halatang pinasalin lang sa kompyuter ang Ingles
ngunit di pa kabisado ng A.I. kaya mintis
kumbaga salita sa salita, di pa makinis
ang pangungusap, kahit teknolohiya'y kaybilis

kaya masasabi mong bano pa rin iyang A.I.
na sa balarilang Filipino'y di pa mahusay
ngunit hintay, sa ating pagpuna'y maghinay-hinay
baka balang araw, balarila'y batid nang tunay

sa panahong iyon, baka di na natin malaman
kung nagsalin ba'y Pinoy, A.I. o kaya'y dayuhan
tulad sa Terminator, robot na'y ating kalaban
at ang A.I., sa mundo na'y maghahari-harian

- gregoriovbituinjr.
10.07.2024

* ulat at litrato mula sa download sa pesbuk, 09.21.2024

Linggo, Oktubre 6, 2024

Apat na aklat sa unang linggo ng Oktubre

APAT NA AKLAT SA UNANG LINGGO NG OKTUBRE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa unang linggo pa lang ngayong Oktubre 2024 ay nagkaroon na agad ako ng apat na aklat, mga collector's item at pandagdag sa aking aklatan. Tatlo rito ang pampanitikan at isang pang-ideyolohiya.

Oktubre 2. Ang una'y handog ni misis sa akin upang mas mapaunlad ko pa ang aking pagsusulat. Iniregalo niya sa aking kaarawan ang aklat na On Writing ng batikang manunulat na si Stephen King. Una kong nabasa si Stephen King dalawang dekada na ang nakararaan - sa kanyang nobelang Pet Sematari. Maganda ang paglalarawan, kaya ninais ko ring maging kwentista balang araw, at ngayon nga ay nagsusulat ako ng maikling kwento sa pahayagang Taliba ng Maralita.

Oktubre 4. Ang ikalawa at ikatlong aklat ay mula sa dinaluhan kong General Assembly ng Green Convergence sa Environmental Science Institute (ESI) ng Miriam College. Habang nagbobotohan para sa apat na kataong dagdag sa pito kataong Executive Committee ng Green Convergence, nagpa-raffle ng mga painting at mga aklat. Ito'y mula kay Dra. Nina Galang na dating pangulo ng Green Convergence at retiradong guro sa Miriam College. Nang sinabi ang nabunot na numerong disinuwebe ay pangalan ko na pala iyon. Ang nakuha ko ay ang aklat na War and Peace, na nobela ng Rusong si Leo Tolstoy, at ang aklat na The Worldly Philosphers, The Great Economic Thinkers. Nakatala pa sa unahan ng aklat ang mga pangalan ng mga sikat na palaisip na sina Malthus, Thorstein Veblen, Karl Marx, David Ricardo, Maynard Keynes, at Adam Smith. Pang-ekonomya at pampulitika, na matapos ang asembliya ay agad akong humabol at nagtungo sa pagkilos ng mga kasama sa Comelec upang suportahan ang kandidatura nina Ka Leody De Guzman at Atty. Luke Espiritu sa pagka-Senador sa Halalan 2025.

Oktubre 5. Nakaanunsyo sa fb page ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) na may book launching ng aklat na Pauwi sa Wala ni Jim Libiran sa ikaanim ng gabi. Hapon pa lang ay naroon na ako sa Gateway sa libreng pelikulang Breaking the Cycle hinggil sa pulitika sa Thailand, na ginanap mula alauna hanggang ikalima ng hapon, handog ng grupong Dakila, at bilang bahagi ng Active Vista Human Rights Festival. Matapos ang pelikula ay may question and answer pa sa mga piling tagapagsalita, at mga nanood. Matapos iyon ay nagtungo na ako sa Street Kohi sa Daang Mayaman upang bumili ng aklat. Nabili ko ang librong Pauwi sa Wala ni Jim Libiran, nakapagpapirma ng aklat at nakapagpa-selfie rin sa awtor.

