Miyerkules, Enero 10, 2024

Pamahiin

PAMAHIIN

huwag magwalis sa gabi
paniwala bang may silbi?
ikaw ba'y mapapakali
kung katulugan mo'y dumi

sa gabi'y huwag magwalis?
sa dumi'y makakatiis?
kung gabok sana'y mapalis
matutulog kang kaylinis

nag-aalis daw ng swerte
ang pagwawalis sa gabi
swerte pala'y nasa dumi
basura'y dalhin mo dini

mga ganyang pamahiin
ay parang amag sa kanin
di masarap kung nguyain
at tiyan mo'y sisirain

- gregoriovbituinjr.
01.10.2024

Martes, Enero 9, 2024

Mahirap man ang daan

MAHIRAP MAN ANG DAAN

"Sometimes there's not a better way, sometimes there's only the hard way." ~ Mary E. Pearson

minsan daw, may mga bagay
upang kamtin ang tagumpay
ay pagsisikapang tunay

daraan man sa kumunoy
tinanim man ay maluoy
sikapin mong magpatuloy

minsan, kayhirap ng daan
baku-bako ang lansangan
o baka maligaw ka man

pag-isipan mong mabuti
anong mabuting diskarte
huwag lang maging salbahe

ang loob mo'y lakasan pa
tulad ng chess ang pagbaka
palaisipan talaga

at iyo ring mararating
ang pangarap mo't layunin
tagumpay ay kakamtin din

- gregoriovbituinjr.
01.09.2024

* palaisipan ay mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 9, 2024, p.10

Lunes, Enero 8, 2024

Ang tamang gamit ng RITO at DITO

ANG TAMANG GAMIT NG RITO AT DITO

"Bawal Umihi Rito" ang nakita kong paalala sa isang pader sa T. Alonzo St. sa Baguio City, malapit sa Baguio Center Mall. Wow! Karaniwan nang nakikita ko sa kinalakhan kong Maynila, ang nakasulat ay "Bawal Umihi Dito."

Mas tumpak ang paalala sa Baguio City. Talagang batid nila ang turo mula  sa Balarila ng Wikang Pambansa, na sinulat ng lider-manggagawa at nobelistang si Lope K. Santos.

Ayon sa Balarila, ginagamit ang RITO kung ang sinundang salita ay nagtatapos sa patinig (vowel), tulad ng "Bawal Umihi Rito", subalit kung nagtatapos sa katinig (consonant), ang ginagamit na ay DITO. Halimbawa, "Bawal Tumawid Dito", at hindi "Bawal Tumawid Rito." Gayon din ang gabay sa paggamit ng RIN at DIN, RAW at DAW, ROON at DOON, RINE at DINE, RIYAN at DIYAN, atbp.

Nang mapadaan ako sa paalalang iyon sa pader sa Baguio, hindi ako nakaamoy ng mapalot o mapanghi, na ibig sabihin, sinusunod iyon ng mga tao, at walang umiihi roon. Sa lungsod na kinalakhan ko na may paalalang "Bawal Umihi Dito", aba'y iniiwasan. Paano, pag dumaan ka roon, amoy mapalot. Ang panghi! Ngiii!

Ibig sabihin ba, mas disiplinado ang mga taga-Baguio kaysa tulad kong taga-Maynila? Ibig sabihin ba, pag tama ang paggamit ng RITO at DITO, sinusunod ng mga tao? Hmmm... Sana nga.

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Buntala

BUNTALA

ilang planeta ang nakikita
at napaisip ako talaga
Venus ba, o Mars ba, o buwan ba?
ngunit di sila mga planeta

pagkat repleksyon lang ng liwanag
ng bombilya, ako'y napapitlag
titig sa wala, buhay na hungkag
ah, repleksyon, ako'y napanatag

animo sila'y mga buntala
na iyong natatanaw sa lupa
animo'y tulog pa yaring diwa
at sa kawalan nakatunganga

mabuti't yaring diwa'y nagising
sa matagal kong pagkakahimbing

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Sab-atan

SAB-ATAN

Nang magtungo kami ni misis sa Baguio City, at dumating doon ng madaling araw, kumain muna kami sa Sab-atan restaurant, Enero 8, 2024. Sinamahan ko siya sa Baguio upang gampanan niya ang kanyang transaksyon Balik agad kami ng Maynila kinabukasan dahil may pasok.

Ayon kay misis, ang sab-atan ay salitang Igorot sa tagpuan (noun) o nagkitaan (verb). Alam niya pagkat si misis ay mula sa Mountain Province. Iba pa ang dap-ayan na tagpuan din subalit ang dap-ay ay tumutukoy sa isang sagradong pook.

