Martes, Enero 16, 2024

SIBI at LAOG

SIBI AT LAOG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bigyang pansin natin ang dalawang salitang bago sa ating pandinig, na marahil ay ginagamit na salita sa lalawigan.  Ito ang SIBI at ang LAOG.

Sa ikatlong Krosword sa pahayagang Abante, Enero 15, 2024, pahina 7, ay nakita natin ang SIBI na siyang lumabas na sagot sa 28: Pababa na ang tanong ay BALKON.

Sa Diwang Switik naman na palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, Enero 16, 2024, pahina 7, ay nakita natin kung ano ang LAOG. Iyon kasi ang lumabas na sagot sa 12: Pababa na ang tanong ay LAYAS.

Ang kahulugan ng SIBI, mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino (DFF), na inedit ni Ofelia De Guzman, ay: habong na nakakabit sa gilid ng bahay, balkon, balkonahe. 

Sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF) naman, pahina 1131, ang SIBI ay salitang arkitektura na nangangahulugang 1: nakahilig na silungan. karaniwang nakakabit sa dingding ng isang bahay o nakadugtong sa bubong (na ang iba pang salita ay: awning, balawbaw, gabay, medyaagwa, palantikan, panambil, sibay, suganib, suyab, suyak); 2. dagdag na bahagi sa tunay na bahay. Kumbaga, ito'y espasyo itong naging ekstensyon ng bahay. May tuldik ito sa unang pantig kaya ang diin ay sa SI, kaya mabagal ang bigkas. Walang impit sa ikalawang pantig.

Ang iba pang entri na SIBI ay malayo na sa kahulugang balkon, kundi ngiwi, at ayos ng bibig na tila nagpipigil umiyak.

Nabanggit lang ang balkon sa DFF ngunit hindi sa UPDF. Wala namang LAOG sa DFF.

Sa UPDF, pahina 677, may tatlong entri ang LAOG. Ang una'y may tuldik sa unang pantig habang ang ikalawa't ikatlo ay sa ikalawang pantig ang tuldik. Ibig sabihin, dahil may tuldik, magkaiba ng bigkas ang una, kaysa ikalawa't ikatlo. Tunghayan natin ang kahulugan ng LAOG.

láog (pangngalan, salitang Heograpiya, Sinaunang Tagalog): maliit na lawa

laóg (pangngalan, salitang Bikol): loob

laóg (pang-uri) 1: mailap o ilahas, karaniwang patungkol sa pusa; 2: (salitang Meranaw at Tagalog) pagala-gala upang maghanap ng pagkain o makipagsapalaran.

Ang ikatlo ang nangangahulugang LAYAS. Dahil nasa pangalawang pantig ang tuldik, mabilis ang bigkas. Ang diin ay nasa OG.

Mga lumang salita o salitang lalawiganin ang SIBI at LAOG. Para sa akin, mahalaga ang mga salitang ito na nakakasalubong ko lang sa mga palaisipan at hindi sa aktwal na usapan. 

Mahalaga ang mga salitang ito hindi lang upang masagutan natin ang palaisipan o krosword, kundi baka balang araw ay gamitin natin ang mga ito sa pagkatha ng maikling kwento, ng tula, pagsulat ng sanaysay, o kaya'y naghahanap tayo ng mas tapat na salin ng isang salita.

Sinubukan kong gawan ng tula ang dalawang salitang ito:

1

SIBI

anong silbing mabatid ang sibi?
ngayon ba'y mayroon itong silbi?
doon kaya'y anong sinusubi?
may tinago ba doon kagabi?

minsan nga, sa bahay ay may balkon
madalas nagpapahinga roon
nakaupo, utak ay limayon
diwa'y kung saan napaparoon

minsan din, sa balkon ang huntahan
kapag may bisita sa tahanan
kapag dumalaw ang kaibigan
at marami pang napag-usapan

kaya iyan ang silbi ng sibi
ang maghuntahan sa balkonahe
o pahingahan sa hatinggabi
nasa diwa'y anu-anong siste


LAOG

ang mga laog ang mga layas
na di mo alam ang nilalandas
ang laog kaya'y makaiiwas
pag nakasalubong niya'y ahas

sila ba'y makalumang lagalag
Samwel Bilibit, di mapanatag
lakad ng lakad, nababagabag
ngunit wala namang nilalabag

o naghahanap ng makakain
nang pamilya nila'y di gutumin...
tinulak ng tadhana sa bangin?
silang mga kapit sa patalim?

sila ba'y mga manhik-manaog
sa ibang bahay upang mabusog?
kailan ba sila mauuntog
upang pangarapin ang kaytayog?

01.16.2024

Ang wastong gamit ng gitling sa panlaping ika

ANG WASTONG GAMIT NG GITLING SA PANLAPING IKA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba ginagamit ang gitling sa panlaping ika? Sa pagkakaalam ko, ginagamitan ng gitling ang ika pag ang kasunod na salita ay numero. 

Ang ika ay panlapi, kaya ikinakabit ito sa salitang-ugat. Kaya bakit lalagyan ng gitling kung naging salita na ang pagkakabitan ng ika? Halimbawa, ikaapat, ikalima, ikaanim. Pag numero na sila, lalagyan na ng gitling, ika-4, ika-5, ika-6.

Nakita ko na naman ang ganitong pagkakamali sa palaisipan sa isang pahayagan ngayong Enero 16, 2024. Sa unang larawan ay makikita sa 4: Pahalang ang Ika-apat na buwan. Dapat ay Ikaapat na buwan. 

Sa aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata VI, Ang Palagitlingan, pahina 58, ay ganito ang nakasulat (tingnan din ang ikalawang larawan):

(m) kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod na hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero, figure). Gaya ng:

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4; kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng: 

ikawalong oras; ikasampu't kalahati; ikalabing-isa
ikadalawampu't walo ng Pebrero; ikalabintatlo ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawa

Sa tungkulin namang pandiwa, ang ika, na nangangahulugan ng maging sanhi, kadahilanan, o bagay na ikinagagawa o ipinangyayari ng sinasabi ng salitang-ugat, ay ikinakabit na rin nang tuluyan o walang gitling, yamang wala nang iba pang anyong sukat pagkamalan. Gaya ng:

ikamatay, ikakilala, ikalungkot, ikaunlad, ikagiginhawa

Kahit naman hindi natin tingnan ang alituntunin sa Balarila ni L.K.Santos, pag alam nating panlapi, ikinakabit natin ito sa salitang-ugat nang hindi nilalagyan ng gitling. Halimbawa, magutom, nagtampo, paglathala, mangahas, makibaka.