Iyan ang apat na libro ko ngayong unang Linggo ng Oktubre. Tanging ang Pauwi sa Wala ang aking ginastusan. Tunay na mahalaga para sa akin ang apat na aklat. Makabuluhang linggo ng Oktubre! Panahon naman ng pagbabasa!

apat na librong makabuluhan
ang tatlo rito'y pampanitikan
isa'y pang-ekonomya't lipunan
na pag binasa'y pag-iisipan

daghang salamat sa mga libro
sikat pa ang mga awtor nito
sadyang dagdag kaalaman ito
sa tibak at makatang tulad ko

mga librong kaygandang basahin
lalo't pagsulat ko'y sasanayin
matalinghagang tula'y isipin
akdang pang-ekonomya'y liripin

ako'y isang makatang lagalag
na nagnanais makapag-ambag
ng sulatin baka pumanatag
ang loob at bansang may bagabag

10.06.2024

Kamay ng Digmaan - salin ng tula ni Hosam Maarouf

KAMAY NG DIGMAAN
Tula ni Hosam Maarouf
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Tangan natin ang kamay ng digmaan,
hindi upang humakbang iyon kasama natin,
subalit iyon ang kamatayan,
bagamat makupad, inaakit natin ito.

Tangan natin ang kamay ng digmaan,
kumbinsidong ito na ang huling panahong
kumakaway sa atin ang malaking kapahamakan
lalo't walang saysay na dingding ang lansangan,

at hinahagilap ng bansa
ang isang litrato
ng kolektibong kalungkutan.

10.06.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Sabado, Oktubre 5, 2024

Sa paglulunsad ng librong "Pauwi sa Wala" ni Jim Libiran

SA PAGLULUNSAD NG LIBRONG "PAUWI SA WALA" NI JIM LIBIRAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Alauna ng hapon ng Oktubre 5, 2024, Sabado naroon na ako sa sinehan sa Gateway sa Cubao, Lungsod Quezon, upang manood ng Breaking the Cycle na handog ng Active Vista Human Rights Festival. Ang pelikula'y hinggil sa halalan at pulitika sa Thailand. Matapos ang panonood ng pelikula ay may question and answer portion pa.

Habang naroon ako'y nakita ko sa fb page ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) na book launching ng aklat ng isang kamakata, ikaanim ng gabi. Doon ay nagpasya akong puntahan iyon. Isang oras pa bago ko madaluhan ang nasabing paglulunsad ng aklat. Pasado ikalima ng hapon nang umalis na ako sa Gateway.

Ikaanim ng gabi, naroon na ako sa book launching ng librong Pauwi sa Wala, Paglalakad mula 1984 hanggang 2024, Mga Tula ni Jim Libiran at Mga Guhit ni Pinggot Zulueta. Umaabot ng 136 pahina. Nakipag-selfie na rin sa awtor. Naganap iyon sa Street Kohi sa Daang Mayaman sa Lungsod Quezon, malapit sa Daang Maginhawa.

Dalawa palang aklat ang ilulunsad sa araw na iyon. Ang una nga'y ang Pauwi sa Wala ni Jim Libiran. At ang isa pa'y ang Landas sa Ilang ni Ronald AraƱa Atilano. Ang nabili ko lang ay ang aklat ni Jim Libiran sa halagang P320, dahil limandaang piso na lang ang nasa pitaka ko, at inilaan ko na iyon sa aklat na Pauwi sa Wala. 

Nais ko ring bilhin ang kay Atilano at makapagpa-otograp sa awtor subalit wala na akong pambili. Sayang na pagkakataong nakapagpapirma sana sa kanya ng libro bago siya bumalik ng Australia. Ang halaga naman ng kanyang aklat ay P395. Kung nabili ko ang dalawa, gagastos ako ng P715.

Tingni ang pamagat ng dalawang aklat. Pauwi sa Wala at Landas sa Ilang. Aba'y sa pamagat pa lang, para nang pinagtiyap. Pauwi ba sa wala ang landas sa ilang? Ang nilalandas mo bang ilang ay mauuwi sa wala? O wala kang nilalandas kaya naiilang ka sa pag-uwi?