Naisip ko naman na ang sab-atan marahil ang pinagmulan ng salitang sabwatan minus w. Nang magkatagpo at magkita ay doon na nag-usap o nagpulong upang maisagawa ang anumang plano o gawain.

kumain muna kami sa Sab-atan
nang dumating madaling araw pa lang
nabatid kay misis ang kahulugan
Sab-atan ay Igorot sa tagpuan

salamat sa bago kong natutunan
na magagamit ko sa panulaan
ibahagi ang dagdag-kaalaman
upang mabatid din naman ng tanan

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Sa Jollikod

SA JOLLIKOD

pagbaba namin sa Baguio City
nakita ko agad ang Jollikod
na nasa likuran ng Jollibee
sa ngalan pa lang ay napatanghod

sa Jollikod ay agad hiling ko
kay misis, kunan akong litrato
at gagawan ko ng tula ito
na minsan man, napadaan dito

kung chicken joy yaong sa Jollibee
na hilig ng bata't ng marami
aba, sa Jollikod nama'y happy
at may crispy dinakdakan dine

madaling araw pa, di pa bukas
kakain sana't manghihimagas
dito sana'y magpalipas-oras
bago tumungo sa inaatas

- gregoriovbituinr.
01.08.2024

Sa aklatan

SA AKLATAN

mabuti pang ang buhay ko'y gugulin sa aklatan
kaysa gabi-gabi'y aksayahin ko sa inuman
ano bang aking mapapala doon sa tomaan
kung wala naman iyong saysay at patutunguhan

sa aklatan, baka makakatha pa ng nobela
makapagbasa't malikha pa'y titik sa musika
kaytagal ko ring pinangarap maging nobelista
ngunit sa dagli't maikling kwento'y nagsasanay pa

paksa sa nobela'y laban ng uring manggagawa,
buhay at pakikibaka ng masang maralita,
kababaihan, bata, magsasaka, mangingisda,
bakit sistema'y dapat palitan ang nasa diwa

kaya nais kong nasa aklatan kaysa tumagay
doon ay dama ko ang tuwa, libog, dusa't lumbay
kaya pag may okasyon lang ako makikitagay
sa loob ng aklatan, loob ko'y napapalagay

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Linggo, Enero 7, 2024

Naabutan ko ang Showa period sa Japan

NAABUTAN KO ANG SHOWA PERIOD SA JAPAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naabutan ko ang Showa period sa Japan, o ang panahong buhay pa si Emperor Hirohito, na arkitekto ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas.

Namatay si Emperor Hirohito noong Enero 7, 1989, kung saan isa akong iskolar ng anim-na-buwan sa isang pabrika ng electronics sa Hanamaki City, Iwate Prefecture, mula Hulyo 16, 1988 hanggang Enero 15, 1989. Doon na ako nag-20th birthday.

Nag-aral ako ng radio-tv technician ng anim-na-buwan dito sa bansa. Tatlong buwan pa lang ay pinadala na ako at isa pang kaklase ng aming eskwelahan sa Japan upang mag-OJT, kaya hindi namin natapos ang aming kurso.

Nasa Japan ako sa huling limang buwan at tatlong linggo ng Showa period, at isang linggo ng umpisa ng Taisho period.

Pag-uwi ko sa Pilipinas, agad akong kinuha ng isang Japanese-Filipino company na ang produkto ay piyesa ng floppy disk ng kompyuter. Nakabase iyon sa Alabang, Muntinlupa. Ako'y machine operator sa Metal Press Department ng tatlong taon mula Pebrero 6, 1989 hanggang Pebrero 5, 1992. 

Manggagawa na ako sa kumpanya nang maisabatas ang Herrera Law noong 1989. Pebrero 6, 1992 nang mag-resign ako sa kumpanya upang mag-aral sa kolehiyo. Kumatha ako ng munting tula hinggil dito.

huling taon na pala ni Emperor Hirohito
nang sa Lungsod ng Hanamaki ay naroon ako
isa siyang emperor na patakara'y berdugo
nang bayan kong sawi ay nilusob nilang totoo

nadamay sa Ikalawang Daigdigang Digmaan
itong bayang mahal, dahil sa kanyang kagagawan
sapagkat nagpalawak sila ng nasasakupan
iyon ang una kong bansang pinuntahan - ang Japan

pinadala ng aking paaralan ang tulad ko
upang mag-aral ng kaalamang elektroniko
bilang O.J.T. ay doon ang una kong trabaho
pinadala ko naman sa pamilya ang sweldo ko

naabutan ko roon ang kapanahunang Showa
o panahong si Hirohito'y nanunungkulan pa
isang karanasang di ko malimutan talaga
bilang manggagawa, at ngayon, bilang aktibista