Maraming panlapi, hindi lang ika. Nariyan ang ma-, mang-, mag-, na, nang-, nag-, pa-, pang-, pag, at iba pa. Subalit kailan ito lalagyan ng gitling? Walang gitling sa mga salitang-ugat, maliban kung depende sa buka ng bibig, lalo na kung kasunod ng panlaping may katinig sa dulo ang salitang-ugat na nagsisimula sa patinig. Ang mayari ay iba sa may-ari. Ang pangahas ay iba sa pang-ahas. Ang nangalay ay iba sa nang-alay. Ang magisa ay iba sa mag-isa.

Nawa'y naunawaan natin ang tamang paggamit ng gitling sa ika. Payak lang ang panuntunan. Pag numero ang kasunod ng ika, may gitling sa pagitan nila. Ika-7, ika-8, ika-9. Subalit kung salita, hindi na nilalagyan ng gitling. Ikapito, ikawalo, ikasiyam.

Naisipan kong gawan ng tula ang paggamit ng gitling sa ika.

ANG GITLING SA PANLAPING IKA

lalagyan mo ng gitling ang panlaping ika
kung kasunod ay numero, at hindi letra
walang gitling sa ikaapat, ikalima
ngunit meron sa ika-4, ika-5

sa panlaping ika'y ganyan ang panuntunan
bukod sa ika, maraming panlapi riyan
pag-, mag-, nang-, maki-, aba'y kayrami po niyan
wastong paggamit nito'y dapat nating alam

may panlaping depende sa buka ng bibig
kapag ang dulo ng panlapi ay katinig
simula ng salitang-ugat ay patinig
tulad ng pag-asa, pang-uuyam, pag-ibig

alamin ang wastong paggamit ng panlapi
upang sa pagsusulat ay di magkamali
pangit basahin kung salita'y bakli-bakli
imbes kanin at ulam, hapunan mo'y mani

01.16.2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centenona natatandaan kong ang nagbigay ng Introduksyon sa libro ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid kung ano ang ibig sabihin ng balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad halimbawa ng karanasan sa pag-ibig at paghihiwalay.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko 
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024

Lunes, Enero 15, 2024

Ang frost o andap

ANG FROST O ANDAP
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang frost ba sa salitang Benguet ay andap? Ito ang nabasa ko sa balita sa pahayagang Abante, Enero 15, 2023, pahina 3. Ang balita ay may pamagat na "Mga Benguet farmer inalerto sa frost".

Ayon sa unang talata ng balita: "Naghahanda na ang mga magsasaka ng Atok, Benguet sa magiging epekto ng 'frost' o 'andap' dahil sa lalong tinatamaang lamig sa Benguet."

Tinanong ko si misis hinggil dito pagkat siya't taga-La Trinidad, Benguet, at ang mga ninuno'y taga-Mountain Province, at halos dalawang taon ding nagtrabaho sa Atok. Subalit hindi niya arok kung ano ang andap, pagkat ang alam din niya, ang andap ay salitang Tagalog, na ibig sabihin ay kutitap o patay-sindi. Nagagamit ko rin ang andap sa pagtula tulad ng aandap-andap ang buhay ng mahihirap.

Si misis ay Igorota subalit ang salita sa Atok, ayon sa kanya, ay Ibaloi. Nakakita na ako ng diksyunaryong Ibaloi, na makapal, subalit natatandaan ko'y nasa isang pinsan ni misis sa Baguio. Marahil pag nagawi uli kami roon ni misis ay titingnan ko muli ang diksyunaryong Ibaloi kung ano ang andap.

Nahanap ko naman sa facebook post ng PTV Cordillera na ginamit ang frost bilang andap, sa kanilang post noong Enero 10, 2021, tatlong taon na ang nakalipas. Ayon sa kanilang ulat: "Naitala ang 'andap' o frost sa Paoay, Atok, Benguet ngayong umaga kasabay pa rin ng pagbaba ng temperatura. Alas kwatro ng madaling araw kanina ay naitala ang 11 degrees celsius na temperatura sa Baguio City na sinundan ng 10.4 degrees celsius kaninang 6:30 ng umaga. Mas mababa naman ang temperatura sa mataas na bahagi ng Benguet."

Ibig sabihin, hindi typo error na ang frost ay andap kundi ito marahil ang native o taal na salita sa Benguet ng frost. Hindi natin ito makita sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), lalo na sa English-Tagalog Dictionary (ETD) ni Leo James English. Ang dalawang iyan kasi ang dalawang diksyunaryong nasa akin kaya sinasangguni ko. Bukod sa iba pang diksyunaryong maliliit na nasa akin. Sa UPDF naman ay may mga entri ng iba't ibang lengguwahe sa bansa, kaya nagbakasakali ako roon. May Ilokano, Kapampangan, Bisaya, Igorot, Meranaw, at iba pa.

Ayon sa ETD, pahina 393, ang frost ay frozen dew: Hamog na nagyelo. Namuong hamog.

Ayon naman sa UPDF, pahina 374, ang frost ay salitang Ingles na nangangahulugang 1: pamumuo o pagtigas dahil sa lamig; 2: lamig ng temperatura na sapat na makapagpayelo; 3: namuong hamog dahil sa lamig.

Ayon pa sa UPDF, pahina 53, ang andap ay 1: liwanag na malamlam, kukurap-kurap o patay-sindi; 2: {Sinaunang Tagalog] pagkurap ng mga mata. Sa kasunod na entri, ang andap din ay "takot". Kaya pala, may naririnig ako noong bata pa ako, pag sinabing "andap ka sa kanya, ano?", iyon pala'y takot ka sa kanya kaya iniiwasan mo siya.

Mas malinaw ang paliwanag sa www.cordillera.com sa kanilang post noong Enero ng taon 2020: Frost or 'andap' in local language is a yearly occurrence in the months of January or February. It usually occurred due to a cold temperature brought by the northeast monsoon or 'amihan'.