Para sa mga pultaym na tibak na halos walang alawans at nagsusulat din ng mga tula, malaking bagay na rin na nakabili ako ng aklat ni Jim Libiran. Ang nalalabi kong alawans na P500 ay may kinapuntahang makabuluhan dahil nakasuporta ako sa kapwa manunulat at makata. Bale ito ang pang-apat na aklat ko ngayong Oktubre 2024.

Ang unang aklat ay sa kaarawan ko nitong Oktubre 2, kung saan iniregalo sa akin ni misis ang aklat na On Writing ng kilalang awtor na si Stephen King. Nitong Oktubre 4 naman, sa General Assembly ng Green Convergence ay nagpa-raffle ng libro, at ang nakuha ko'y ang War and Peace ni Leo Tolstoy at ang aklat na The Worldly Philosophers na pinamigay ni Dra. Nina Galang na dating pangulo ng Green Convergence at mula sa Environmental Studies Institute (ESI) ng Miriam College. At ang pang-apat nga'y ang Pauwi sa Wala.

Ikapito ng gabi ay nagpasya na akong umalis sa Street Kohi upang umuwi, bagamat may programa pa at maraming inumin. Ang paalam ko lang kasi kay misis ay manonood sa Gateway ng Breaking the Cycle at matapos iyon ay uuwi na. Subalit dahil nga lunsad-aklat iyon ay agad kong pinuntahan. Bandang ikawalo na ng gabi nang makauwi na ako sa bahay.

aba'y mabuti na lang at agad kong natuklasan
ang aklat na Pauwi sa Wala ni Jim Libiran
matapos manood ng pelikula mula Thailand
ay nagpasyang agad magtungo sa aklat-lunsaran

ngunit dalawa pala ang inilunsad na libro
subalit kulang na ang pera, ang isa pa'y ito:
Landas sa Ilang ni Ronald AraƱa Atilano
na kung nabili ko lang sana'y napapirmahan ko

Pauwi sa Wala, Landas sa Ilang; sa pamagat
pa lang, ang dalawang aklat na'y parang pinagtiyap
tingin ko nga, ito'y aklat ng danas at pangarap
upang pagnilayan ang lipunan ng dukha't salat

gayunman, salamat, may iba pang pagkakataon
upang mabili ang di ko nabiling librong iyon
babasahin ko muna ang mga aklat ko ngayon
matapos ang trabaho't magpapahinga paglaon

sa bawat awtor, taospuso kong pasasalamat
dahil may panibago akong babasahing aklat
nang mapahusay pa ang pagsusuri ko't pagsulat
upang bayan sa lipunang makatao'y mamulat

10.05.2024

Tangina sa mapanlinlang n'yong lektura, namamatay na ang aming mamamayan - tula ni Noor Hindi

TANGINA SA MAPANLINLANG N'YONG LEKTURA,
NAMAMATAY NA ANG AMING MAMAMAYAN
Tula ni Noor Hindi
(Salin ng tulang Palestino)
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nagsusulat hinggil sa mga bulaklak ang mga kolonyador.
Kinukwento ko sa inyo ang tungkol sa mga batang nambabato ng mga tangke ng Israel ilang segundo bago sila maging kampupot.
Nais kong maging katulad ng mga makatang nagmamalasakit sa buwan.
Hindi nakikita ng mga Palestino ang buwan mula sa mga selda ng piitan at mga bilangguan.
Ay, napakaganda ng buwan.
Napakaganda nila, ang mga bulaklak.
Pumipitas ako ng mga bulaklak alay sa namatay kong ama pag ako'y nalulungkot.
Buong araw siyang nanonood ng Al Jazeera.
Sana'y tigilan na ni Jessica ang pagte-text sa akin ng Maligayang Ramadan.
Alam kong Amerikano ako dahil pag ako'y pumasok sa isang silid, may namamatay.
Ang talinghaga hinggil sa kamatayan para sa mga makatang naninilay na naiingayan ang mga multo.
Pag ako'y namatay, ipinangangako kong dadalawin kita palagi.
Darating ang araw na isusulat ko ang tungkol sa mga bulaklak na animo'y ating angkin.