01.07.2024

* litrato mula sa google

Ang kuting

ANG KUTING

ilang linggo pa lang ang kuting
tila ba siya'y bagong gising
mula sa mahabang paghimbing
naglalaro ngunit marusing

dapat kong tanggalin ang muta
upang makakitang bahagya
gayon nga ang aking ginawa
upang kuting ay di lumuha

tatlo silang magkakapatid
iba'y naroon sa paligid
ang lagay nila'y binabatid
nang pagkain ay maihatid

ina nila'y hinahagilap
gutom na't ito'y hinahanap
gatas ay nais na malasap
ang nanay kaya'y maapuhap

- gregoriovbituinjr.
01.07.2024

* ang bidyo nito ay mapapanood sa https://fb.watch/psG-gRdc-x/

Mag-ina


MAG-INA

tunay na mapagmahal ang ina
kinakalinga ang anak niya
sinumang magpabaya'y di ina
kaya marahil turing ay puta

salamat sa inang mapagmahal
sa anak kaya nakatatagal
sa anumang problemang dumatal
pag-ibig sa puso'y bumubukal

ina'y kanlungan, tulay at gabay
nang anak ay mapanutong tunay
sa lahat ng ina, pagpupugay!
salamat, kayo'y aming patnubay!

- gregoriovbituinjr.
01.07.2024

* ang bidyo nito ay mapapanood sa https://fb.watch/psH2puMu16/ 

Sabado, Enero 6, 2024

Kung bakit hindi Goldilocks cake ang binili ko para sa bday ni misis?

KUNG BAKIT HINDI GOLDILOCKS CAKE ANG BINILI KO PARA SA BDAY NI MISIS?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ikaapatnapung kaarawan ni Misis ngayong Enero 6, 2024. Kabertdey niya ang mga artistang sina Sharon Cuneta, at Casey Legaspi na anak nina Zoren at Carmina. Kabertdey din niya ang namayapa nang si Nida Blanca. Aba, kabertdey din niya ang bayaning Katipunera na si Tandang Sora. At ang pangalan ni Misis ay Liberty. Kasingkahulugan ng inaasam nating Freedom, Independence, Kalayaan, Kasarinlan, di lang mula sa dayuhan, kundi sa pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao.

Sa birthday niyang ito, ibinili ko siya ng cake. Subalit hindi kagaya ng nakagawian niya, hindi ako bumili ng cake sa Goldilocks. Dahil ako ang bibili ng cake, sinabi ko sa kanyang hindi Goldilocks cake ang bibilhin ko. Kaya nag-ikot kami sa Cubao, at napili ni Misis ang cake mula sa TLJ (hindi TVJ o Tito, Vic and Joey) Bakery, o The Little Joy Bakery. Siya ang pumili ng flavor.

Nais kong kahit sa pagbili ng cake ay maipakita ko ang katapatan sa uring manggagawa. Dahil noong taon 2010, nakiisa ako sa welga ng unyon ng Goldilocks. Nagwelga ang mga kasapi ng BISIG (Bukluran ng Independentang Samahang Itinatag Sa Goldilocks) dahil sa isyu ng retrenchment. Ako ay staff naman noon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Sa laban nga ni Pacquiao kay Joshua Clottey ng Ghana, doon kami sa piketlayn ng Goldilocks sa Shaw Blvd. nanood.

Natatandaan ko't nasaksihan ko, madaling araw nang itinirik ng mga manggagawa ang welga. Natatandaan ko, isa sa isyu ang pagkatanggal ng 127 manggagawa, na nais nilang maibalik sa trabaho. Natatandaan ko, nakiisa at natulog din ako sa piketlayn nila. Naglabas din kami ng nasa 100-pahinang aklat hinggil sa nasabing welga. Natatandaan ko, naroon kami hanggang matapos ang welga.

Bagamat matagal nang tapos iyon, hindi pa rin ako bumibili ng cake sa Goldilocks. Ni anino ko ay ayokong makitang nasa loob ng bilihan ng Goldilocks. Nais kong maging tapat sa aking sarili at sa manggagawa. Kaya ngayong kaarawan ni Misis, sinabi ko sa kanyang huwag kaming bibili ng cake sa Goldilocks, bagamat hindi ko siya sinasaway kung bumibili siya minsan ng cake sa Goldilocks, lalo't hindi naman ako kasama.