Kaya nang mabatid kong may lokal na salita sa frost, at ito nga ang andap (na marahil nga'y salitang Ibaloi), aba'y may magagamit na akong wikang katumbas ng frost para sa tula. Mahirap ding gamitin dahil nga may andap sa wikang Tagalog. Baka makalito lang. Subalit ginawan ko pa rin ng tula sa aking notbuk na nais kong ibahagi sa inyo:

ANG FROST O ANDAP

ang salin pala ng frost ay andap sa Atok, Benguet
nabasa sa ulat ni Atok Mayor Franklin Smith

nasa ten degrees Celsius na raw ang temperatura
na baka raw eight degrees Celsius ang ibababa pa

mga magsasaka roo'y pinaalalahanan
ang banta ng lumalamig na klima'y paghandaan

kaya maaga nilang didiligan ang pananim
upang matunaw ang yelo't di malanta ang tanim

sabi ni misis, ang andap ay salitang Ibaloi
kako naman, sana pananim nila'y di maluoy

naisip ko, buhay na kaylamig, aandap-andap
anong gagawin kung walang init na natatanggap

01.15.2024

Kung walang sagot, mali ba ang tanong?

KUNG WALANG SAGOT, MALI BA ANG TANONG?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Enero 14, 2024 isyu ng palaisipang Aritmetik sa pahayagang Pang-Masa, pahina 7, nakita kong walang sagot sa panglima ng walong tanong dito.

Sa instruksyon, ilagay ang product sa unang box o i-multiply. Sa ikalawa at ikatlo ang mga digit. At sa ikaapat ang sum o total.

Sa unang tanong, ito ang sagot: 6 x 13 = 78; 6 + 13 = 19.
Ikalawang tanong: 29 x 3 = 87; 29 + 3 = 32.
Ikatlong tanong: 21 x 4 = 84; 21 + 4 = 25.
Ikaapat na tanong: 18 x 3 = 54; 18 + 3 = 21.
Ikaanim na tanong: 4 x 4 = 16; 4 + 4 = 8.
Ikapitong tanong: 5 x 2 = 10; 5 + 2 = 7.
Ikawalong tanong: 25 x 6 = 150; 25 + 6 = 31.

Subalit hindi ko masagutan ng tama ang ikalimang tanong, kung ano ang dalawang digit, o factor na tatama sa product na 69, at sa sum na 29. Ang maaari lang sa 69 ay 23 x 3, subalit wala nang factor pa ang 23 kundi 23 x 1. 23 x 3 = 69. 23 + 3 = 26. Hindi sila nagtugma.

Sinubukan kong isa-isahin, at isinulat sa papel. Ang sum ng dalawang digit ay 29, kaya kung i-multiple ito, alin ang tatama sa 69?

15 x 14 = 210
16 x 13 = 208
17 x 12 = 204
18 x 11 = 198
19 x 10 = 190
20 x 9 = 180
21 x 8 = 168
22 x 7 = 154
23 x 6 = 138
24 x 5 = 120
25 x 4 = 100
26 x 3 = 78
27 x 2 = 54
28 x 1 = 28
29 x 0 = 0

Wala talagang tamang sagot kung whole number ang dalawang digit. Marahil ay may sagot kung dalawang fraction o dalawang decimal numbers na maaaring maging factor sa product na 69 o sum na 29. Subalit hindi ko na sinubukan dahil sa tagal kong nagsasagot ng Aritmetik ay pawang whole number ang sagot, at hindi fraction at hindi rin decimal. 

Hanapin ko man ang sagot sa kasunod na araw ng pahayagan, baka ang makita nating sagot ay hindi talaga 29 kundi 26 ang tanong. At typo error lang ito.

01.15.2024

P.S. Nakabili ako ng pahayagang Pang-Masa, Enero 15, 2024, p.7, at nakita nating typo error ang nakasulat. Tama ang factoring na 23 x 3 = 69, subalit mali ang sum, dahil nakasulat doon sa "Sagot sa nakaraan" na 23 + 3 = 29, imbes na 26.

Pagbaka

PAGBAKA

di ka pa ba nagagalit niyan?
na buhay mo'y pinaglalaruan
ng halal na bentador ng bayan

may People's Initiative na ngayon
upang baguhin ang Konstitusyon
pang-interes ba ng bayan iyon?

o tagilid lang muli ang masa?
sa saliwang indak nitong ChaCha
pakana ng mga kongresista

sandaang porsyentong pag-aari
ng dayuhan ay napakasidhi
na nais mangyari nila't mithi

sa kapangyarihan nilang angkin
termino'y balak pang palawigan
na kanilang lulubus-lubusin

binebenta tayo sa dayuhan
ng halal na bentador ng bayan
di ka pa ba magagalit niyan?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2024

Dahikan pala'y gawaan ng barko

DAHIKAN PALA'Y GAWAAN NG BARKO

tanong: GAWAAN NG BARKO; sagot: DAHIKAN
nabatid ko lang iyon sa palaisipan
bago bang salita na di ko nalalaman?
o luma ngunit bago nating natutunan?

ang tanong ay bilang Dalawampu: Pababa
aba, ang gawaan ng barko'y ano kaya?
sinagot muna'y Pahalang at nakita nga
ang DAHIKAN; taal pala nating salita

kahuluga'y hinanap sa bokabularyo
lalo't U.P. Diksiyonaryong Filipino
salitang-ugat ay DAHIK at nakita ko:
pook sa pampang sa pag-aayos ng barko

kahulugan: pagsadsad ng sasakyang-dagat
at ito pa: pag-alis ng sasakyang-dagat
sadyang palaisipa'y nakapagmumulat
sa taal nating salita, daghang salamat!

- gregoriovbituinjr.
01.15.2024

* dahik - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 252

Linggo, Enero 14, 2024

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay

ISULAT N'YO PO ANG PANGALAN KO SA AKING BINTI, INAY
Tula ni Zayna Azam
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Gamitin n'yo po ang permanenteng marker na itim,
na ang tinta'y di kumakalat kung ito'y mabasa, 
yaong di nalulusaw kung ito'y nalantad sa init...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Kapalan n'yo po at linawan ang pagkasulat...
Idagdag n'yo pa ang inyong pinakamimithi, 
upang maaliw akong makita ang sulat-kamay ng 
aking inay sa aking pagtulog...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
At sa binti ng mga kapatid ko..
Sa paraang ito'y magkakasama tayo...
Sa paraang ito'y malalaman nilang kami'y inyong anak...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
At pakisulat din po ang pangalan n'yo ni Itay
sa inyong binti upang maalala tayo bilang pamilya...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Upang pag sumabog ang bomba sa ating bahay, 
Upang pag nadurog ng pader ang ating bungo't buto..
Ang ating mga binti ang magkukwento ng nangyari, 
Lalo't wala na tayong natakbuhan.
.
.
.
WRITE MY NAME ON MY LEG, MAMA
Poem by Zayna Azam
with Filipino translation by Gregorio V. Bituin Jr.