10.05.2024

Pinaghalawan ng tula mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Biyernes, Oktubre 4, 2024

Ang puno ng Carob - salin ng tula ni Tariq Alarabi

ANG PUNO NG CAROB
Tula ni Tariq Alarabi
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nais kitang kausapin. Kaytagal na 
noong may kumausap sa akin, walang sinuman sa paligid
nang sinabi sa akin ang mga bagay na sinasabi ko sa iyo
habang ako'y naglalakad ng tulog.
Halimbawa, kahapon ng 3n.u. ay nagpaulan ang mga sundalo
ng mga bombang tirgas, sampung manggagawa
ang nagsisiksikan sa isang walk-in refrigerator 
para sa mga produkto.
At ang gas, parang krudong tumapon sa dagat,
isang sunog sa gubat ang pumailanlang sa ere.

Nabunot ang puno ng carob.
Hindi ko pa alam kung anong kagaya mo
pag nilagnat ka.
Mura ang kamatis ngayong panahon
at malungkot ang mga magsasaka.
Tinipon ko ang mga magagandang kamatis para sa iyo.
Sa mga bagay na ginagawa ko pagkagising
Sinusuri ko ang panahon.
Kayrami ng mga entusyastiko ng klima sa Palestine, 
tulad ng mga tagasunod ng mga produkto 
ng kutis sa Instagram.

At isa pa, bagamat dito'y wala ka pa:
nais mo ba ng talong?

10.04.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Huwebes, Oktubre 3, 2024

Sapat na sa akin - tula ni Fadwa Tuqan (makatang Palestino)

SAPAT NA SA AKIN
Tula ni Fadwa Tuqan
(Salin ng tulang Palestino)
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Sapat na sa aking mamatay sa kanyang lupa
mailibing sa kanya
upang malusaw at maglaho sa kanyang lupa
pagkatapos ay sisibol na animo'y bulaklak
na nilalaro ng isang paslit mula sa aking bansa.

Sapat na sa akin ang manatili
sa pagkayapos ng aking bansa
na nasa kanyang sinapupupunan
bilang isang dakot ng alikabok
isang suwi ng damo
isang bulaklak.

10.03.2024

Pinaghalawan ng tula at litrato mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Jigsaw puzzle sa selpon

JIGSAW PUZZLE SA SELPON

mahilig sa jigsaw puzzle simula't sapul
bata pa ako'y bumibili na sa bookstore
ng jigsaw puzzle na lalaruin sa iskul
o sa bahay, doon oras ay ginugugol

lumipas ang dalawa o tatlong dekada
jigsaw puzzle sa selpon ay aking nakita
bukod sa Sudoku, Word Connect, at iba pa
jigsaw puzzle ay agad dinawnlod talaga

matapos ang pagtatrabaho ko maghapon
bilang pahinga'y lalaruin na sa selpon
ang jigsaw puzzle na katulad pa rin noon
di na gumagastos upang laruin iyon

noon, kasama kong maglaro ang kapatid
ngayon, mag-isa kong nilalaro sa gilid
gayunman, salamat, may saya itong hatid
upang sa anumang bisyo'y di rin mabulid

- gregoriovbituinjr.
10.03.2024

Miyerkules, Oktubre 2, 2024

Librong On Writing ni Stephen King, pa-bertdey ni misis

LIBRONG ON WRITING NI STEPHEN KING, PA-BERTDEY NI MISIS

ang regalo ni misis sa akin
ang pangarap kong librong On Writing 
ng nobelistang si Stephen King
upang pagsulat ko'y paghusayin

kaytagal ko iyong hinagilap
sa maraming tindahan ng aklat
subalit lagi nang walang stock
sa online lang ni misis nahanap

nagbabakasakaling matuto
at mapaunlad ang pagkukwento
lalo't ngayon aking napagtanto
maging nobelista'y pangarap ko

buti't nagkaroon nitong aklat
na sa akin makapagmumulat
upang sa pagsulat pa'y umunlad
upang humusay sa paglalahad