Marahil, mabubuhay pa ako ng ilang taon, at mamamatay nang hindi tumutuntong at bumibili sa Goldilocks upang ipakita na hanggang ngayon, nananatiling may bahid ng dugo ng manggagawa ang bawat cake doon, upang ipakitang sa ganito mang paraan ay maipakita ko ang aking puso, pagdamay at pakikiisa sa laban ng uring manggagawa. Ang paninindigang ito'y kinathaan ko ng tula.

di Goldilocks cake ang binili ko
para kay misis sa birthday nito
hanggang ngayon ay nadarama ko
bawat cake na nagmumula rito'y
may bahid ng dugo ng obrero

lalo't kaisa ako ng unyon
nang sila'y magsipagwelga noon
ni-retrench ang manggagawa roon
hanggang ngayon, ito'y aming layon
paglaya ng manggagawa'y misyon

01.06.2024

40 na si Misis

40 NA SI MISIS

Life begins at forty, sabi nila
Mahal ko, kwarenta anyos ka na
At sa araw mo'y binabati kita
Maligayang kaarawan, sinta

Ka-birthday mo si Sharon Cuneta,
Casey Legaspi, at Nida Blanca
Ka-birthday mo pa'y Katipunera
Ating bayaning si Tandang Sora

Matatatag na kababaihan
Di Marya Klara pagkat palaban
Kayo'y aming sinasaluduhan
Na halimbawa'y tinutularan

- gregoriovbituinjr.
01.06.2024

Biyernes, Enero 5, 2024

Saanman mapadpad

SAANMAN MAPADPAD

pupuntahan kita, aking sinta
kung naroon ka sa opisina
kung nagtampisaw ka sa aplaya
kung nasa rali ka sa kalsada

sasama pa rin akong maglakad
saanman tayo, sinta, mapadpad
kung kinakailangang lumipad
aking pakpak ay di masasadsad

upang malikha ang mga tula
ng hinahangad nating paglaya
na tangan ang prinsipyong dakila
haharapin ang anumang sigwa

halina, giliw, ako'y samahan
sa ating bawat patutunguhan
bayan ay ating paglilingkuran
sa laban, wala tayong iwanan

MALIGAYANG KAARAWAN!

- gregoriovbituinjr.
01.05.2024

Paalala sa sarili

PAALALA SA SARILI

magtimpla ng gatas sa umaga
o kaya ay maghanda ng tsaa
katawa'y palakasin tuwina
lalo't tulad ko'y tumatanda na

patuloy pa ring maglakad-lakad
mag-ehersisyo kahit makupad
mag-push-up din para sa balikat
upang lumakas pag nagbubuhat

minsan naman ay mag-shadow boxing
tiyaking sapat lang kung kakain
gulay at isda ang almusalin
pagkain ng karne'y bawasan din

dapat katawan na'y alagaan
lalo't higit ang puso't isipan
gatas o tsaa muna'y agahan
bago ang trabaho'y paghandaan

- gregoriovbituinjr.
01.05.2024

Huwebes, Enero 4, 2024

Sapaw na tuyong pusit sa hapunan

SAPAW NA TUYONG PUSIT SA HAPUNAN

sinapaw ko sa sinaing ang tuyong pusit
imbes iprito sa kawali'y makatipid
okra't itlog ay sapaw din para sa paslit
payak na ulam sa hapunan, saya'y hatid

pag nagprito pa'y dagdag na paggamit ng gas
nang sinapaw sa kanin, aba'y anong sarap
diskarte lang upang sa gastos makaiwas
upang buhay ay di mukhang aandap-andap

may nadulot din ang pagtitig sa kisame
at pagtunganga ko'y nagkaroon ng silbi
aba'y nakakaisip minsan ng diskarte
busog ka na'y nakatipid pa ngayong gabi

maraming salamat, kaunti man ang ulam
at nairaos ang masarap na hapunan

- gregoriovbituinjr.
01.04.2024

Pagtitig sa kawalan

PAGTITIG SA KAWALAN

pagtitig sa kawalan
ba'y tanda ng kawalan?
wala bang mahingahan
ng nasa kalooban?

alala'y suliranin
at nasa saloobin
paano bang gagawin
upang ito'y lutasin

napatitig sa langit
sa palad ba'y inugit
ang sangkaterbang lupit
di na makabunghalit

subalit may solusyon
sa problemang may rason
hanapin ko lang iyon
aalpas sa kahapon

- gregoriovbituinjr.
01.04.2024

Ang aklat ng haiku ni Rogelio G. Mangahas

ANG AKLAT NG HAIKU NI ROGELIO G. MANGAHAS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayganda ng aking pakiramdam nang mabili ko ang aklat na "Gagamba sa Uhay, Kalipunan ng mga Haiku" ng makatang Rogelio G. Mangahas, na may salin sa Ingles ni Marne L. Kilates. Animo'y isang gintong aklat ang aking napasakamay.