Write my name on my leg, mama...
Use the black permanent marker,
with the ink that doesn't bleed if it gets wet, 
the one that doesn't melt if it's exposed to heat... 

Write my name on my leg, mama...
Make the lines thick and clear..
Add your special flourishes, so I can take comfort 
in seeing my mama's handwriting when I go to sleep...

Write my name on my leg, mama..
And on the legs of my sisters and brothers..
This way we will belong together...
This way we will be known as your children...

Write my name on my leg, mama...
And please write your name and Baba's name on your
legs too so we shall be remembered as a family...

Write my name on my leg, mama...
When the bomb hits our house, 
when the walls crush our skulls and bones..
Our legs will tell our story, 
how there was nowhere for us to run.

Ang pitong nobela ni Faustino Aguilar

ANG PITONG NOBELA NI FAUSTINO AGUILAR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako noon ng aklat-nobelang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, na kulay pula ang pabalat. Bukod doon ay may iba pa pala siyang nobela. Ito'y ang Busabos ng Palad, Nangalunod sa Katihan, Sa Ngalan ng Diyos, Sa Lihim ng Isang Pulo, at Kaligtasan, na tinalakay bilang kabanata sa aklat. Mayroon pang Ang Patawad ng Patay, subalit nabanggit lang ito bilang huling nobela ni Aquilar, ngunit walang bukod na kabanata na tumalakay dito.

Nabatid ko ito nang mabili ko ang librong Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Komentaryo sa mga Nobela ni Faustino Aguilar. Sinulat ito ni E. San Juan Jr. Nabili ko ang aklat sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila sa halagang P500 noong Pebrero 11, 2022.

Ang nobelang Pinaglahuan ay sinulat niya noong 1906 at isinaaklat noong 1907. Nauna lang ng isang taon dito ang unang sosyalistang nobela sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalathala ng serye noong 1905 sa pahayagang Muling Pagsilang bago isinaaklat noong 1906.

Ayon sa aklat ni San Juan, ang Busabos ng Palad ay nalathala noong 1909, at dalawang nobela ni Aguilar ang nalathala noong 1911, ang Sa Ngalan ng Diyos, at ang Nangaluhod sa Katihan.

Noong 1926 naman nalathala ang nobelang Ang Lihim ng Isang Pulo. Matapos ang halos dalawampu't limang taon ay magkasunod namang nalathala ang mga nobelang Kaligtasan (1951) at Ang Patawad ng Patay (1952).

Gustong-gusto ko ang sinabi ni San Juan sa kanyang Introduksyon sa aklat tungkol kay Aguilar: "Higit na karapat-dapat sa kaniya ang karangalang-bansag na "National Artist" kaysa sa mga ibang nagtamasa ng biyaya noon o ngayon."

Dagdag pa niya, "Opinyon ng piling dalubhasa na si Aguilar, sampu ng kaniyang mga kontemporaneo, ang pinakamasugid na "tagapaglahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan" habang maalab niyang binuhay "ang pagdurusa ng kaluluwa" ng sambayanang Filipino."

Sino si Aguilar? Ito ang ilan sa isiniwalat ni San Juan hinggil sa talambuhay ni Aguilar: "Ipinanganak si Aguilar noong 15 Pebrero 1882 sa Malate at namatay noong 24 Hulyo, 1955 sa Sampaloc, Maynila. Naging kasapi siya ng Katipunan sa gulang na 14 taon. Di naglaon, nahirang siya  bilang kawani ng Kalihim ng Digmaan at Kalihim Panloob ng Republikang Malolos, kaya siya ibinilanggo ng mga Amerikano noong 1899."

Bilang manunulat, si Agular, ayon kay San Juan: "Naging editor siya ng seksyong Tagalog ng pahayagang La Patria at pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging editor ng pumalit na pahayagang Taliba."

Bilang manggagawa, si Aguilar naman ay: "Masigasig si Aguilar sa usaping pangmanggagawa. Hinirang siya bilang pangalawang direktor ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan umangat bilang direktor nito sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siya ng Senado mula 5 Enero 1923 hanggang mabalik siya sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taong 1933-1939. Ang mga huling katungkulan niya ay miyembro ng Board ng Rural Progress Administration noong Abril 1947 at ng Philippine Homesite and Housing Corporation."

Hinggil sa pitong nobela ni Aguilar, ayon pa kay San Juan, "Bagamat apat na nobela lamang ang naisaaklat, matayog at manining pa rin sa lahat ang kagalingan ni Aguilar sa uri ng sining na pinagsikhayan niya." Tinutukoy niya marahil sa apat na nang magsaliksik ako sa internet ay may larawan ng pabalat ng aklat - ang Pinaglahuan, Busabos ng Palad, Sa Ngalan ng Diyos, at Ang Lihim ng Isang Pulo. Ayon pa kay Sa Juan, "Pambihirang makakita ng lumang edisyon ng Ang Lihim ng Isang Pulo (1926) na itinuturing na pinakamasining sa paghawak ng dalisay na artikulasyon ng wika." Kung gayon, hindi pa naisaaklat ang mga nobelang Nangalunod sa Katihan, Kaligtasan, at Ang Patawad ng Patay? Nawa'y proyektuhin din itong malathala.

Mabuti't nakapagsulat si San Juan ng sinasabi niyang metakomentaryo sa mga nobela ni Aguilar. Kundi'y hindi natin mababatid na may iba pa pala siyang nobela bukod sa Pinaglahuan. Kailangan pa natin hanapin at basahin ang kanyang mga nobela upang mas malasahan pa natin ang himagsik ng kanyang panulat. Ito ang isa sa mga mithiin ko ngayon, ang basahin ang kanyang nobela at magbigay ng komentaryo, o kaya'y gawan ng sanaysay, ang mga ito.

Minsan, naiisip ko, magandang isalin sa Ingles ang lahat ng nobela ni Aguilar, subalit habambuhay itong gawain kung gagawin ko. Marahil isa o dalawa lamang ang kakayanin ko, kung sisipagin. At mailathala ang bersyong Ingles nito, halimbawa, sa Collins Classics sa Amerika. Gayunman, pangarap pa lang itong mananatiling pangarap kung hindi ako kikilos. Dapat mapagtuunan ito ng pansin at bigyan ng oras upang maisakatuparan.