- gregoriovbituinjr.
10.02.2024

Pitong Southeast Asian Short Films sa UP Film Institute

PITONG SOUTHEAST ASIAN SHORT FILMS SA UP FILM INSTITUTE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Walang nadaluhang rali ngayong kaarawan ko. Kaya nagtungo na lang ako sa UP Film Institute upang manood ng Southeast Asian Short Films na handog ng Active Vista Human Rights Film Festival. Naroon din si kasamang Gani Abunda ng Institute for International Dialogue (IID). Bale pitong short film ang napanood namin sa loob ng dalawang oras, plus panayam sa mga direktor.

May ibinigay na screening ticket at pamphlet hinggil sa 12th Active Vista Human Rights Festival. At doon ko nabasa ang pitong maiikling pelikulang aming pinanood. Tatlo ang ginawa ng mga Pinoy, at tig-isa mula sa Myanmar, Thailand, Malaysia at Indonesia. Nais ko itong isa-isahin:

1. Bersama Membangun Negeri (Always Until Victory)
by Deo Mahameru (Indonesia)
- isang babaeng pulitiko ang nagpapagawa ng bidyo para sa kanyang kampanya, at nais niyang paluhain ang isang biyuda, subalit hindi makuha ng biyuda ang nais na pagluha ng pulitiko, maraming nag-aplay upang umiyak subalit hindi nakuha. Sa kalaunan, nagalit sa pulitiko ang biyuda at sinapok ito. Doon na natapos ang kwento. Mukhang hindi naman mananalo ang babaeng pulitiko dahil sa kanyang kagagawan.

2. Garek 
by Cech Adrea (Malaysia)
 - may babaeng naanakan at walang ama ang nakitang bagong gising, pinag-uusapan siya ng mga naroon, habang may isa pang batang babaeng ipapakasal nila sa iba dahil usapan ng mga magulang

3. Pomi Pothoe
by Chaweng Chaiyawan (Thailand)
- parang may seremonyas dito, na parang aswang, dahil ipinapakita ang isang lalaking payat na nagsasayaw sa kagubatan, habang may kalalakihan namang may riple ang gumagalugad sa kagubatan, may eksena pa ng taggutom ang mga taong nais lumikas

4. Guilt
by Na Gyi (Myanmar)
- may bilanggong tinotortyur habang may babaeng aktibistang tumakas ng bansa matapos ang kudeta ng Pebrero 2021, inihatid ng isang lalaki ang dalagang tibak upang makasakay ng awto paalis sa bansa. Pinakita rin ang interogasyon sa isang bilanggong putok ang kaliwang mata

5. The night is drunk when we suffer
by RS Magtaas (Pilipinas)
- ipinakitang lasing ang isang nanay kung saan buong gabi siyang nagtatatalak dahil sa kanyang mga naranasang pagdurusa tulad ng pag-iwan sa kanya ng kanyang asawa, mag pagkamakata ang tagapagsalaysay dahil sa kanyang mga talinghaga at paglalaro ng mga salita

6. Tingog sa Carbohanon
by Lance Christian Gabriel (Pilipinas)
- kwento ito ng mga manininda sa lugar ng Carbon sa Cebu, na sa kalaunan ay dinemolis upang pagtayuan ng malaking mall

7. Hito
by Stephen Lopez (Philippines)
- may pagka-sureyal o hindi makatotohanan ang pagkakasalaysay sa kwento, dahil kinakausap ng hito ang isang batang babae, pinakita rito ang panahon ng batas militar

Matapos ang mga palabas ay nagkaroon ng tatlumpung minutong question and answer, kung saan ang naroong mga tagapagsalita ay sina Gani Abunda ng IID, direktor Lance Gabriel, at direktor Stephen Lopez. Di na ako nakapag-notes ng kanilang mga sinabi, lalo na't ang mga nagtanong ay pawang mga kabataan.