Nabili ko iyon sa National Book Store sa Malabon City Square, sa Letre, Malabon noong Hunyo 14, 2023, sa halagang P250.00. Inilathala iyon ng C & E Publishing noong 2006. Umaabot ng 183 pahina, na kung idaragdag ang 34 pahinang naka-Roman numeral, dahil sa Liham ng May-akda, Translator's Note, at Introduksyon ni national artist Rio Alma, ay 217 pahina lahat.

Nasa 270 haiku ang nasulat ni Mangahas, kaya 270 haiku rin ang isinalin ni Kilates. Bawat haiku ay may nakatalagang numero. Nahahati sa pitong bahagi ang mga ito, kung saan pinamagatan niya ang nilalaman ng Mga Uhay ng Haiku:

1. Tutubi sa Tukal - Haiku 1-32 (32 haiku)
2. Hiyaw sa Kalaw - Haiku 33-90 (58 haiku)
3. Laglag na Hasmin - Haiku 91-114 (24 haiku)
4. Gagamba sa Uhay - Haiku 115-175 (61 haiku)
5. Maya sa Barbed Wire - Haiku 176-212 (37 haiku)
6. Sugatang Punay - Haiku 213-223 (11 haiku)
7. Alitaptap sa Gulod - Haiku 224-270 (47 haiku)

Malalalim o marahil ay lalawiganin ang ilang mga salita na kailangan mo pang tingnan ang kahulugan sa diksyunaryo. O kaya'y basahin ang salin sa Ingles upang maunawaan mo kung ano iyon. Kayganda rin ng salin at sinubukan din ni Kilates na nasa pantigang 5-7-5 din ang mga ito, bagamat marami ring hindi nasa pantigang 5-7-5.

Ginamit kong sanggunian ang UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), at ang English-Tagalog Dictionary (ETD) ni Leo James English. Maganda ring may salin sa Ingles ang mga haiku upang mas mabasa rin ito ng mga banyaga at dayuhang nakakaunawa ng Ingles.

Marahil ay sasabihin mo, pareho lang naman ang banyaga sa dayuhan, ah. Sa palagay ko'y hindi. Ang dayuhan ay yaong nakatuntong sa ating bansa na iba ang nasyunalidad. Ang banyaga ay yaong tagaibang bansa, na marahil ay hindi umalis ng kanilang bansa kaya hindi dumayo sa ating bansa. Halimbawa, ang makatang Edgar Allan Poe ay banyaga subalit hindi dayuhan, dahil hindi naman siya umalis sa Baltimore at nagpunta ng Pilipinas. Gayunpaman, magpatuloy tayo.

Nagustuhan ko ang kanyang mga haiku, o tulang nasa tatlong taludtod at may pantigang 5-7-5. Tingnan ang ilang haiku sa aklat ni Mangahas.

Haiku 1

Tingnan, tutubi'y
darakma lang ng niknik,
tuntunga'y tukal.

Madaling maunawaan ang tutubi, subalit hindi ang niknik at tukal. Kaya masasabi mong ito'y lalawigan. Ang niknik ay kulisap na maliit, subalit ang tukal ba'y ano? Subalit dahil sa salin ni Kilates, agad kong nabatid na ito pala ang taal na salita sa lotus.

Haiku 1 (salin)

Watch, a dragonfly,
poised to snatch a gnat,
must stand on lotus.

Sa ETD, p. 411, ang gnat ay "a small, two-winged insect or fly: Niknik. Sa UPDF, p. 820, ang niknik ay "1. maliit na insektong sumisipsip ng dugo; 2. maliit na lamok." Sa UPDF, p. 1283, ang tukal ay may dalawang kahulugan, batay sa kudlit o paano ito sinabi, ang túkal ay salitang Ilokano na "tukod na kawayan, ginagamit sa mga punong nakahilig." Ang tukál naman ay salitang Botany na "halamang tubig (Eichhornia crassipes) na biluhaba ang dahon na may lapad na 5-12 sm, mapintog ang tangkay, mabalahibo ang mga ugat, tila dapò ang mga bulaklak na asul o lila, at hugis itlog ang mga buto: hasinto, pulaw, water hyacinth.

