SALAMAT KAY AGONCILLO SA TULANG "SA IYO, O MAKATA"
ni Gregorio V. Bituin Jr. 01.03.2026
sa magasing Liwayway nga / ay muling inilathalà
ang tula ni Agoncillo, / na "Sa Iyo, O Makatâ"
na isang pagpapahayag / na merong sukat at tugmâ
isang tulang inaalay / sa kapwa niya makatâ
ang pantig bawat taludtod, / nasa lalabing-animin
may sesura sa pangwalo, / sadyang kaysarap basahin
may sugat man at pasakit / ngunit mananamnam natin
ang salitang anong tamis, / na may anghang at pait din
kaya't naririto akong / taospusong nagpupugay
sa tula ni Agoncillo / habang nasa paglalakbay
sa putikan mang lupalop, / ang kanyang tinula'y tulay
sa bawat unos ng buhay, / may pag-asang tinataglay
pasasalamat sa iyo, / sa anong ganda mong mithi
Agoncillo, historyador, / makatang dangal ng lahi!
upang mabasa ng tanan, / buong tula mo'y sinipi
at tinipa sa kompyuter, / nang sa iba'y mabahagi:
SA IYO, O MAKATA
Ni Teodoro A. Agoncillo
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 13, 1945)
KAIBIGAN, malasin mo ang mapulang kalunuran
At may apoy na animo ay siga ng kalangitan;
Yao'y ningas sa magdamag ng masungit na karimlan,
Na sulo ng ating budhing walang layo't naglalaban.
HUMINTO kang sumandali, O kahit na isang saglit,
At kumatok nang marahan sa pinto ng aking dibdib,
Sa loob mayroong isang pusong laging tumatangis,
Sa sama ng katauhang sa kapuwa'y nagbabangis!
O linikha ng Maykapal! Malasin mo't nagdidilim
Ang umaga ng daigdig na luhaa't naninimdim;
Ang kalulwa'y naghuhukot sa mabigat na pasanin,
At ang diwa'y nadudurog sa dahas ng pagkabaliw.
O makatang mang-aawit ng mayuming kagandahan,
O makata ng pag-ibig at matimping pagdaramdam;
Ang tinig mo'y hindi paos, ano't hindi mangundiman
Ng Paglaya nitong Tao upang maging Diwang Banal?
KALBITIN mo ang kudyapi na kaloob ni Bathala
At nang iyong mapahinto ang sa ngayo'y nandirigma;
Ang yumao'y idalangin, at sa puso ay magluksa,
At sa buhay agawin mo ang sandatang namumuksa!
Ang tinig mo'y isang tinig ng Bathalang Mananakop,
Ang layon mo ay siya rin ng Mesyas na Manunubos;
Ang diwa mo ay panlahat, ang mithi mo ay pag-irog,
Ang bayan mo'y Daigdigang naghahari'y gintong loob.
UMAWIT ka O makata! Lisanin mo ang pangamba,
Tumitig ka sa silahis ng araw na nagbabaga;
Ang buhay man ay di laging pag-ibig na sinisinta,
Sa paana'y malasin mo't may hukay na nakanganga!
AT sa gayon, ang kanluran na may sigang sakdal tingkad
Ay sa dilim magluluwal ng umagang maliwanag;
Sadyang ganyan ang mabuhay sa lalim ng iyong sugat
Ay doon mo makikita ang langit ng iyong palad.
* muling nalathala ang tulang ito ni Agoncillo sa magasing Liwayway, isyu ng Abril 2024, p.96





