Naisipan kong gawan ng tula ai Aguilar, tulang may tugma't sukat na labinlimang pantig bawat taludtod, bilang alay sa kanya.

FAUSTINO AGUILAR, NOBELISTANG MANGGAGAWA

Faustino Aguilar, magaling na nobelista
inilarawan ang lagay ng bayan sa nobela
ikinwento ang pagkaapi't himagsik ng masa
pati na ang kahilingang panlipunang hustisya

ang nobela'y Busabos ng Palad, Pinaglahuan,
Ang Patawad ng Patay, Nangalunod sa Katihan,
nariyan ang Sa Ngalan ng Diyos, ang Kaligtasan,
Ang Lihim ng Isang Pulo, sadyang makasaysayan

di dapat mawala na lang ang kanyang mga akda
lalo't nobela hinggil sa manggagawa't dalita
dapat siyang basahin at sa atin manariwa
ang lagay noon na hanggang ngayon ay di nawala

nagsamantala ang kapitalista't asendero
nilarawan niya noon ay di pa rin nagbago
may pagsasamantala pa rin sa dukha't obrero
hustisya noon ay panawagan pa ring totoo

maraming salamat, taoskamaong pagpupugay
kay Faustino Aguilar, na nobelistang tunay
basahin siya't samahan natin sa paglalakbay
hanggang mabago ang sistemang bulok at mabuway

01.14.2024

Papuri ng makatang Rio sa Senado

PAPURI NG MAKATANG RIO SA SENADO

pinuri ng makatang Rio ang Senado
nang kanyang itinulang marangal daw ito
ngayong panahon dapat ipakita nito
lalo kung ChaCha'y ibabasurang totoo

marangal at di raw yumuko sa dayuhan
habang sa ChaCha ay aariing sandaang
porsyento ng mga mayayamang dayuhan
ang anumang pag-aari dapat ng bayan

pinangunahan na ng mga kongresista
at punong bayan ang mga pagpapapirma
upang baguhin ang Konstitusyon, ang masa
naman daw ay pipirma dahil may ayuda

huwag pong hayaang malinlang tayong muli
ang pagpapapirma'y pagbabakasakali
na mamayani ang tuso't mapang-aglahi
ChaCha'y para sa interes ng naghahari

ngunit di ng masa, di rin ng buong nasyon
kaya sa Senado, ito'y malaking hamon
di payagang distrungkahin ang Konstitusyon
marangal na Senado'y hanap namin ngayon

- gregoriovbituinjr.
01.14.2024

* ang litrato ay mula sa aklat na "May Mga Damdaming Higit Kaysa Atin" ni Rio Alma, p. 136

Nilay

NILAY

ang pangarap kaya'y makakamit?
kapag di dadaanin sa galit?
bakit ba ang sistema'y kaylupit?
sa mga obrero't maliliit?

sinusumbatan ko ang sarili
kung bakit laging di mapakali
nakikitang di kawili-wili
ay walang magawa sa salbahe

kaya kumilos na, magsikilos
bago bansa'y muling mabusabos
maghanda sa pakikipagtuos
upang bansa'y ilagay sa ayos

madaling araw, kayraming nilay
nagigising na di mapalagay
dapat tayong maging mapagbantay
kung masa sa hukay ilalagay

- gregoriovbituinjr.
01.14.2024

NO TO 100% FOREIGN OWNERSHIP! NO TO CHACHA!
HUWAG MAGING ISKWATER SA SARILING BAYAN!

Panicky ba ang paniki?

PANICKY BA ANG PANIKI?

animo'y paniki ang panicky
nagpa-panic ka ba sa paniki
sakaling nakita mo sa gabi
at sa bahay mo'y biglang umuwi

buti kung ang paniki'y si Batman
na bayani sa Lungsod ng Gotham
na mas matinik pa kay Superman
na talaga ring sagad sa gulang

napag-usapan lang naman natin
ang paniki sa gabing madilim
di naman nang-aano sa atin
ngunit bida sa gabi ng lagim

ah, tara na kayang magsitulog
baka ito'y mali lang na kutob
sakaling paniki'y mambulabog
sa kumot kaya'y magsisisukob?

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litrato mula sa app na Word Connect

Sabado, Enero 13, 2024

Komyuter ako, ang laban ng tsuper ay laban ko!

KOMYUTER AKO, ANG LABAN NG TSUPER AY LABAN KO!

kaisa ako sa laban ng mga tsuper ng dyip
dyip na ang sinasakyan ko mula nang magkaisip
ngayon, balak nang i-phase out, dapat itong masagip
sa pakanang ito, komyuter na tulad ko'y hagip

tiyak, apektado ang pamilya ng mga tsuper
pati na libo-libo kundi man milyong kompyuter
lalo ang simpleng trabahador, waiter, writer, welder
dyip ang pangmasang transportasyon nina mother, father

tinawag na e-jeep ang minibus na ipapalit
sa madla, tawag na ito'y tinaguyod na pilit
may dahilan pala, e-jeep na ang iginigiit
upang tradisyunal na dyip ay mawala, kaylupit!

tila kapitalista ang talagang may pakana
imo-modernisa raw, kaya hindi mo halata
na sila palang kapitalista'y kikitang sadya
kapag tradisyunal na dyip na'y tuluyang nawala

kaya "NO to jeepney phase out" ay naging panawagan
ng tulad kong komyuter at ng kapwa mamamayan
dyip nating karamay sa hirap, saya't kakapusan
sasakyan ng dukha'y di dapat mawalang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa terminal ng dyip

Kolum na patula sa dyaryo


KOLUM NA PATULA SA DYARYO
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas kong nakikita sa pesbuk ang paglalathala ng kolum na patula ng isang katotong makata. Dahil pahayagang paglalawigan, tiyak na malaki ang naaabot niyon.

Subalit sa age of social media, nawawala na ang ibang pasulatan, o yaong nalilimbag sa papel. Kaya natutuwa ako sa katoto kong makatang si Glen Sales, isang guro, at kasapi ng Angono 3/7 Poetry Society, sa lingguhang paglabas ng kanyang kolum na patula na pinamagatang DAGITAB sa pahayagang Laguna Courier. Dahil dito'y saludo ako kay kamakatang Glen Sales.