Aba, magkaiba ang water hyacinth sa lotus, di ba? Ayon sa UPDF, p. 716, ang lotus ay "2.a. halamang lily (genus Nelumbo) na may pink at malalaking bulaklak." Gayunman, di man magtugma ang salin ng tukál sa lotus, ito'y upang mas maunawaan lang natin saan nga ba nakatuntong ang tutubi, kundi sa isang halamang tubig.

Haiku 42

Simbad ng banoy:
kaytahimik.. iniwa'y
kará at kulós.

Upang magkasya sa limang pantig sa unang taludtod, ginamit ay banoy imbes na agila. Maaari ding lawin. Subalit ano ang kará at kulós? Ito ba'y ang sugal na kara at kurus? Ano ang kaugnayan nito sa agila? Tiningnan natin ang salin.

Haiku 42 (salin)

Eagle-swoop: swift
and quiet... all that's left: racket
of monkeys, rustle of leaves.

Wow! May bago na naman tayong natutunang salitang lalawiganin. Ano ang racket of monkeys? May raketa ba ang mga unggoy, tulad sa tenis o badminton? Ano ang kará? Ito ang pagkakaingay ng mga unggoy. Ayon sa ETD, p. 816, bukod sa stringed bat, ang racket ay "2. a loud noise". Ayon naman sa UPDF, p. 578, ang kará (hindi kára) ay "1. paulit-ulit na pagpadyak. 2. aklaha." Ano naman ang aklaha? Sa UPDF, p. 23, ang aklaha ay "1. hiyawan ng mga unggoy. 2. [Sinaunang Tagalog] sigaw ng mga api at nawalan ng kapangyarihan." Ang kulós naman, sa UPDF, p.640, ay "kaluskos".

Kaya kung pag-iisipan natin ang binasa nating haiku, o ilalarawan natin sa utak, ito'y hinggil sa mabilis at walang ingay na pagdapo ng agila sa puno, na nang muling lumipad, ang naiwan na lang ay ang nagkakaingay na unggoy at ang kaluskusan ng mga dahon.

Kung ito pa ay monkey-eating eagle, baka nakadagit pa ng unggoy ang agila, kaya nagkaingay ang mga unggoy, habang naglaglagan din ang mga dahon sa puno.

Napakapayak naman at madaling unawain ng Haiku 169.

Kita ko'ng uod
sa bulok na bayabas,
wari'y umindak.

Subalit iba ang Haiku 173, dahil wala sa UPDF ang "nagsamalo"

Baguntao kong
tinungkia'y sinakyan -
ba'y nagsamalo!

Kadalasan ang baguntao ay tumutukoy sa binata, o marahil ay nagbibinata na, bagong tuli. Subalit sa haiku ni Mangahas, ito'y tumutukoy sa anak ng baka o kalabaw. Nang nilagyan ng lubid ang ilong ng guya, o ng baguntao, ito'y nagwala o nagsamalo.

Sumigla ang aking panulat nang mabasa ko ang aklat na ito ng mga haiku ni Mangahas, na karaniwan ay pumapaksa sa buhay sa kalikasan at sa lalawigan, at dahil dito'y sinubukan kong makalikha rin ng haiku. Subalit dahil ako'y mas nasa kalunsuran nakatira ay binigyan ko ng buhay ang ilang mga paksa sa lungsod. Narito ang ilan:

1

patuloy pa rin
ang kontraktwalisasyon
sa Bagong Taon

2

obrero'y hirap
sa kontraktwalisasyong
sadyang laganap

3

nang mag-Climate Walk
kami, ang aming hiyaw:
Climate Justice Now!

4

putok sa buho
raw siya kaya dukha;
walang magulang?

5

tuloy ang kayod
mababa man ang sahod
kaysa lumuhod

6

huwag matakot
makibaka, kasama!
laban sa buktot

7

sistemang bulok
dala ng mga hayok
at nailuklok

8

dapat palitan
ang sistemang gahaman
di pang-iilan

9

kinabukasan
ay ating ipaglaban
para sa bayan

10

ang aking asam
kabuluka'y maparam
nang di magdamdam

Isang inspirasyon sa mga tulad kong mangangatha ng tula ang pamanang iniwan sa atin ng makatang Rogelio G. Mangahas. Isang taospusong pagpupugay.

01.04.2024

Miyerkules, Enero 3, 2024

Anong bago ngayong Bagong Taon?