Bagamat marami na rin akong naisulat na maikling kwento, na nalalathala sa blog at sa pahayagang Taliba ng Maralita, ito ang hindi ko pa nagagawa, ang paglikha ng maikling pelikula. Dahil sa tulad kong aktibistang pultaym, mahal magsagawa ng ganitong mga pelikula, kahit maiikli lang. Subalit nais ko ring subukan. Lalo na't ang paksa ay hinggil sa karapatang pantao, paghahanap ng panlipunang hustisya, usaping manggagawa at maralita, at pagbabago ng bulok na sistema.

nanood ako ng pitong pelikulang Asyano
mula sa Timog Silangang Asya
ito ang aking aktibidad sa kaarawan ko
isyung karapatan at hustisya

ninais ko'y isang makabuluhang pagdiriwang
kaysa tumagay sa kaarawan
lalo na't uhaw sa katarungan ang lupang tigang
mabuting batid ang kasaysayan

sa kawalang hustisya ba'y basta lang di iimik
ano nga bang iyong nalilirip
pag ang isang bansa sa inhustisya'y tumitirik
hustisya ba'y isang panaginip

mga pelikulang nasabi'y aking napanood
dahil walang magawa sa bahay
ngunit mga isyung sa puso't diwa ko'y umanod
na hanggang ngayon pa'y naninilay

10.02.2024

Nais namin ng mas maayos na kamatayan - tula ni Mosab Abu Toha (makatang Palestino)

NAIS NAMIN NG MAS MAAYOS NA KAMATAYAN
Tula ni Mosab Abu Toha
(Salin ng tulang Palestino)
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nais namin ng mas maayos na kamatayan.
Pinapangit at pinilipit ang aming katawan
ng burda ng mga punglo at granadang nagputukan.
Mali ang bigkas ng aming pangalan
sa radyo at telebisyon
Ang aming larawang nakadikit sa dingding 
ng aming gusali ay kumupas na't namutla.
Nawala ang mga nakaukit na tala sa aming lapida,
na natatakpan ng dumi ng mga ibon at bayabag.
Walang nagdidilig sa mga punong nagbibigay 
ng lilim sa aming libingan.
Ang nagliliyab na araw ay nagapi 
ng aming naaagnas na katawan.

10.01.2024

Pinaghalawan ng tula mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Martes, Oktubre 1, 2024

Kung dapat akong mamatay - tula ni Refaat Alareer (makatang Palestino)

KUNG DAPAT AKONG MAMATAY
TULA NI REFAAT ALAREER
(Salin ng tulang Palestino)
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Kung dapat akong mamatay,
dapat kang mabuhay
upang isalaysay ang aking kwento
upang ibenta ang mga gamit ko
upang bumili ng isang pirasong tela
at ilang mga pulseras,
(gawin itong puting may mahabang buntot)
upang ang isang musmos, saanmang lugar sa Gaza
habang mata'y nakatitig sa langit
nag-aabang sa kanyang amang umalis nang naglalagablab—
nang hindi nagpaalam kahit kanino
hindi man lang sa laman ng kanyang laman
o maging sa kanyang sarili—
nakikita ang saranggola, ang saranggolang
ginawa mo, na lumilipad sa itaas
at saglit na naisip na mayroong anghel doon
na bumabalik nang may pag-ibig
Kung dapat akong mamatay
hayaang dalhin nito'y pag-asa
hayaang ito'y maging kwento 

10.01.2024

Pinaghalawan ng tula mula sa kawing na: 
https://inthesetimes.com/article/refaat-alareer-israeli-occupation-palestine
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Ang maiaalay sa mundo

ANG MAIAALAY SA MUNDO iyon lang ang maiaalay ko sa mundo ang ibigay yaring buhay para sa kapwa at maitayo ang lipunang makatao at patas sa p...