Lalo na't bihirang makata na ngayon ang nalalathala sa mga pahayagan at magasin, maliban sa magasing Liwayway na laging may itinatampok na tula. Hindi ko naman matandaan na ang pangalan ng dyaryo sa Bulacan na may kolum din na patula, na nababasa ko noon. Sa mga arawang pahayagan naman tulad ng Abante, Bulgar, Pang-Masa, Pilipino Star Ngayon, Remate, Sagad, atbp. bihira naman ang may kolum na patula. At bihira rin silang naglalathala ng tula.

Ako naman ay may pinagsusulatang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na nasimulan kong muli nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng KPML noong Setyembre 16, 2018. Ito'y nalalathala ng dalawang beses sa isang buwan. Una ko itong hinawakan at nilathala noong taon 2001 nang maging staff ng KPML hanggang Marso 2008 nang ako'y mawala sa KPML dahil di na nag-renew ang funder, na siyang dahilan kaya nakakapaglathala noon ng Taliba ng Maralita.

Dati ay may pahayagang Obrero mula taon 2003 hanggang 2010 ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) kung saan isa ako sa nagsusulat, at sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) mula 2011-2012 na pinagsusulatan ko rin, subalit wala na ang mga ito ngayon. Kaya malaking bagay sa akin na may pinagsusulatang pahayagang Taliba ng Maralita.

Ang unang sukat nito noon ay 8.5 x 11.5 o sukat ng short bond paper, walong pahina kada isyu, at naglalathala ng 1,000 kopya kada labas, mula sa isang printing company. Subalit ngayon, lumiit na ang Taliba ng Maralita, na ang sukat ay kalahati ng short bond paper, na may 20-pahina kada isyu. Subalit wala pang isandaang kopya bawat labas dahil na rin sa kakapusan ng salapi, at wala nang funder para sa proyektong ito. 

Tulad ng ibang pahayagan, nilalaman nito'y headline, editoryal, mga balita, kolum ng pangulo ng KPML, komiks, at mga pahayag ng KPML. Ang kaibahan lang, may pampanitikan dito tulad ng Liwayway, pagkat sa pahina 18-19 nito ay maikling kwento, at sa pahina 20 ang mga tula. Ang tatlong dulong pahinang iyon ang kumbaga'y kolum ko.

Nakakatuwa nga na minsan ay sinabihan ako ng pangulo ng aming organisasyon, na pulos tula daw ang sinusulat ko. Aba'y isang pahina lang ang tula, ah, at sa dulong pahina pa, subalit ito ang pumukaw sa kanyang isip.

Kung ang kamakatang Glen Sales ay may apat na beses na labas ng kolum na patula kada buwan, ako naman ay dalawang beses kada buwan. Kung ang kanyang dyaryo'y nasa sanlibong kopya kada labas, ang Taliba ng Maralita ay wala pang isandaang kopya kada labas.

Gayunpaman, kung walang Taliba ng Maralita, pakiramdam ko'y manunulat akong walang pinagsusulatan. Kaya taospusong pasasalamat sa Taliba ng Maralita sa paglalathala ng aking maikling kwento't mga tula sa bawat isyu nito.

Nais ko pa ring magsulat at malathala sa iba pang pahayagan, lalo na't malawak ang naaabot, hindi lang sa social media o sa internet. Iba pa rin talaga ang malathala ka sa pahayagan na iyong nahahawakan at nababasa. Ginawa ko nang misyon ang pagsusulat sa Taliba ng Maralita lalo na't ito na lang ang pinagsusulatan kong dyaryo.

01.13.2024

Tarang mag-tsaa

TARANG MAG-TSAA

mabuti sa katawan ang tsaa
sabi ng matatanda sa una
paborito ng mamay at lola
ano pa't pampasigla talaga

ito pa'y mahalagang inumin
upang di ka raw maging sakitin
gamot din daw sa pag-uulyanin
mga kalamnan pa'y ginigising

iniinom ko ito ng sapat
bago kumain at mag-uminat
nag-aalis ng bara sa ugat
iwas sa sobrang timbang o bigat

tarang mag-tsaa, tayo'y uminom
lumbay sa gunita'y maghihilom

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

Nagmamahal

NAGMAMAHAL

ay, nagmamahalan na ang presyo
ng bilihin, pati na Meralco
sibuyas, kamatis na bili ko
ay talagang mahal nang totoo

ay, mura pa rin kung tingi-tingi
magsasaka'y di sana malugi
masaganang ani nilang mithi
nawa'y kamtin, di maging lunggati

mamamakyaw, binibiling mura
mahal na pag kanilang binenta
kawawa tuloy ang magsasaka
ang nagtanim ay di sumagana

presyo man ay nagmahal nang lubos
sinong masisi pag kinakapos?

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

Biyernes, Enero 12, 2024

Patakaran

PATAKARAN

madalas ay may patakaran
saanman ang ating puntahan
na dapat nating sundin naman
upang mayroong kaayusan

madalas pinagtibay iyon
at marami ang nagdesisyon
sapagkat maganda ang layon
sa samahan, bayan o nayon

pagpasok mo man sa kubeta
ay may patakaran talaga
pagkaihi ay magbuhos ka
may kasunod kang gagamit pa

patakaran ay di palabas
ginawa upang maging patas
kumbaga sa kubeta'y atas
iwang malinis ang kasilyas

patakaran ay alamin mo
saanman magpunta sa mundo
lalo'y ayaw makalaboso
kung nahuli kang namboboso

- gregoriovbituinjr.
01.12.2024

Bawat tula'y tulay sa paglaya

BAWAT TULA'Y TULAY SA PAGLAYA

tutulaan kita kahit himbing
o pag nananaginip ng gising
kumakatha habang naglalambing
sa banig man ay pabiling-biling

sasabihin ko sa iyong ganap
anong nasa kabila ng ulap
ano bang mga pinapangarap
nang buhay ay di aandap-andap

na parang kandilang nauupos
dahil sa mga pambubusabos
ng uring gahaman, tuso't bastos
na mapangmata sa dukha't kapos

bawat tula'y tulay sa paglaya
ng dalita't uring manggagawa
ito ang sa buhay ko'y adhika
bilang tibak at makatang gala

- gregoriovbituinjr.
01.12.2024

Paano ba tatapusin ang kwento?

PAANO BA TATAPUSIN ANG KWENTO?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailangan bang matapos agad ang kwento? Iyan ang tanong ko minsan, lalo na sa pagbabasa lang sa isang upuan. Mahalaga ito lalo't bukod sa tula ay nagsusulat ako ng maikling kwento, dahil inaalagaan ko ang dalawang pahina sa pinagsusulatan kong pahayagan upang paglathalaan ng sinusulat kong kwento.