ANONG BAGO NGAYONG BAGONG TAON?

anong bago ngayong Bagong Taon?
wala na kayang mga dyip ngayon?
kapitalista pa rin ba'y poon?
sistema'y bulok gaya rin noon?

wala na bang pagsasamantala?
kilo ba ng bigas ay bente na?
kontraktwalisasyon ba'y naryan pa?
natokhang ba, hustisya'y nakuha?

kapitalista'y bundat na bundat?
habang manggagawa nila'y salat?
mga basura pa ri'y nagkalat?
dyip na pinapasada'y nasilat?

ngayong Bagong Taon, anong bago?
kung kontraktwal pa rin ang obrero
Hudyo'y sikil pa ang Palestino
paglayang asam pa'y di matamo?

anong bago sa iyong palagay?
kung daing sa hirap sina nanay?
kung dukha'y walang sariling bahay?
kung hustisya'y di makamtang tunay?

- gregoriovbituinjr.
01.03.2024

Martes, Enero 2, 2024

Poot at Pag-ibig

POOT AT PAG-IBIG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa sa damdaming kilala ng tao ang poot at pag-ibig. Dalawang paksang dumadaloy sa kaisipan ng ating mga ninuno ilang libong taon na ang nakararaan.

Nakabili ako ng dalawang aklat hinggil sa dalawang paksang ito sa magkaibang panahon. Nabili ko ang aklat na "I Hate and I Love" ni Catullus, sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Marso 28, 2018, sa halagang P80.00, na umaabot ng 56 pahina. Nabili ko naman ang "Aphorisms on Love and Hate" ni Friedrich Nietsche, sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Disyembre 8, 2023, sa halagang P180.00, na umaabot naman ng 57 pahina. Kapwa ito inilathala ng Penguin Classics, at may sukat na 4 3/8 inches at 6 1/4 inches (o 4.375" x 6.25").

Napakalayo ng agwat ng dalawang awtor na nagsasaad na talagang ang poot at pag-ibig ay paksa na noon pang unang panahon hanggang ngayon.

Sino si Catullus? Isinilang noong 84 BCE at namatay noong 54 BCE), siya ay makatang Latino ng huling Republikang Romano na nagsulat pangunahin sa neoteric na istilo ng tula, na nakatuon sa personal na buhay kaysa sa mga klasikal na bayani. Ang kanyang mga tula ay binabasa at patuloy na nakakaimpluwensya sa mga tula at iba pang anyo ng sining. 

Ang makatang si Catullus, ayon sa Poetry Foundation, mula sa kawing na https://www.poetryfoundation.org/poets/gaius-valerius-catullus, "Sa Roma, malaki ang papel na ginampanan ni Catullus at ng kanyang kahenerasyon, ang "mga bagong makata" sa pagbuo ng pagtulang Augustan. Nakatulong sila upang lumikha ng posibilidad na ang isang tao ay maaaring maging makata bilang propesyon. Dinala nila sa Roma ang natutunan at may kamalayan sa sarili na istilo ng Hellenistic na tula, at nakatulong sila sa paglikha at pagtuklas ng interes na iyon sa malibog na patolohiyang inilabas sa elehiya ng Romanong pag-ibig. Sa kalaunan, sa panahon ng imperyo, naging modelo si Catullus para sa mga epigramo ni Martial, mga tulang nmatatalisik, kadalasang bulgar at satirikong mga obserbasyon sa buhay sa Roma." 

Sino naman si Friedrich Nietzsche? Ayon sa Stanford Encyclopedia of Philosophy (https://plato.stanford.edu/entries/nietzsche/), "Si Friedrich Nietzsche (1844–1900) ay isang pilosopong Aleman at kritiko sa kultura na masinsinang naglathala noong 1870s at 1880s. Nakilala siya sa mga walang patumanggang pagpuna sa tradisyunal na moralidad at relihiyon sa Europa, gayundin sa mga kumbensyonal na ideyang pilosopikal at panlipunan at pampulitikang kabanalan na nauugnay sa modernidad. Marami sa mga kritisismong ito ay umaasa sa mga sikolohikal na diagnosis na naglalantad ng maling kamalayan na nakakahawa sa mga natanggap na ideya ng mga tao; sa kadahilanang iyon, siya ay madalas na nauugnay sa isang grupo ng mga huling modernong palaisip (kabilang sina Marx at Freud) na nagsulong ng isang "hermeneutics ng hinala" laban sa mga tradisyonal na halaga (tingnan ang Foucault [1964] 1990, Ricoeur [1965] 1970, Leiter 2004). Ginamit din ni Nietzsche ang kanyang mga sikolohikal na pagsusuri upang suportahan ang mga orihinal na teorya tungkol sa likas na katangian ng sarili at mga mapang-udyok na panukalang nagmumungkahi ng mga bagong halaga na sa tingin niya ay magsusulong ng kultural na pagbabago at mapabuti ang panlipunan at sikolohikal na buhay sa pamamagitan ng paghahambing sa buhay sa ilalim ng mga tradisyonal na halaga na kanyang pinuna."

Malalalim ang pagtingin sa kanila ng mga nakalap nating saliksik. Kaya nais din nating bigyang pansin ang lalim ng kanilang aklat hinggil sa dalawang emosyong talagang kilala ng tao. Dalawang damdamin at pilosopiyang pinatingkad sa kanilang sulatin.

Ayon kay Catullus, "I hate and I love. And if you ask me how, I do not know: I only feel it, and I'm torn in two. (Napopoot ako at umiibig. At kung tatanungin mo ako kung paano, ewan ko: nararamdaman ko lang ito, at nahati ako sa dalawa.)"

Ayon naman kay Nietzsche: "We must learn to love, learn to be kind, and this from earliest youth... Likewise, hatred must be learned and nurtured, if one wishes to become a proficient hater. (Dapat tayong matutong magmahal, matutong maging mabait, at mula pa sa mga pinakaunang kabataan... Gayundin, ang pagkapoot ay dapat ding matutunan at alagaan, kung ang isang tao ay nagnanais na maging palagiang napopoot.)"

Bakit kailangan kang maging proficient hater, na isinalin ko sa palagiang napopoot? Bakit nga ba dapat kang mapoot, gayong mas makabubuti sa atin ang matutong magmahal. Ang pagkapoot, ayon sa nabasa kong talambuhay ni Joseph Goebbels, ay isang damdaming nagbigay-kapangyarihan sa Nazi Germany upang mapalakas at makapanakop ng maraming bansa. na marahil ay siya ring ginagawa ng mga Hudyo ngayon upang mapalayas ang mga Palestino sa lupang inagaw ng Israel.

Subalit mas makabubuting pag-ibig ang maging dahilan kung bakit tayo nabubuhay, lumalaban, at nakikibaka sa buhay. Hindi ba't mismong ang ating bayaning si Gat Andres Bonifacio ay may tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan". Mula sa pagbasa sa tulang iyon ay nalikha ko naman ang tulang "Pag-ibig sa Sangkatauhan."

Namnamin natin ang sinabi ni Che Guevara, "At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love. It is impossible to think of a genuine revolutionary lacking this quality. (Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, hayaan ninyong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng nag-aalab na pakiramdam ng pag-ibig. Imposibleng isiping walang ganitong katangian ang isang tunay na rebolusyonaryo.)”

Tulad ko, bilang aktibistang nakikibaka, dapat nabubuhay tayo sa pag-ibig, nakikibaka tayo dahil batid natin ang karapatang pantao, at hustisyang panlipunan, upang maitayo ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nais kong kumatha ng tula hinggil sa dalawang damdaming ito.

ANG POOT AT ANG PAG-IBIG
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

talagang poot si Adolfo kay Florante
upang si Lawra'y maagaw at makatabi
poot din sa Hudyo si Adolfo ng Nazi
dulot ay Holocaust, napaslang ay kayrami

anong ganda ng sinabi ni Che Guevara
isang Argentinian at nagsilbi sa Cuba
may pag-ibig sa puso ng nakikibaka
upang palayain ang manggagawa't masa

ang poot at pag-ibig, dalawang emosyon
batid na ng tao noong unang panahon
si Abel nga'y pinatay raw ni Cain noon
Hudyo'y kinawawa ang Palestino ngayon

kayraming krimeng nagawa'y bunsod ng galit
sila'y nakapatay, ngayon ay nakapiit
di ba't mas mabuting tayo'y maging mabait
at pawang pag-ibig ang sa puso'y igiit

01.02.2024

Lunes, Enero 1, 2024

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

bagong taon, lumang sistema
mayroon pa kayang pag-asa
upang makabangon ng masa
upang maibangon ang masa
mula pagkalugmok at dusa

ano ang ating hinaharap
nang sistema'y mabagong ganap
at lipunang pinapangarap
na pagkapantay ay malasap
at di lang hanggang sa hinagap

masa'y di dapat mabusabos
ng sistemang dapat makalos
patuloy pa rin ang pagkilos
upang kabuluka'y matapos
at ginhawa'y makamtang lubos

- gregoriovbituinjr.
01.01.2024

LITKURAN - salin ko sa BACKGROUND

LITKURAN - SALIN KO SA BACKGROUND hinanap ko na sa diksyunaryo salin ng BACKGROUND sa Filipino may likuran, karanasan, pondo anong etimolohi...