Noong bata pa ako, nagbabasa kami ng komiks na madalas ay serye kaya itutuloy sa susunod na labas. Kung gayon, hindi mo agad nababatid ang buong kwento dahil dapat mong abangan ang susunod na kabanata. Nariyan naman noon ang Wakasan Komiks na talagang sa apat na pahina ay tapos na agad ang kwento. Subalit sa Aliwan komiks, halimbawa, dahil nobela, aabangan mo ang bawat labas. Noon nga ay di mo pa kailangang bilhin ang komiks, kundi arkilahin lang, at doon mo basahin sa tabi ng tindera ng komiks. Ibabalik mo rin pagkatapos mong basahin at magbayad.

Sa radyo, inaabangan namin noon ang Simatar na aabangan mo rin kada araw upang masundan mo ang kwento. Kumbaga, sa haba ng kwento, o sabihin na nating nobela, hindi mo agad mababatid ang rurok o ang katapusan ng kwento. Ang mahalaga'y napapakinggan mo ito at nasusubaybayan.

Karaniwan naman sa pelikula, natatapos mo ang kwento sa isang upuan, at nababatid mo ang kabuuan ng kwento. Tulad na lang ng mga kwento sa pelikula ni FPJ. May simula, may bakbakan ng bida at kontrabida, at kung paano tinapos ang kwento. Kumbaga, hindi bitin ang manonood.

Sa serye ng pelikulang Lord of the Rings, bitin ang manonood sa unang dalawang pelikula, lalo na yaong hindi nakabasa ng aklat ni J.R.R. Tolkien. Sa Fellowship of the Ring (2001) pa lang ay bitin dahil hindi tapos ang kwento. Sumunod ay ang Two Towers (2002), na maganda ang pagkakasalaysay, subalit bitin pa rin dahil hindi tapos ang kwento. Nabatid na lang natin ang katapusan ng kwento sa The Return of the King (2003) nang mahulog na sa kumukulong laba ng Mordor ang singsing na pinagsikapang dalhin doon ni Frodo, at ng kanyang kaibigang si Sam, kasama si Gollum.

Sa munti naming pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang pahina 18-19 nito ay itinalaga na para sa maikling kwento. Subalit paano mo tatapusin ang maikling kwento sa gayong maliit na espasyo. Ang bawat pahina ay kalahati ng short bond paper. Kaya ang kwento mo talaga ay ipinasok mo sa isang pahina lang ng short bond paper. Gayong pag nagbabasa tayo halimbawa ng mga maikling kwento sa magasing Liwayway, maraming pahina ang kailangan, na minsan ay umaabot ng lima o anim na pahina sa bagong anyo nito ngayon. Sa dating malaking anyo nito, na malaki pa sa short bond paper bawat pahina, ang maikling kwento ay umaabot pa minsan ng dalawa hanggang tatlong pahina.

Mahalaga kasi, hindi lang sa manunulat, kundi sa mambabasa, na mabatid agad niya ang nais iparating ng kwento, na hindi bitin ang mambabasa. Kumbaga, natapos agad niya ang kwento. Maaari namang subukang gawing serye ang kwento sa Taliba, subalit mas pinili kong bawat kwento ay wakasan upang di sila mabitin. Nalalathala ang Taliba ng dalawang beses kada buwan, kaya dalawang maikling kwento ang ating ginagawa sa bawat buwan.

Dagdag pa riyan ang kalagayang kaunti lang ang nalalathalang Taliba, wala pang isangdaang kopya bawat isyu, depende kasi sa kung magkano ang hawak na salapi, at sa mga lugar ng maralita na pagdadalhan ng Taliba dahil kung saan lang mapadapo ang organizer ay doon lang nagkakaroon ng pahayagang Taliba ang mga maralita, o nabebentahan. Kailangang ibenta upang may balik sa puhunan at makagawa uli ng pahayagan. Ang 20-pahinang Taliba ay P10. Kung walang pera ang maralita, ibinibigay na lang natin, o kaya'y donasyon batay sa kanilang kakayanan. Minsan may nagbibigay ng P5, at tinatanggap na natin basta magkaroon sila ng kopya ng Taliba. Hindi na natin pinipilit na mabayaran dahil pangkain nga lang, kulang pa sa kanila, sisingilin mo pa. Subalit meron pa rin talagang nagbibigay. Ang pahayagang Taliba naman ay hindi negosyong dapat pagkakitaan kundi babasahing katuwang ng maralita sa kanilang laban.

Sa Taliba, mas ang isyu ng maikling kwento ay batay sa kalagayan at pakikibaka ng maralita, dahil nga pahayagan iyon ng maralita. Kaya kung hindi kaugnay sa isyu nila, hindi ko roon inilalathala ang nakatha kong maikling kwento kundi sa aking blog. Sa isang iglap, tingin agad natin ay hindi isyu ng maralita ang nagbabagong klima o climate change, subalit isyu rin ng maralita ang klima, hindi lang pabahay, kahirapan, at pagiging iskwater sa sariling bayan, kundi pati na rin karapatang pantao, hustisyang panlipunan, ang ugnayan sa uring manggagawa, taas ng presyo ng bilihin, at mga isyung panlipunan.

Kaya sa tanong sa pamagat na "Paano ba tatapusin ang kwento?" Payak lang ang aking tugon. Sa kabuuan ng kwento ay nasabi ko ang isang paksa nang sa palagay ko'y hindi bitin ang mambabasa. Bagamat marahil ay bitin pa sila, depende marahil sa kanilang hinahanap o iniisip, dahil maraming paksa talaga ang nangangailangan ng detalye, malaliman at mahabang paliwanag, lalo na't isyu ito ng maralita o panlipunan, subalit baka hindi na maikling kwento iyon kundi nobela na ang kailangang sulatin. Nawa'y nakamit ko ang layuning ito sa mga kinatha kong maikling kwento.

Gayunpaman, sinasanay ko ang pagsusulat ng maikling kwento bilang paghahanda sa mahaba-habang kwento o nobela na nais kong kathain. Pangarap kong maging nobelista rin balang araw. Maraming salamat sa Taliba ng Maralita at binigyan ako ng pagkakataong malinang ang aking kakayahang kumatha ng kwento at mailathala ang mga iyon.

Talagang malaking hamon sa akin ang pagsusulat ng maikling kwento sa pahayagang Taliba, kung paano ba sisimulan ang kwento, paano padadaluyin ang usapan at banghay, at paano ko ba ito tinapos sa gayong kaliit lang na espasyo ng pahayagan.

01.12.2024

Huwebes, Enero 11, 2024

Ang aklat ng mga kontrabida sa komiks

ANG AKLAT NG MGA KONTRABIDA SA KOMIKS
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agad napukaw ang atensyon ko nang pumasok ako sa Book Sale sa SM Fairview nang makita ko agad ang aklat na "The Legion of Regrettable Supervillains, featuring the 50 Strangest Supervillains in the History of Comics, The Loot Crate Edition" na Jon Morris. Nabili ko ito sa halagang P130.00, Enero 10, 2024.

Hinati sa tatlong kabanata ang aklat. Unang Bahagi: The Golden Age, na naglalaman ng 25 kontrabida; Ikalawang Bahagi: the Silver Age, na naglalaman ng 16 kontrabida; at Ikatlong Bahagi: The Modern Age, na may siyam na kontrabida.

Pinangsanggunian ng may-akda para sa kanyang aklat ang Digital Comic Museum (digitalcomicmuseum.com) at ang Comic Book Plus (comicbookplus.com) na kanya ring pinasalamatan. Ayon nga sa kanya, "without whose tireless archivists and exhaustive catalog the research for the majority of this book would have been impossible."

Mabuti't may nag-ipon ng ganito, pagkat ito'y makasaysayan. Ang Golden Age ay mula taon 1938-1949; ang Silver Age ay mula taon 1950-1969; at ang Modern Age ay mula taon 1970-present.

Nakakatuwang basahin, bagamat hindi naman ito komiks ng Pilipinas, kundi sa Amerika. Naisip ko lang, paano sa ating bansa, may nagaarkibo ba? Mabuti na lang at isa ako sa mahilig magbasa at mangolekta ng dating lingguhan, ngunit ngayon ay buwanang Liwayway magazine.

May kolum na "Balik-Tanaw: Artsibo ng Nobelang Komiks sa Loob ng 100 Taon ng Liwayway" si Edgar Calabia Samar. Nabuhay din ako sa panahong wala pa o hindi pa uso ang internet, at sa mga tindahan ng dyaryo ay may mga komiks na pinaaarkila. Arkilahin mo lang sa tabi ng mga ilang minuto, o kaya'y kalahating oras, masaya ka na. tapos ay isoli mo sa tindera, dahil may nakapila pang nais magbasa ng komiks na binasa mo. Nariyan ang mga komiks noon na Wakasan Komiks, Aliwan Komiks, Tagalog Klasiks, Hiwaga Komiks, at marami pang iba.

Maraming nobela sa komiks na isinapelikula, tulad ng Totoy Bato, Bakekang, Kampanerang Kuba, Lastikman, Bindying, at ang walang kamatayang Darna.

Noong bata pa ako ay may Funny Comics, kung saan bago pa ang pelikulang Planet of the Apes, ay mayroon nang Planet Op Da Eyps sa Funny Komiks, pati na sina Super Dog at sumunod ay Super Cat, at ang kwento ni NikNok.

Sa aking pananaliksik, napag-alaman kong mayroon din palang Philippine Comics Art Museum, na matatagpuan sa https://web.archive.org/web/20110508041423/http://alanguilan.com/museum/.
Nariyan din ang sumusunod na sanggunian: 
(a) Celebrating 120 Years of Komiks From the Philippines I: The History of Komiks, Newsarama, October 19, 2006
(b) Celebrating 120 Years of Komiks From the Philippines II: The Future of Komiks, Newsarama, October 21, 2006
(c) Lent, John A. (2009) The First One Hundred Years of Philippine Komiks and Cartoons. Boboy Yonzon.
(d) Roxas, Cynthia and Joaquin Arevalo, Jr. A History of komiks of the Philippines and other countries, with contributions by Soledad S. Reyes, Karina Constantino-David, Efren Abueg; edited by Ramon R. Marcelino. Nariyan din ang ""Philippine Comics" The most comprehensive library of Filipino comics on the internet".

Subalit sino kaya ang mga kontrabida sa ating mga komiks. Hindi gaya sa American comics, kilala ang kanilang mga kontrabida. Halimbawa, sa Batman, nariyan ang mga kalaban niyang sina Joker, Riddler at Penguin.

Sa atin naman, sikat ang bidang kontrabida na sina Zuma, at ang kanyang anak na si Galema. Hindi rin natin agad maalala kung sino ang matinik na kalaban nina Captain Barbell at ni Lastikman.

Ang nabili kong aklat ng supervillains sa American comics ay pumukaw sa aking diwa upang pansinin din ang kalagayan ng ating mga komiks. Nakakarami pala ng ating mga komikero o kwentista sa komiks, na ang talaan ay makikita sa https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_Filipino_comics_creators.

Mahilig lang akong magbasa ng komiks, subalit hindi ako makadrowing ng maganda. Sinimulan ko ring kumatha ng komiks na "MARA at LITA" sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula pa Enero 2021 hanggang sa kasalukuyan, na dalawang beses kada buwan ang labas. Mas mabuti pa kaya, idaan ko sa tula ang nasasadiwa.

sadyang kahanga-hanga ang mga dibuho
at kwento sa komiks ng mga komikero
lalo na't isinapelikula pa ito
kaya sumikat ang mga gumanap dito

nakilala ang mga kalaban ni Batman
aba'y sina Penguin, Riddler, Joker ba naman
sikat din sa atin ang kwento ni Superman
mula komiks na talagang kinagiliwan

nakilala't sumikat sa atin si Darna
likha ni Mars Ravelo sa komiks talaga
sinong makakalimot sa mag-amang Zuma't
Galema, mula komiks sinapelikula

halina't komiks na Pinoy ay tangkilikin
nobelang komiks nga'y binabalak kong gawin
ito'y isang pangarap na nais kong tupdin
bida't kontrabida'y aking pasisikatin

ngunit balak kong bida'y kolektibong masa
mga maralita't manggagawa ang bida
walang manunubos kundi pagkakaisa
iyan, ganyan ang nais kong gawing nobela

01.11.2024

LITKURAN - salin ko sa BACKGROUND

LITKURAN - SALIN KO SA BACKGROUND hinanap ko na sa diksyunaryo salin ng BACKGROUND sa Filipino may likuran, karanasan, pondo anong etimolohi...